1Nakakaawa ang Jerusalem,[#29:1 : Sa literal, Ariel, na isang tawag sa lungsod na ito.]
ang lungsod kung saan
nanirahan si David!
Sige, hayaang ipagdiwang
sa bawat taon
ang kanyang mga pista.
2Ngunit lulusubin ko ito,
at mag-iiyakan at mananaghoy
ang kanyang mga mamamayan.
Itoʼy magiging parang altar
na puno ng dugo sa akin.
3Kukubkubin ko ang lungsod ng Jerusalem.
Paliligiran ko ito ng toreng panalakay
at patatambakan ng lupa
sa gilid ng mga pader
para maakyat ito.
4Ibabagsak ka nang tuluyan
at sa ibabaw ng lupa ka magsasalita;
sa alikabok magmumula
ang iyong mga bulong.
Ang tinig moʼy tila multong
manggagaling sa kailaliman ng lupa,
sa alikabok ang salita moʼy
parang huni ng ibon.
5Ngunit darating ang araw
na ang marami niyang malulupit na kaaway
ay magiging parang alikabok
o ipa na tatangayin ng hangin.
Bigla itong mangyayari sa kanila.
6Ang Jerusalem ay aalalahanin ko,
at ako ang Panginoon ng mga Hukbo,
ay darating na may kulog, lindol, ingay,
buhawi, bagyo, at nagliliyab na apoy.
7Ang maraming bansang kumakalaban
sa Jerusalem,
na sumasalakay sa kanya
at gumigiba sa kanyang tanggulan
ay mawawalang katulad
ng isang panaginip
o ng isang pangitain sa gabi.
8Katulad sila ng taong nanaginip na kumakain,
ngunit nang magising ay gutom pa rin;
katulad ng taong nanaginip na umiinom,
ngunit nang magising ay uhaw pa rin.
Ganoon ang sasapitin ng lahat
ng mga bansang
kumakalaban sa Zion.
9Magugulat kayo at mamamangha,
magpakabulag at tuluyang
hindi makakita.
Malalasing kayo,
ngunit hindi dahil sa ubas,
at magsusuray-suray,
ngunit hindi dahil sa alak.
10Sapagkat para kayong pinatulog
ng Panginoon nang mahimbing.
Ipinikit niya ang mata ng inyong mga propeta;
tinakpan niya ang ulo
ng inyong mga manghuhula.
11Para sa inyo, ang buong pangitaing ito ay parang mga salita ng isang kasulatang natatakan. Kapag ibinigay mo ito sa marunong bumasa para basahin, sasabihin niya, “Hindi ko iyan mabasa dahil iyan ay natatakan.”
12At kapag ibinigay mo naman ito sa hindi marunong bumasa, sasabihin niya, “Hindi ako marunong bumasa.”
13Sinabi ng Panginoon,
“Sa salita lamang lumalapit
sa akin ang mga taong ito,
sa labi lamang ako iginagalang,
ngunit ang kanilang
mga pusoʼy malayo sa akin.
Ang pagsamba nila sa akiʼy walang kabuluhan;
pawang tuntunin ng tao
ang kanilang katuruan.
14Kaya muli kong ipapamalas
sa mga taong ito
ang sunod-sunod na kababalaghan.
At maglalaho ang karunungan
ng marurunong,
at mawawalang-saysay ang katalinuhan
ng mga matatalino.”
15Nakakaawa kayong mga nagtatago
sa Panginoon ng inyong mga plano.
Ginagawa ninyo ang inyong mga gawain sa dilim
at sinasabi ninyo,
“Walang makakakita o makakaalam
ng ginagawa natin.”
16Baluktot ang inyong pag-iisip.
Itinuturing ninyong parang putik
ang magpapalayok.
Masasabi ba ng isang gawa
sa gumawa sa kanya,
“Hindi ikaw ang gumawa sa akin?”
Masasabi ba ng palayok
sa magpapalayok,
“Hindi mo alam ang iyong ginagawa?”
17Hindi magtatagal,
ang mga kagubatan ng Lebanon
ay magiging matabang lupain,
at ang matabang lupain
ay magiging kagubatan.
18Sa araw na iyon, ang bingi
ay makakarinig ng binabasang aklat.
At ang bulag, na walang nakikita
kundi kadiliman
ay makakakita na.
19Muling sasaya ang mga mapagpakumbaba
at mga dukha dahil sa Panginoon ,
ang Banal na Diyos ng Israel.
20Sapagkat mawawala ang mga malulupit
at ang mga nangungutya.
At mamamatay ang lahat
ng mahilig sa pagkakasala,
21pati na ang lahat ng naninira ng kapwa,
ang mga nagsisinungaling
para mapaniwala nila ang mga hukom,
at ang mga pekeng saksi
upang hindi mabigyan ng katarungan
ang mga walang kasalanan.
22Kaya ang Panginoon , ang Diyos na nagligtas kay Abraham ay nagsabi tungkol sa lahi ni Jacob,
“Mula ngayon ang bayang ito
ay wala nang dapat ikahiya o ikatakot man.
23Sapagkat kapag nakita nila
ang mga ginawa ko sa kanila,
igagalang nila ako,
ang Banal na Diyos ni Jacob.
At magkakaroon sila ng takot sa Diyos ng Israel.
24Ang mga hindi nakakaunawa
ng katotohanan ay makakaunawa na,
at ang mga nagrereklamo
kapag tinuturuan ay matutuwa na.”