Hoseas 1

1Ito ang salita ng Panginoon na ipinahayag niya kay Hoseas na anak ni Beeri noong panahong magkakasunod na naging hari sa Juda sina Uzias, Jotam, Ahaz at Hezekias, habang naghahari naman sa Israel si Jeroboam na anak ni Jehoas.

Ang Asawa at mga Anak ni Hoseas

2Nang unang magsalita ang Panginoon sa pamamagitan ni Hoseas, sabi niya, “Mag-asawa ka ng babaeng bayaran, at magkaroon ng mga anak sa kanya. Sapagkat tulad ng babaeng bayaran, matindi ang pagtataksil ng bansang ito sa akin na kanilang Panginoon nang talikuran nila ako.”

3Kaya nagpakasal si Hoseas kay Gomer na anak ni Diblaim. Hindi nagtagal, nabuntis si Gomer at nanganak ng isang lalaki.

4Sinabi ng Panginoon kay Hoseas, “Jezreel ang ipangalan mo sa bata, dahil hindi na magtatagal at parurusahan ko ang hari ng Israel dahil sa ginawang pagpatay ng ninuno niyang si Jehu sa lungsod ng Jezreel. Wawakasan ko na ang kaharian ng Israel.[#1:4 : Ang ibig sabihin, naghahasik ang Diyos, na nangangahulugan ng paglago at pag-unlad (tingnan ang talata 11|HOS 1:11). Ngunit sa talatang ito, ang pangalang Jezreel ay nangangahulugang parurusahan ng Diyos ang mga taga-Israel dahil sa kanilang mga kasalanan.]

5Sa araw na iyon, ipapalupig ko ang mga sundalo ng Israel doon sa Lambak ng Jezreel.”

6Muling nabuntis si Gomer at nanganak ng isang babae. Sinabi ng Panginoon kay Hoseas, “Lo Ruhama ang ipangalan mo sa bata, dahil hindi ko kahahabagan ni patatawarin ang mga mamamayan ng Israel.[#1:6 : Ang ibig sabihin, hindi kinaawaan.]

7Subalit kaaawaan ko ang mga mamamayan ng Juda. Ako, ang Panginoon nilang Diyos, ang magliligtas sa kanila sa pamamagitan ng kapangyarihan ko at hindi sa pamamagitan ng digmaan – ng pana at espada, mga kabayo o mangangabayo.”

8Nang maawat na ni Gomer si Lo Ruhama, nabuntis ulit siya at nanganak ng lalaki.

9Sinabi ng Panginoon kay Hoseas, “Lo Ami ang ipangalan mo sa bata, sapagkat ang mga mamamayan ng Israel ay hindi ko na mga mamamayan at ako ay hindi na nila Diyos.[#1:9 : Ang ibig sabihin, hindi ko mga mamamayan.]

10“Subalit darating ang araw na kahahabagan ko sila at pagpapalain; dadami silang tulad ng buhangin sa tabing-dagat na hindi kayang takalin o bilangin. Sa lugar na tinatawag silang ‘Kayoʼy hindi ko mga mamamayan,’ silaʼy tatawaging, ‘Mga anak ng Diyos na buháy.’

11Magkakasamang muli ang mga mamamayan ng Juda at ng Israel, at pipili sila ng iisang pinuno. Muli silang uunlad sa kanilang lupain. Napakasaya ng araw na iyon para sa mga taga-Jezreel.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.