1Sa mga araw na iyon ang awit na itoʼy aawitin sa Juda:
Matatag na ang ating lungsod!
Ang Pagliligtas ng Diyos
ay parang pader
na nakapalibot sa atin.
2Buksan ang mga pintuan ng lungsod
para makapasok ang bansang matuwid
at tapat sa Panginoon .
3Panginoon , bigyan nʼyo
nang lubos na kapayapaan
ang taong kayo lagi ang iniisip
dahil nagtitiwala siya sa inyo.
4Magtiwala kayong lagi sa Panginoon ,
dahil siya ang ating Batong
kanlungan magpakailanman.
5Ang totoo, ibinabagsak niya
ang mga mapagmataas.
Winawasak niya ang kanilang lungsod
hanggang sa madurog sa lupa.
6At itoʼy tinatapak-tapakan
ng mga dukha na kanilang inapi.
7Patag ang daan ng taong matuwid,
at kayo, Panginoong matuwid,
ang nagpatag nito.
8Panginoon , sinunod namin
ang inyong mga utos,
at nagtiwala kami sa inyo.
Hangad naming kayo
ay aming maparangalan.
9Buong puso kitang hinahanap-hanap
sa tuwing gabi at pati sa umaga.
Kung hahatulan nʼyo ang mga tao sa mundo,
matututo silang mamuhay nang matuwid.
10Kahit kinaaawaan nʼyo ang masasamâ,
hindi pa rin sila natututong
mamuhay nang matuwid.
Kahit na naninirahan silang
kasama ng mga matuwid,
patuloy pa rin sila sa kanilang
gawaing masama,
at hindi nila kinikilala
ang inyong kadakilaan.
11Panginoon , nakahanda na po kayong
magparusa sa kanila,
ngunit hindi nila alam.
Ipaalam ninyo sa kanila, Panginoon .
Ilagay po ninyo sila sa kahihiyan.
Ipakita ninyo sa kanila
kung gaano ninyo kamahal
ang inyong mga mamamayan.
Lipulin po ninyo
sa pamamagitan ng inyong apoy
ang inyong mga kaaway.
12Panginoon , dalhin po ninyo kami
sa mabuting kalagayan,
sapagkat ang lahat ng aming nagagawa
ay nagagawa namin sa tulong ninyo.
13Panginoon na aming Diyos,
pinamahalaan kami ng ibang panginoon,
ngunit kayo lang ang aming sinasamba.
14Patay na sila ngayon
at hindi na mabubuhay pa.
Pinarusahan nʼyo sila at pinatay
para malimutan at hindi na maaalala pa.
15Panginoon , pinalawak ninyo
ang aming bansa.
Pinalapad ninyo
ang aming mga hangganan,
at itoʼy nagbigay sa inyo ng karangalan.
16Panginoon , pinarusahan nʼyo
ang iyong mga mamamayan,
at sa kanilang mga paghihirap
ay dumulog at tumawag sila sa inyo.
17Panginoon , kitang-kita nʼyo
ang aming paghihirap.
Tulad kami ng isang babaeng nanganganak,
na napapasigaw dahil sa tindi ng sakit.
18Dumaing kami dahil sa hirap,
ngunit walang nangyari sa aming daing.
Wala kaming nagawa para iligtas ang lupain,
at wala kaming ipinanganak
na maninirahan sa mundo.
19Ngunit muling mabubuhay
ang inyong mga mamamayang namatay.
Babangon ang kanilang mga bangkay
at aawit sa galak.
Kung papaanong ang hamog
ay nagpapalamig ng lupa,
kayo rin Panginoon
ang muling bubuhay sa mga patay.
20Mga kababayan, pumasok kayo
sa inyong mga tahanan
at isara ninyo ang inyong
mga pintuan.
Magtago muna kayo
hanggang sa mawala
ang galit ng Panginoon .
21Sapagkat darating ang Panginoon
mula sa kanyang tirahan
upang parusahan ang mga tao sa mundo
dahil sa kanilang mga kasalanan.
Ilalabas ng lupa ang mga taong pinatay,
at hindi na niya itatago pa.