Mga Gawa 19

Si Pablo sa Efeso

1Habang nasa Corinto si Apolos, pumunta si Pablo sa mga bulubunduking lugar ng lalawigan hanggang sa makarating siya sa Efeso. May nakita siyang mga alagad doon.

2Tinanong niya sila, “Natanggap na ba ninyo ang Banal na Espiritu nang sumampalataya kayo?”

Sumagot sila, “Hindi, at hindi nga namin alam na may tinatawag palang Banal na Espiritu.”

3Nagtanong si Pablo sa kanila, “Anong klaseng bautismo ang inyong napagdaanan?”

Sumagot sila, “Ang bautismo ni Juan.”

4Sinabi ni Pablo sa kanila, “Ang bautismo ni Juan ay para sa mga taong nagsisisi sa kanilang kasalanan. Ngunit sinabi rin ni Juan sa mga tao na dapat silang sumampalataya sa darating na kasunod niya, na walang iba kundi si Hesus.”

5Nang marinig nila ito, binautismuhan sila sa pangalan ng Panginoong Hesus.

6At nang ipinatong ni Pablo ang kanyang kamay sa kanila, bumaba sa kanila ang Banal na Espiritu. Nakapagsalita sila sa ibaʼt ibang wikang hindi nila natutunan, at may mga ipinahayag silang mensahe mula sa Diyos.

7Labindalawang lalaki silang lahat.

8Sa loob ng tatlong buwan, patuloy ang pagpunta ni Pablo sa sinagoga. Hindi siya natatakot magsalita sa mga tao. Nakipagdiskusyon siya at ipinaliwanag sa kanila ang tungkol sa paghahari ng Diyos.

9Ngunit ang iba sa kanilaʼy matigas talaga ang ulo at ayaw maniwala, at lantaran nilang sinisiraan ang Daan. Kaya umalis si Pablo sa kanilang sinagoga kasama ang mga alagad, at araw-araw ay pumupunta siya sa bulwagan ni Tirano upang ipagpatuloy ang pakikipagdiskusyon sa harap ng madla.

10Sa loob ng dalawang taon, ganoon ang kanyang ginagawa, kaya ang lahat ng nakatira sa lalawigan ng Asia, Hudyo at Griyego ay nakarinig ng salita ng Panginoon.

11Maraming pambihirang himala ang ginawa ng Diyos sa pamamagitan ni Pablo.

12Kahit mga panyo at mga epron na ginagamit niya ay dinadala sa mga maysakit at gumagaling sila, at lumalabas din ang masasamáng espiritu.

13May ilang mga Hudyo doon na gumagala at nagpapalayas ng masasamang espiritu sa mga taong sinasaniban nito. Sinubukan nilang gamitin ang pangalan ng Panginoong Hesus upang palabasin ang masasamáng espiritu. Sinabi nila sa masasamang espiritu, “Sa pangalan ni Hesus na ipinangangaral ni Pablo, inuutusan ko kayong lumabas!”

14Ganito rin ang ginagawa ng pitong anak na lalaki ni Esceva na isa sa mga namamahalang paring Hudyo.

15Minsan, nang subukan nilang palayasin ang masamáng espiritu, sinagot sila nito, “Kilala ko si Hesus, ganoon din si Pablo, pero sino kayo?”

16At nilundag sila ng taong sinaniban ng masamáng espiritu at sinaktan. Wala silang nagawa kaya tumakbo sila palabas ng bahay na hubad at sugatan.

17Ang pangyayaring ito ay nabalitaan ng lahat ng Hudyo at mga Griyegong nakatira sa Efeso. Natakot sila, at lalo pang naparangalan ang pangalan ng Panginoong Hesus.

18Marami sa mga sumampalataya ang lumapit at umamin sa masasama nilang ginawa.

19At marami ring mga salamangkero ang nagdala ng kanilang aklat at sinunog nila ang mga ito sa harap ng lahat. Ang halaga ng mga aklat na sinunog ay umabot ng ilang milyon.

20Dahil sa pangyayaring ito, lalo pang lumaganap ang kapangyarihan ng salita ng Panginoon.

21Pagkatapos ng mga pangyayaring iyon, nagpasya si Pablo na dumaan muna sa Macedonia at sa Acaya bago pumunta sa Jerusalem. At ayon sa kanya, kailangan din niyang puntahan ang Roma pagkagaling sa Jerusalem.

