Mga Gawa 27

Naglayag si Pablo papuntang Roma

1Nang mapagpasyahan nilang papuntahin kami sa Italya, ipinagkatiwala nila si Pablo at ang iba pang mga bilanggo kay Julio. Si Julio ay isang kapitan ng mga sundalong Romano na tinatawag na Batalyon ng Imperyo.

2Sumakay kami sa isang barkong galing ng Adramicio at papunta sa mga daungan ng lalawigan ng Asia, at naglayag kami kasama si Aristarco na taga-Macedonia at mula sa Tesalonica.

3Kinabukasan, dumaong kami sa Sidon. Napakabuti ni Julio kay Pablo at pinahintulutan niyang dumalaw si Pablo sa kanyang mga kaibigan doon para matulungan siya sa kanyang mga pangangailangan.

4Mula roon ay naglayag muli kami. At dahil salungat sa amin ang hangin, doon kami dumaan sa kabilang bahagi ng isla ng Cyprus na kubli sa hangin.

5Nilakbay namin ang karagatan ng Cilicia at Pamfilia, at dumaong kami sa Mira na sakop ng Licia.

6Dooʼy nakakita si Kapitan Julio ng isang barko na galing sa Alejandria at papunta sa Italya, kaya pinalipat niya kami roon.

7Mabagal ang biyahe namin. Tumagal ito ng maraming araw, at talagang nahirapan kami hanggang sa nakarating kami malapit sa Cinido. At dahil salungat ang hangin, hindi kami makatuloy sa pupuntahan namin. Kaya naglayag kami sa kabila ng isla ng Creta na kubli sa hangin sa tapat ng Salmone.

8Nahirapan kami sa pamamaybay bago makarating sa lugar na tinatawag na Magagandang Daungan, malapit sa bayan ng Lasea.

9Maraming araw ang nagugol namin sa paglalakbay, hanggang sa naging mapanganib ang panahon para magpatuloy dahil nakalipas na ang Araw ng Pag-aayuno. Kaya sinabi ni Pablo sa aming mga kasama,[#27:9 : Sa Hebreo, ito ang tinatawag na . Pagkalipas ng panahong ito, lumalakas na ang hangin at mapanganib nang maglayag sa dagat.]

10“Sa palagay koʼy mapanganib na kung magpapatuloy tayo, at hindi lang ang mga kargamento at ang barko ang mawawala baka pati na rin ang ating buhay.”

11Ngunit mas naniwala ang kapitan ng mga sundalo sa sinabi ng kapitan ng barko at ng may-ari nito kaysa sa payo ni Pablo.

12At dahil hindi ligtas sa malakas na hangin ang daungan doon, karamihan sa mga kasama namin ay sumang-ayon na maglayag. Nagbakasakali silang makakarating kami sa Fenix at doon magpapalipas ng taglamig. Sapagkat ang Fenix ay isang daungan sa Creta na may magandang kublihan kung taglamig.

Ang Bagyo

13Nang umihip ang mahinang hangin mula sa timog, ang akala ng mga kasamahan namin ay maaari na kaming maglayag. Kaya itinaas nila ang angkla at naglayag malapit sa baybayin ng isla ng Creta.

14Hindi nagtagal, bumugso ang malakas na hilagang-silangang hangin mula sa isla ng Creta.

15Pagtama ng malakas na hangin sa amin, hindi na kami makaabante kaya nagpatangay na lang kami kung saan kami dalhin ng hangin.

16Nang nasa bandang timog na kami ng maliit na isla ng Cauda, nakapagkubli kami nang kaunti. Kahit nahirapan kami, naisampa pa namin ang maliit na bangka na dala ng barko upang hindi ito mawasak.

17Nang mahatak na ang bangka, itinali ito nang mahigpit sa barko. Dahil natatakot sila na baka sumayad ang barko malapit sa Libya, ibinaba nila ang layag at nagpatangay sa hangin.[#27:17 : Sa Griyego, .]

18Tuloy-tuloy pa rin ang malakas na bagyo, kaya kinabukasan, nagsimula silang magtapon ng mga kargamento sa dagat.

19Nang sumunod pang araw, ang mga kagamitan na mismo ng barko ang kanilang itinapon.

20Sa loob ng ilang araw, hindi na namin nakita ang araw at mga bituin, at tuloy-tuloy pa rin ang bagyo, hanggang sa nawalan na kami ng pag-asang makakaligtas pa.

