Jeremias 13

Ang Sinturong Gawa sa Lino

1Sinabi sa akin ng Panginoon , “Lumakad ka at bumili ng sinturon na gawa sa pinong lino. Itali mo ito sa baywang mo, pero huwag mong lalabhan.”

2Kaya bumili ako ng sinturon at pagkatapos, itinali ko ito sa baywang ko ayon sa sinabi ng Panginoon .

3Pagkatapos, sinabing muli sa akin ng Panginoon ,

4“Tanggalin mo ang sinturon na binili mo at pumunta ka malapit sa Ilog Eufrates at itago mo roon ang sinturon sa biyak ng bato.”[#13:4 : Sa Hebreo, Perat. Ganito rin sa talata 5|JER 13:5, 6|JER 13:6, 7|JER 13:7.]

5Kaya pumunta ako sa may Ilog Eufrates at itinago ko roon ang sinturon ayon sa sinabi ng Panginoon .

6Pagkaraan ng mahabang panahon, muling sinabi sa akin ng Panginoon , “Pumunta ka sa Ilog Eufrates at kunin mo ang sinturon na ipinatago ko sa iyo roon.”

7Kaya pumunta ako sa Ilog Eufrates at kinuha ko ang sinturon sa pinagtaguan ko, pero sira na iyon at hindi na mapapakinabangan.

8Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon :

9“Ito ang sinasabi ng Panginoon : ‘Ganyan din ang mangyayari sa Juda na mapagmataas at sa higit na pagmamataas ng Jerusalem.

10Ayaw sumunod ng masasamang taong ito sa mga sinasabi ko. Sinusunod nila ang nais ng matitigas nilang puso na naglilingkod at sumasamba sa mga diyos-diyosan. Kaya matutulad sila sa sinturon na iyan na hindi na mapapakinabangan.

11Kung papaano sanang ang sinturon ay nakakapit nang mahigpit sa baywang ng tao, nais ko rin sanang ang lahat ng mamamayan ng Israel at Juda ay kumapit nang mahigpit sa akin,’ sabi ng Panginoon . ‘Hinirang ko sila upang papurihan nila ako at parangalan, pero ayaw nilang makinig sa akin.’

Ang Sisidlang-balat ng Alak

12“Jeremias, sabihin mo sa mga mamamayan ng Israel na ako, ang Panginoon , ang Diyos ng Israel ay nagsasabing, ‘Ang lahat ng sisidlang-balat nʼyo ay mapupuno ng alak.’ At kung sasabihin nila sa iyo, ‘Alam na naming mapupuno ng alak ang lahat ng lalagyan namin.’

13Sabihin mo sa kanila na ito ang sinasabi ng Panginoon : ‘Parurusahan ko ang lahat ng mamamayan ng lupaing ito, na parang nilasing ko sila ng alak. Parurusahan ko ang mga hari na angkan ni David, ang mga pari, mga propeta, at ang lahat ng mamamayan ng Jerusalem.

14Pag-uumpugin ko ang mga magulang at ang mga anak nila. Hindi ako mahahabag sa pagpatay sa kanila. Ako, ang Panginoon , ang nagsasabi nito.’ ”

Babala tungkol sa Kapalaluan

15Makinig kayong mabuti,

at huwag kayong magmataas

sapagkat nagsalita na

ang Panginoon .

16Parangalan ninyo ang Panginoon na inyong Diyos

habang hindi pa niya

ipinapadala ang kadiliman,

at habang hindi pa kayo nadadapa

sa dumidilim na mga bundok.

Ang liwanag na inyong inaasahan

ay gagawin niyang napakatinding kadiliman.

17Kung ayaw pa rin ninyong makinig,

iiyak ako nang lihim dahil sa inyong pagmamataas.

Iiyak ako nang malakas

at aapaw ang aking mga luha

dahil bibihagin ang kawan

ng Panginoon .

18Sabihin mo sa hari at sa kanyang inang reyna,

“Bumaba kayo sa inyong trono

sapagkat malapit nang kunin sa inyong ulo

ang magaganda ninyong korona.”

19Isasara ang mga pintuan ng mga bayan sa Negeb.

Wala nang makakapasok

o makakalabas doon.

Ang mga tao sa Juda ay magiging mga bihag.

Lahat sila ay ipapatapon.

20Tingnan ninyo ang mga kaaway

na dumarating mula sa hilaga.

Nasaan na ang kawang iyong ipinagmamalaki,

na ipinagkatiwala ko sa iyo

upang iyong alagaan?

21Ano ang mararamdaman mo

kung ang kakampi mong bansa

ang sumakop sa iyo?

Hindi baʼt magdaramdam ka

tulad ng isang babaeng manganganak na?

22Kung tatanungin mo ang iyong sarili,

“Bakit ito nangyari sa akin?”

Itoʼy dahil sa napakarami mong kasalanan

kaya ikaʼy napahamak na parang babaeng pinunit ang damit

at pinagsamantalahan,

23Mapapalitan ba ng taga-Etiopia

ang kulay ng kanyang balat?

Maaalis ba ng leopardo

ang mga batik sa kanyang katawan?

Hindi! Ganyan din kayong mga taga-Jerusalem,

hindi kayo makakagawa ng mabuti

dahil ugali na ninyo

ang gumawa ng masama.

24Sinabi ng Panginoon ,

“Ikakalat ko kayo katulad ng ipa

na inililipad ng hanging

mula sa disyerto.

25Iyan ang kahihinatnan ninyo,”

sabi ng Panginoon .

“Gagawin ko ito sa inyo

sapagkat kinalimutan ninyo ako

at nagtiwala kayo sa mga diyos-diyosan.

26Tatanggalin ko ang inyong mga saplot

upang ilantad ang inyong kahihiyan.

27Nakita ko ang inyong pakikiapid, ang mga halinghing

at mga kahalayang gawa ng babaeng bayaran.

Nakita ko ang kasuklam-suklam ninyong

pagsamba ng mga diyos-diyosan

sa kaburulan at kabukiran.

Kahabag-habag kayo, mga taga-Jerusalem!

Hanggang kailan kayo mananatili sa karungisan?”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.