22Pinauna niya sa Macedonia ang dalawang tumutulong sa kanya na sina Timoteo at Erasto, at siyaʼy nagpaiwan muna sa lalawigan ng Asia.

Ang Kaguluhan sa Efeso

23Nang panahong iyon ay nagkaroon ng isang malaking kaguluhan patungkol sa Daan ng Panginoon.

24May isang nagpapanday ng pilak doon na nagngangalang Demetrio. Gumagawa siya at ang kanyang mga tauhan ng maliliit na templong yari sa pilak na iginaya sa templo ni Artemis na kanilang diyosa, at itoʼy pinagkakakitaan nila nang malaki.

25Kaya ipinatawag niya ang kanyang mga manggagawa at ang iba pang mga nagpapanday ng pilak. At sinabi niya sa kanila, “Mga kaibigan, alam ninyong umaasenso tayo sa ganitong klaseng hanapbuhay.

26Nakita ninyo at narinig ang ginagawa ng taong si Pablo. Sinasabi niya na ang mga diyos na gawa ng tao ay hindi mga totoong diyos. Marami ang naniwala sa kanya rito sa Efeso at sa buong lalawigan ng Asia.

27Kaya nanganganib ang ating hanapbuhay, dahil baka masamain ito ng mga tao. At hindi lang iyan, nanganganib din ang templo ng ating dakilang diyosang si Artemis, dahil baka mawalan na ito ng saysay, at hindi na kilalanin ng mga tao ang diyosa na sinasamba hindi lang dito sa Asia kundi maging sa buong mundo.”

28Nang marinig ito ng mga tao, galit na galit sila at nagsigawan, “Makapangyarihan si Artemis ng mga taga-Efeso!”

29At ang kaguluhan ay kumalat sa buong lungsod. Hinuli nila ang mga kasama ni Pablo na sina Gayo at Aristarco na mga taga-Macedonia. Pagkatapos, sama-sama silang nagtakbuhan sa lugar na pinagtitipunan ng mga tao habang kinakaladkad nila ang dalawa.

30Nais sana ni Pablo na magsalita sa mga tao, ngunit pinigilan siya ng mga alagad ni Hesus.

31Maging ang ilang mga opisyal ng lalawigan ng Asia na mga kaibigan ni Pablo ay nakiusap na huwag siyang pumunta sa pinagtitipunan ng mga tao.

32Lalo pang nagkagulo ang mga tao. Ibaʼt iba ang kanilang mga isinisigaw, dahil hindi alam ng karamihan kung bakit sila nandoon.

33May isang tao roon na ang pangalan ay Alejandro. Itinulak siya ng mga Hudyo sa unahan para magpaliwanag na silang mga Hudyo ay walang kinalaman sa mga ginagawa nina Pablo. Sinenyasan niya ang mga tao na tumahimik.

34Nang malaman ng mga tao na isa siyang Hudyo, sumigaw silang lahat, “Makapangyarihan si Artemis ng mga taga-Efeso!” Dalawang oras nilang isinisigaw ang ganoon.

35Nang bandang huli, napatahimik din sila ng namumuno sa lungsod. Sinabi niya sa kanila, “Mga kapwa ko taga-Efeso, alam ng lahat ng tao na tayong mga taga-Efeso ang siyang tagapag-ingat ng templo ni Artemis na makapangyarihan at ng sagradong imahen na nahulog mula sa langit.

36Hindi ito maikakaila ninuman. Kaya huminahon kayo, at huwag kayong padalos-dalos.

37Dinala ninyo rito ang mga taong ito kahit hindi naman nila ninakawan ang ating templo o nilapastangan ang ating diyosa.

38Kung si Demetrio at ang kanyang mga kasamang platero ay may reklamo laban kaninuman, may mga korte at mga hukom tayo. Dapat doon nila dalhin ang kanilang mga reklamo.

39Ngunit kung may iba pa kayong reklamo, iyan ay kinakailangang ayusin sa opisyal na pagtitipon ng taong-bayan.

40Sa ginagawa nating ito, nanganganib tayong maakusahan ng panggugulo. Wala tayong maibibigay na dahilan kung bakit natin ginagawa ito.”

41Pagkatapos niyang magsalita, pinauwi niya ang mga tao.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.