21Ilang araw nang hindi kumakain ang mga tao, kaya sinabi ni Pablo sa kanila, “Mga kaibigan, kung nakinig lang kayo sa akin na hindi tayo dapat umalis sa Creta, naiwasan sana natin ang mga pinsala at kapahamakang ito.

22Ngunit ngayon, hinihiling ko sa inyo na lakasan ninyo ang inyong loob dahil walang mamamatay sa atin; ang barko lang ang masisira.

23Nagpakita sa akin kagabi ang isang anghel ng Diyos, ang Diyos na humirang sa akin at aking pinaglilingkuran.

24Sinabi niya, ‘Pablo, huwag kang matakot. Dapat kang humarap sa Emperador sa Roma. At sa kagandahang-loob ng Diyos, ang lahat ng kasama mo dito sa barko ay maliligtas dahil sa iyo.’

25Kaya mga kaibigan, tibayan ninyo ang inyong loob, dahil nananalig ako sa Diyos na matutupad ang kanyang sinabi sa akin.

26Subalit tayoʼy kailangang mapadpad sa isang isla.”

Ang Pagkawasak ng Barko

27Ikalabing-apat na gabi na noon at patuloy pa rin kaming tinatangay ng bagyo sa Dagat Adriatico. At nang mga hatinggabi na, napansin ng mga tripulante na malapit na kami sa lupa.

28Kaya sinukat nila ang lalim ng dagat at nalaman nilang mga 40 metro ang lalim. Maya-mayaʼy sinukat nilang muli ang lalim, at mga 120 talampakan na lang[#27:28 Humigit-kumulang 37 metro.]

29At dahil sa takot na sumadsad kami sa mga batuhan, naghulog sila ng apat na angkla sa hulihan ng barko. At nanalangin sila na mag-umaga na sana.

30Gusto sana ng mga tripulante na lisanin na ang barko. Kaya ibinaba nila sa dagat ang maliit na bangka at kunwariʼy maghuhulog lang sila ng mga angkla sa unahan ng barko.

31Ngunit sinabi ni Pablo sa kapitan at sa mga sundalo, “Kung aalis ang mga tripulante sa barko hindi kayo makakaligtas.”

32Kaya pinutol ng mga sundalo ang mga lubid ng bangka at pinabayaan itong maanod.

33Nang madaling-araw na, pinilit silang lahat ni Pablo na kumain. Sinabi niya, “Labing-apat na araw na kayong naghihintay na lumipas ang bagyo, at hindi pa kayo kumakain.

34Kaya pakiusap, kumain kayo. Kailangan ninyo ito para makaligtas kayo dahil walang mamamatay sa inyo kahit isa.”

35Pagkatapos magsalita ni Pablo, kumuha siya ng tinapay, at sa harapan ng lahat ay nagpasalamat siya sa Diyos. Pinira-piraso niya ang tinapay at kumain.

36Lumakas ang kanilang loob at kumain silang lahat.

37Kaming lahat na sakay ng barko ay 276 na katao.

38Nang makakain na ang lahat at mabusog, itinapon nila sa dagat ang kanilang mga dalang trigo para gumaan ang barko.

39Nang mag-uumaga na, hindi alam ng mga tripulante kung saang isla kami napadpad, pero may nakita silang isang look na may dalampasigan, kaya nagkasundo sila na doon nila isadsad ang barko.

40Kaya pinutol nila ang mga lubid na nakatali sa angkla. Kinalag din nila ang mga tali ng timon. At itinaas nila ang layag sa unahan para tangayin ng hangin ang barko papuntang dalampasigan.

41Ngunit sumayad ang barko sa mababaw na parte ng tubig. Bumaon ang unahan nito at hindi na makaalis. Ang hulihan naman ay nawasak dahil sa salpok ng malalakas na alon.

42Papatayin na sana ng mga sundalo ang lahat ng bilanggo upang walang makalangoy papuntang dalampasigan at makatakas.

43Ngunit pinigilan sila ng kanilang kapitan dahil gusto niyang mailigtas si Pablo. Nag-utos siya na tumalon muna ang lahat ng marunong lumangoy, at mauna na sa dalampasigan.

44Pagkatapos, pinasunod niya ang iba na nakakapit sa tabla at sa mga parte ng barko. Ganoon ang aming ginawa, at lahat kami ay ligtas na nakarating sa dalampasigan.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.