Isaias 47

Ang Pagbagsak ng Babilonia

1Sinabi ng Panginoon ,

“Babilonia, mauupo ka sa lupa.

Mauupo ka nang walang trono.

Ikaw na parang birheng pihikan

at mahinhin noon

ngunit hindi na ngayon.

2Isa ka nang alipin ngayon,

kaya kumuha ka

ng batong gilingan

at maggiling ka na ng trigo.

Alisin mo na ang belo mo,

at itaas ang damit mo

para makita ang iyong hita

habang tumatawid ka sa ilog.

3Lalabas ang iyong kahubaran

at mapapahiya ka.

Maghihiganti ako sa iyo

at hindi kita kaaawaan.”

4Ang ating Tagapagligtas,

na ang pangalan

ay Panginoon ng mga Hukbo

ay ang Banal na Diyos ng Israel.

5“Babilonia, maupo ka nang tahimik

doon sa kadiliman.

Hindi ka na tatawaging reyna

ng mga kaharian.

6Nagalit ako

sa aking mga mamamayan

at itinakwil ko sila.

Kaya ibinigay ko sila

sa iyong mga kamay,

at hindi mo sila kinaawaan.

Pati ang matatanda

ay iyong pinagmalupitan

ng mabigat na pamatok.

7Sinasabi mong ang iyong

pagiging reyna

ay walang katapusan.

Ngunit hindi mo inisip

ang iyong mga ginawa

at kung ano ang maidudulot nito

sa iyo sa huli.

8“Kaya makinig ka,

ikaw na mahilig sa kalayawan

at panatag ang kalooban.

Sinasabi mo sa iyong sarili,

‘Nag-iisa lang ako. Walang akong katulad.

Kailanmaʼy hindi ako mababalo

o mawawalan ng mga anak.’

9Ngunit bigla itong mangyayari sa iyo

sa isang iglap, sa isang araw:

Mababalo ka

at mawawalan ng mga anak.

Talagang mangyayari ito sa iyo

kahit na marami ka pang alam

na mahika o panggagaway.

10Naniniwala kang

hindi ka mapapahamak

sa paggawa mo ng kasamaan,

dahil inaakala mong walang nakakakita sa iyo.

Inililigaw ka ng iyong

karunungan at kaalaman,

at iyon din ang dahilan

kung bakit sinasabi mong

ikaw ang Diyos

at wala nang iba pa.

11Kung kaya, darating sa iyo ang kapahamakan

at hindi mo malalaman

kung papaano mo iyon mailalayo

sa pamamagitan ng iyong mahika.

Darating din sa iyo ang salot

na hindi mo mababayaran

para tumigil.

Biglang darating sa iyo

ang pagkawasak na hindi mo

akalaing mangyayari.

12“Sige, ipagpatuloy mo

ang iyong mga mahika

at mga pangkukulam

na iyong ginagawa

mula noong bata ka pa.

Baka sakaling magtagumpay ka,

o baka sakaling matakot sa iyo

ang mga kaaway mo.

13Pagod ka na sa marami mong mga pakana.

Magpatulong ka

sa iyong mga tao na nag-aaral

tungkol sa mga bituin

at nanghuhula bawat buwan

tungkol sa mga mangyayari sa iyo.

14Ang totoo, para silang

mga dayaming madaling

nasusunog.

Ni hindi nga nila maililigtas

ang kanilang sarili sa apoy.

At ang apoy na itoʼy hindi tulad

ng pangkaraniwang init

kundi talagang napakainit.

15Ano ngayon ang magagawa

ng mga taong hinihingan mo ng payo

mula nang bata ka pa?

Ang bawat isa sa kanilaʼy

naligaw ng landas

at hindi makakapagligtas sa iyo.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.