Isaias 34

Ang Hatol Laban sa mga Bansa

1Kayong mga bansa, lumapit kayo

at makinig nang mabuti.

Makinig ang buong mundo

at ang lahat ng nasa kanya.

2Sapagkat galit ang Panginoon

sa lahat ng bansa;

galit siya sa kanilang mga kawal.

Ganap niyang lilipulin ang mga ito.

Papatayin niya silang lahat.

3Hindi ililibing ang kanilang mga bangkay

kaya aalingasaw ito,

at ang mga bundok ay mamumula

dahil sa kanilang dugo.

4Maglalaho ang lahat ng bituin sa kalangitan,

at ang kalawakan ay bibilutin

na parang kasulatan.

Mahuhulog ang lahat ng bagay sa langit

na parang nalalantang mga dahon ng ubas

o nalalagas na bunga ng igos.

5Pagkatapos gamitin ng Panginoon

ang kanyang espada sa langit,

tatama naman ito sa Edom

upang parusahan at lipulin.

6Ang espada ng Panginoon

ay mapupuno ng dugo at taba,

na parang ginamit sa pagkatay

ng mga kambing at tupang ihahandog,

sapagkat papatayin ng Panginoon

ang mga taga-Bosra bilang handog.

Marami ang kanyang papatayin

sa iba pang mga lungsod ng Edom.

7Papatayin din na parang mga toro

ang kanilang mga makapangyarihang

mamamayan.

Ang kanilang lupain

ay mapupuno ng dugo at taba.

8Sapagkat ang Panginoon

ay may itinakdang araw para maghiganti

sa kanyang mga kaaway

para tulungan ang Zion.

9Ang mga sapa

at ang lupa sa Edom ay masisira.

Ang buong bansa ay masusunog

at hindi na mapapakinabangan.

10At hindi ito mapapatay araw at gabi.

Ang usok nitoʼy papailanlang

magpakailanman.

Wala nang matitira o dadaan man lang

sa Edom kahit kailan.

11Magiging tirahan ito

ng mga kuwago at mga uwak.

Nasa plano na ng Panginoon

na iparanas sa lupaing ito

ang kaguluhan at kapahamakan.

12At tatawagin itong,

“Walang Kuwentang Kaharian.”

Mawawala ang lahat ng pinuno nito.

13Tutubo ang matitinik na mga halaman

sa mga tanggulang lungsod

at matitibay na bahagi nito.

Maninirahan doon ang mga kuwago

at mga asong-gubat.

14Magsasama-sama roon

ang mga asong-gubat

kasama ng iba pang hayop sa gubat.

Tatawagin ng mga maiilap na kambing

ang mga kasamahan nila roon.

At ang mga malignong lumalabas kapag gabi

ay pupunta roon para magpahinga.

15Ang mga kuwago ay magpupugad doon,

mangingitlog, mamimisa,

at iingatan nila ang kanilang mga inakay

sa ilalim ng kanilang mga pakpak.

Ang mga uwak ay pares-pares

na magtitipon roon.

16Tingnan ninyo ang aklat ng Panginoon at basahin.

Wala ni isa man sa mga sinabi ko

ang hindi matutupad.

Walang mawawala ni isa man

sa mga hayop na iyon,

at wala ni isa man sa mga ito

ang walang kapares,

sapagkat iyan ang ipinasya ng Panginoon ,

at siya mismo ang magtitipon sa kanila.

17Siya ang magbibigay

sa mga hayop ng lupa

na kanilang titirhan.

Mapapasakanila ito magpakailanman,

at doon sila titira magpakailanman.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.