1Sinabi ng Panginoon ,
“Kahabag-habag ang aking mga anak
na suwail.
Gumagawa sila ng mga plano na hindi naaayon
sa kalooban ko.
Nakikipagkasundo sila na
hindi pinapatnubayan ng aking Espiritu.
Kaya ang kasalanan nilaʼy
nadadagdagan pang lalo.
2Pumunta sila sa Ehipto
na hindi sumangguni sa akin
para humingi ng proteksyon sa Faraon
at kanlungan sa bayang iyon.
3Ngunit ang proteksyon ng Faraon
ay magdudulot ng kahihiyan
dahil mabibigo kayo sa hinahangad na tulong.
4Sapagkat kahit na may
mga namumunong opisyal
ng Faraon sa Zoan
at nakarating ang mensahero niya
hanggang sa Hanes,
5mapapahiya lang ang Juda
dahil sa mga taga-Ehiptong
walang pakinabang
at wala namang maitutulong sa kanila,
sa halip, kabiguan at kahihiyan
ang matatamo nila.”
6Ito ang pahayag ng Diyos tungkol sa mga hayop sa Negeb:
Nilakbay ng mga taga-Juda
ang ilang na mahirap lakbayin
kung saan may mga leon,
mga ulupong at lumilipad
na mga makamandag na ahas.
Ikinakarga nila ang kanilang mga kayamanan
sa mga asno at mga kamelyo,
para ihandog sa bansang
hindi man lang makatulong sa kanila.
7Ang bansang iyon ay ang Ehipto,
na ang tulong ay walang silbi.
Kaya tinatawag ko itong
“Dragon na Inutil.”
8“Halika, iukit mo sa tapyas na bato,
isulat mo sa aklat,
upang sa darating na panahon
ay magsisilbi itong saksi.
9Sapagkat mga rebelde sila, sinungaling,
at ayaw makinig sa mga aral ko.
10Sinabi nila sa mga propeta,
‘Huwag na ninyong sabihin sa amin
ang tungkol sa mga pahayag
ng Diyos sa inyo.
Huwag na ninyong sabihin
sa amin ang tama.
Sabihin nʼyo sa amin ang mga bagay
na makapagpapasaya sa amin
at mga pangitain na hindi mangyayari.
11Umalis kayo sa aming dinadaanan,
huwag ninyo kaming harangan.
Huwag na ninyong sabihin sa amin
ang tungkol sa Banal na Diyos ng Israel.’ ”
12Kaya sinabi ng Banal na Diyos ng Israel,
“Dahil sa itinakwil ninyo ang aking mensahe
at nagtiwala kayo sa pang-aapi
at pandaraya,
13bigla kayong malilipol.
Ang inyong mga kasalanan
ay katulad ng bitak na biglang wawasak
sa mataas na pader sa isang iglap.
14Madudurog kayo na parang palayok,
na sa lakas ng pagbagsak
ay wala man lang
kahit kapirasong mapaglagyan
ng baga o maipansalok ng tubig.”
15Sinabi pa ng Makapangyarihang Panginoon , ang Banal na Diyos ng Israel,
“Magbalik-loob kayo
sa akin at pumanatag,
dahil ililigtas ko kayo.
Huwag kayong mabahala
kundi magtiwala sa akin,
dahil palalakasin ko kayo.
Ngunit tumanggi kayo
16at sinabi ninyo,
‘Hindi! Makakatakas kami
sakay ng aming kabayo.’
Oo, makakatakas nga kayo!
Dagdag pa ninyo, ‘Sasakay kami
sa mabibilis naming kabayo.’
Kaya mabibilis din
ang mga hahabol sa inyo.
17Sa banta ng isa, isang libong sundalo
ang makakatakas sa inyo.
Sa banta ng lima,
makakatakas kayong lahat.
Matutulad kayo
sa nakatayong bandila
na nag-iisa sa tuktok ng bundok.”
18Ngunit naghihintay ang Panginoon
na kayoʼy lumapit sa kanya
para kaawaan niya kayo.
