Mga Gawa 21

Pabalik sa Jerusalem

1Nagpaalam kami sa mga pinuno ng iglesya sa Efeso, at naglayag kami nang tuloy-tuloy hanggang sa nakarating kami sa Cos. Kinabukasan, dumating kami sa isla ng Rodas. At mula roon, tumuloy kami sa Patara.

2Doon ay sumakay kami ng barko papuntang Fenicia.

3Mula sa barko, natanaw namin ang isla ng Cyprus sa bandang kaliwa. Dinaanan lang namin ito at tumuloy na kami papuntang Siria. Dumaong kami sa bayan ng Tiro, dahil nagbaba doon ng kargamento ang barko.

4Hinanap namin doon ang mga alagad ni Hesus, at nakituloy kami sa kanila sa loob ng isang linggo. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu, binalaan nila si Pablo na huwag pumunta sa Jerusalem.

5Ngunit pagkaraan ng isang linggo, nagpatuloy kami sa aming paglalakbay. Lahat sila, pati ang kanilang mga asawaʼt anak ay naghatid sa amin sa labas ng lungsod. Lumuhod kaming lahat sa dalampasigan at nanalangin.

6Nang makapagpaalam na kami sa kanila, sumakay kami sa barko at umuwi naman sila.

7Mula sa Tiro, nagpatuloy kami sa aming paglalakbay papuntang Tolemaida. Pagdating namin doon, nakipagkita kami sa mga kapatiran at tumigil kami sa kanila ng isang araw.

8Pagkatapos, pumunta naman kami sa Cesarea. Pagdating namin doon, pumunta kami sa bahay ni Felipe na tagapangaral ng Magandang Balita, at doon kami nakituloy. Si Felipe ay isa sa mga pitong lalaking hinirang noon sa Jerusalem na tumulong sa mga apostol.

9Apat ang anak niyang dalaga na pawang mga propeta.

10Pagkaraan ng ilang araw, dumating ang propetang si Agabo mula sa Judea.

11Pinuntahan niya kami at kinuha ang sinturon ni Pablo, at itinali sa kanyang mga paa at mga kamay. At sinabi niya, “Ayon sa Banal na Espiritu, ganito ang gagawin ng mga Hudyo sa Jerusalem sa may-ari ng sinturong ito, at siyaʼy ibibigay nila sa mga Hentil.”

12Nang marinig namin ito, kami at ang mga kapatid doon ay nakiusap kay Pablo na huwag nang tumuloy sa Jerusalem.

13Ngunit sumagot si Pablo, “Bakit kayo umiiyak? Pinahihina lamang ninyo ang loob ko. Nakahanda akong magpagapos at mamatay sa Jerusalem alang-alang sa pangalan ng Panginoong Hesus.”

14Hindi talaga namin mapigilan si Pablo, kaya sinabi na lang namin, “Mangyari nawa ang kalooban ng Panginoon.”

15Makaraan ang ilang araw, naghanda kami at umalis papuntang Jerusalem.

16Sinamahan kami ng ilang mga alagad ni Hesus na taga-Cesarea. Dinala nila kami sa bahay ni Mnason na taga-Cyprus at doon kami nakituloy. Si Mnason ay isa sa mga unang alagad ni Hesus.

Ang Pagdating ni Pablo sa Jerusalem

17Pagdating namin sa Jerusalem, malugod kaming tinanggap ng mga kapatiran.

18Kinabukasan, sumáma kami kay Pablo at dinalaw namin si Santiago. Naroon din ang mga namumuno ng iglesya sa Jerusalem.

19Binati sila ni Pablo at ikinuwento niya ang lahat ng ginawa ng Diyos sa mga Hentil sa pamamagitan niya.

20Nang marinig nila ito, nagpuri silang lahat sa Diyos. At sinabi nila kay Pablo, “Alam mo kapatid, libo-libong mga Hudyo na ang sumampalataya kay Hesus at silang lahat ay masigasig sa pagsunod sa Kautusan.

21Nabalitaan nilang itinuturo mo sa mga Hudyong nakatira sa ibang bansa na hindi na nila kailangang sumunod sa Kautusan ni Moises. Sinabi mo raw na huwag na nilang tuliin ang kanilang mga anak o sundin ang iba pang kaugalian nating mga Hudyo.

22Ngayon, ano kaya ang dapat mong gawin? Sapagkat siguradong malalaman nila na nandito ka.

23Mabuti siguroʼy gawin mo ang sasabihin namin sa iyo. May apat na lalaki rito na may panata sa Diyos.

