Isaias 52

1Gumising ka, O Zion,

bumangon ka at magpakalakas!

Isuot mo ang mararangya mong damit,

O banal na lungsod ng Jerusalem,

dahil ang mga hindi tuli

at itinuturing mong marumi

ay hindi na muling makakapasok saʼyo.

2Huwag ka nang malungkot

katulad ng taong nagluluksa

na nakaupo sa lupa.

Bumangon ka na at muling mamahala.

At kayong mga mamamayan ng Jerusalem,

palayain ninyo na ang inyong sarili

mula sa pagkabihag.

3Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoon :

“Ipinagbili kayong walang bayad,

kaya tutubusin ko kayo

nang wala ring bayad.”

4Ito ang sinabi ng Makapangyarihang Panginoon :

“Noong unaʼy pumunta kayo

sa Ehipto para manirahan;

pagkatapos ay inapi kayo ng Asiria

nang walang dahilan.

5“Ngayon, ano na naman ang nangyari sa inyo?” tanong ng Panginoon .

“Binihag kayo ng Babilonia

na parang wala ring bayad.

Pinamahalaan nila kayo at nilait.

Maging ako ay lagi rin

nilang nilalapastangan.

6Ngunit darating ang araw

na malalaman ninyo kung sino ako,

dahil ako mismo ang nagsasalita sa inyo.

Oo, ako nga.”

7Napakagandang pagmasdan

sa kabundukan

ang mga sugong dala-dala

ang magandang balita;

balita na naghahayag ng kapayapaan,

at nagsasaad ng kabutihan

tungkol sa pagliligtas ng Diyos.

Sasabihin nila sa Zion,

“Naghahari na ang iyong Diyos!”

8Sumisigaw sa tuwa

ang mga tagapagbantay ng lungsod;

sabay-sabay silang umaawit sa galak,

dahil makikita mismo

ng kanilang mga mata

ang pagbabalik ng Panginoon sa Zion.

9Sama-sama kayong umawit

nang may kagalakan,

mga guho ng Jerusalem,

sapagkat inaliw ng Panginoon

ang kanyang mga mamamayan.

Iniligtas niya ang Jerusalem!

10Ipapakita ng Panginoon

ang natatangi niyang kapangyarihan

sa lahat ng bansa,

at makikita ng buong mundo

ang pagliligtas ng ating Diyos.

11Kayong mga tagapagdala

ng mga kagamitan ng bahay

ng Panginoon ,

umalis na kayo sa Babilonia.

Huwag kayong hihipo

ng mga bagay

na itinuturing na marumi.

Umalis na kayo sa Babilonia,

at magpakabanal.

12Ngunit ngayon,

hindi nʼyo na kailangang magmadali

sa pag-alis,

na para bang tumatakas.

Sapagkat ang Panginoon

ang mangunguna sa inyo.

Ang Diyos ng Israel

ang magtatanggol sa inyo.

Ang Nagdurusang Lingkod ng Panginoon

13Sinabi ng Panginoon ,

“Ang aking lingkod

ay magtatagumpay.

Magiging tanyag siya

at pararangalan.

14Marami ang nasindak sa kanya,

dahil sirang-sira ang kanyang mukha

na parang hindi na mukha ng tao;

ang hitsura niyaʼy napinsala ng todo.

15Pati ang mga bansa

ay mamamangha sa kanya.

Ang mga hari ay hindi makakaimik

dahil sa kanya,

sapagkat makikita nila ang mga bagay

na hindi pa nasasabi sa kanila.

At mauunawaan nila ang mga bagay

na hindi pa nila naririnig.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.