Nakahanda siyang ipadama sa inyo
ang kanyang pagmamalasakit.
Sapagkat ang Panginoon
ay Diyos na makatarungan,
at mapalad ang nagtitiwala
sa kanya.
19Kayong mga taga-Zion, na mga mamamayan ng Jerusalem, hindi na kayo muling iiyak! Kaaawaan kayo ng Panginoon kung hihingi kayo ng tulong sa kanya. Kapag narinig niya ang inyong panalangin, sasagutin niya kayo.
20Para kayong pinakain at pinainom ng Panginoon ng kapighatian at paghihirap. Ngunit kahit na ginawa niya ito sa inyo, siya, na guro ninyo ay hindi magtatago sa inyo. Makikita ninyo siya,
21at maririnig ninyo ang kanyang tinig na magtuturo sa inyo ng tamang daan, saan man kayo naroroon.
22Ituring na ninyong marumi ang inyong mga diyos-diyosang gawa sa pilak at ginto. Itapon nʼyo na parang napakaruming basahan at sabihin, “Ayaw ko nang makita kayo!”
23Bibigyan kayo ng Panginoon ng ulan sa panahon ng pagtatanim, at magiging sagana ang inyong ani. At ang inyong mga hayop ay manginginain sa malawak na pastulan.
24Ang mga baka ninyo at asnong pang-araro ay kakain ng pinakamainam na pagkain ng hayop na maayos na natahipan para mahiwalay ang ipa gamit ang kalaykay at pala.
25Sa mga araw na iyon na papatayin ang inyong mga kaaway at wawasakin ang kanilang mga muog, dadaloy ang tubig mula sa bawat matataas na bundok.
26Liliwanag ang buwan na parang araw. Ang araw naman ay magliliwanag ng pitong ibayo, na parang liwanag ng pitong araw na pinagsama-sama sa iisang araw. Mangyayari ito sa araw na gagamutin at pagagalingin ng Panginoon ang sugat ng kanyang mga mamamayan.
27Makinig kayo! Dumarating ang Panginoon
mula sa malayo.
Nag-aapoy siya sa galit
at nasa gitna ng usok.
Ang mga labi niyang nanginginig sa galit
ay parang nagliliyab na apoy.
28Ang kanyang hininga
ay parang malakas na agos
na umaabot hanggang leeg.
Nililipol niya ang mga bansa
na parang sinasalang trigo.
Para silang mga hayop
na nilagyan ng bokado at hinila.
29Ngunit kayong mga mamamayan
ng Diyos ay aawit,
katulad ng ginagawa ninyo
sa gabi ng banal na pista
ng pagpaparangal sa Panginoon .
Magagalak kayo katulad
ng taong nagmamartsa
sa tunog ng plauta habang naglalakad
patungo sa Bundok ng Panginoon
para sambahin siya,
ang Batong kanlungan ng Israel.
30Ipaparinig ng Panginoon
ang kanyang makapangyarihang tinig.
At ipapakita niya ang kanyang kamay
na handa nang magparusa
sa tindi ng kanyang galit.
Sasabayan ito ng nagliliyab na apoy,
biglang pagbuhos ng ulan,
pagkulog at pagkidlat, at pag-ulan ng yelo
na parang mga bato.
31Tiyak na matatakot ang mga taga-Asiria
kapag narinig nila
ang tinig ng Panginoon
na magpaparusa sa kanila.
32Ang bawat hampas ng pamalo
ng Panginoon
upang silaʼy parusahan
ay sinasabayan ng tugtugin
ng mga tamburin at lira,
habang nilalabanan niya sila
gamit ang kanyang mga bisig.
33Matagal nang nakahanda ang lugar
na pagsusunugan sa hari ng Asiria.
Maluwang ito at malalim,
at handa na ang napakaraming panggatong.
Ang hininga ng Panginoon
na parang nagniningas na asupre
ang magpapaningas ng mga panggatong.