24Sumama ka sa kanila at gawin ninyo ang seremonya sa paglilinis ayon sa Kautusan. Bayaran mo na rin ang gastos nila sa seremonya upang makapagpaahit din sila ng kanilang ulo. Sa ganitong paraan, malalaman ng lahat na ang balita na narinig nila tungkol sa iyo ay hindi totoo, dahil makikita nila na ikaw din ay sumusunod sa Kautusan.

25Tungkol naman sa mga Hentil na sumasampalataya kay Hesus, nakapagpadala na kami ng sulat sa kanila tungkol sa aming napagkasunduan na hindi sila kakain ng mga pagkain na inihandog sa mga diyos-diyosan, o dugo, o karne ng hayop na binigti. At iwasan nila ang seksuwal na imoralidad.”

26Kaya kinabukasan, isinama ni Pablo ang apat na lalaki at isinagawa nila ang seremonya ng paglilinis. Pagkatapos, pumunta si Pablo sa Templo at ipinagbigay-alam kung kailan matatapos ang kanilang paglilinis upang maihandog ang mga hayop para sa bawat isa sa kanila.

Dinakip si Pablo

27Nang matatapos na ang pitong araw ng kanilang paglilinis, may mga Hudyong mula sa lalawigan ng Asia na nakakita kay Pablo sa Templo. Sinulsulan nila ang lahat ng tao roon sa Templo na hulihin si Pablo.

28Sumigaw sila, “Mga kababayang mga Israelita, tulungan ninyo kami! Ang taong ito ay nagtuturo sa lahat nang laban sa ating bansa, sa Kautusan at sa Templong ito saan man siya magpunta. Hindi lang iyan, dinala pa niya rito sa Templo ang mga Hentil, kaya dinudungisan niya ang sagradong lugar na ito!”

29(Sinabi nila ito dahil nakita nila si Trofimo na taga-Efeso na sumáma kay Pablo roon sa Jerusalem, at ang akala nilaʼy dinala siya ni Pablo sa Templo.)

30Kaya nagkagulo ang mga tao sa buong Jerusalem, at sumugod sila sa Templo para hulihin si Pablo. Pagkahuli nila sa kanya, kinaladkad nila siya palabas at isinara agad nila ang pintuan ng Templo.

31Papatayin na sana nila si Pablo pero may nakapagsabi sa tinyente koronel ng mga sundalong Romano na nagkakagulo sa buong Jerusalem.

32Kaya nagsama agad ang kumander ng mga kapitan at mga sundalo, at pinuntahan nila ang mga taong nagkakagulo. Pagkakita ng mga tao sa kumander at sa mga sundalo, itinigil nila ang pagbugbog kay Pablo.

33Pinuntahan ng kumander si Pablo at ipinahuli, at iniutos na gapusin siya ng dalawang kadena. Pagkatapos, tinanong ng kumander ang mga tao, “Sino ba talaga ang taong ito at ano ang kanyang ginawa?”

34Ngunit iba-iba ang mga sagot na kanyang narinig, at dahil sa sobrang kaguluhan ng mga tao hindi nalaman ng kumander kung ano talaga ang nangyari. Kaya inutusan niya ang mga sundalo na dalhin si Pablo sa himpilan.

35Pagdating nila sa hagdanan ng himpilan, binuhat na lang nila si Pablo dahil sa kaguluhan ng mga taong

36nakasunod at sumisigaw ng, “Patayin siya!”

Nagsalita si Pablo sa mga Tao

37Nang dalhin na si Pablo sa loob ng himpilan ng mga sundalo, sinabi niya sa kumander, “Maaari po ba tayong mag-usap?”

Sumagot ang kumander, “Marunong ka palang magsalita ng Griyego?

38Kung ganoʼn, hindi pala ikaw ʼyung Ehipsiyo na kailan lang ay nanguna sa pagrerebelde sa pamahalaan, at dinala sa ilang ang apat na libong teroristang lalaki?”

39Sumagot si Pablo, “Akoʼy isang Hudyong taga-Tarso na sakop ng Cilicia. Ang Tarso ay hindi ordinaryong lungsod lang. Kung maaari, payagan ninyo akong magsalita sa mga tao.”

40Pinayagan siya ng kumander, kaya tumayo si Pablo sa hagdanan at sumenyas sa mga tao na may sasabihin siya. Nang tumahimik na sila, nagsalita siya sa wikang Arameo.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.