Isaias 2

Kapayapaan sa Mundo

(Micas 4:1‑3)

1Ito ang pangitaing nakita ni Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at Jerusalem:

2Sa mga huling araw,

ang bundok na kinatatayuan

ng templo ng Panginoon

ay magiging pinakamataas

sa lahat ng mga bundok.

Ito rin ay magiging pinakamahalaga

sa lahat ng bundok.

Dadagsa rito ang mga tao

mula sa ibaʼt ibang bansa.

3Sasabihin nila, “Tayo na sa bundok

ng Panginoon ,

sa Templo ng Diyos ni Jacob.

Ituturo niya sa atin

ang kanyang pamamaraan

upang lumakad tayo

sa kanyang mga daan.”

Manggagaling sa Zion

ang kautusan Panginoon ,

ang kanyang salita ay lalaganap

mula sa Jerusalem.

4Pagkakasunduin ng Panginoon

ang maraming bansa.

Kaya hindi na magdidigmaan

ang mga bansa.

Hindi na rin sila magsasanay

ng mga sundalo para sa digmaan.

Gagawin na lang nilang talim ng araro

ang kanilang mga espada,

at karit na pantabas

ang kanilang mga sibat.

5Halikayo, mga lahi ni Jacob,

mamuhay tayo sa katotohanan,

na ibinigay sa atin ng Panginoon .

Ang Araw ng Paghatol ng Panginoon

6Totoong itinakwil nʼyo, Panginoon ,

ang mga mamamayan ninyo,

ang lahi ni Jacob,

dahil naniniwala kayo

sa mga pamahiing mula sa silangan

at sa mga manghuhula,

gaya ng mga Filisteo.

Sinusunod ninyo ang pag-uugali

ng mga dayuhan.

7Ang kanilang lupain

ay napakasagana sa pilak at ginto,

at hindi nauubos

ang kanilang kayamanan.

Napakaraming kabayo sa kanilang lupain,

at hindi mabilang ang mga karwahe nila.

8Marami silang diyos-diyosan,

at sinasamba nila ang mga bagay na ito

na sila mismo ang gumawa.

9Kaya ang bawat isa sa kanilaʼy ibabagsak,

lahat silaʼy mapapahiya.

Huwag nʼyo silang patatawarin.

10Tumakas kayo papunta

sa mga kuweba at mga hukay

upang magtago sa galit ng Panginoon

at sa kanyang kapangyarihan.

11At ang mga mayayabang ay mapapahiya,

ang mga mapagmataas na taoʼy ibababa.

Ang itataas sa araw na iyon

ay tanging ang Panginoon lamang.

12Sapagkat itinakda ng

Panginoon ng mga Hukbo ang araw

kung kailan niya ibabagsak

ang mga mayayabang at mapagmataas,

at ang mga nag-aakalang

silaʼy makapangyarihan.

13Puputulin niya ang lahat ng matataas

na puno ng sedro sa Lebanon

at ang lahat ng puno ng ensina sa Bashan.

14Papantayin niya ang lahat

ng matataas na bundok at burol,

15at wawasakin ang lahat

ng matataas na tore at pader.

16Palulubugin niya ang lahat

ng barko ng Tarsis

at ang mga naggagandahang

sasakyang pandagat.

17Ibabagsak nga niya ang mayayabang

at ang mga mapagmataas

ay ibababa niya.

Tanging ang Panginoon

ang maitataas sa araw na iyon.

18At tuluyan nang mawawala

ang mga diyos-diyosan.

19Kapag niyanig na niya ang mundo,

tatakas ang mga tao papunta

sa mga kuweba sa burol

at sa mga hukay sa lupa

magtago sa galit ng Panginoon

at sa kanyang kapangyarihan.

20Sa araw na iyon, itatapon nila

sa mga daga at mga paniki

ang mga diyos-diyosan nilang pilak at ginto

na ginawa nila para sambahin.

21Tatakas nga sila papunta

sa mga kuweba sa burol

at sa malalaking bato

para magtago sa galit ng Panginoon

at sa kanyang kapangyarihan

kapag niyanig na niya ang mundo.

22Huwag kayong magtitiwala sa tao.

Mamamatay lang din sila.

Ano ba ang magagawa nila?

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.