Juan 11

Ang Pagkamatay ni Lazaro

1Ngayon, may isang lalaking maysakit na nakatira doon sa Betania na sakop ng Judea. Siya si Lazaro na kapatid ng dalawang babaeng nagngangalang Maria at Marta.

2(Si Maria ang babaeng kalaunaʼy magbubuhos ng pabango sa paa ng Panginoon at pagkatapos ay pupunasan niya ng kanyang buhok.) Nagkasakit si Lazaro,

3kaya nagpasabi ang magkapatid na Maria at Marta kay Hesus, “Panginoon, may sakit po ang minamahal ninyong kaibigan.”

4Nang mabalitaan ito ni Hesus, sinabi niya, “Hindi hahantong sa kamatayan ang sakit na ito. Nagkasakit siya upang maparangalan ang Diyos, nang sa gayoʼy maparangalan din ang Anak ng Diyos.”

5Mahal ni Hesus ang magkakapatid na Marta, Maria at Lazaro.

6Ngunit nang mabalitaan niyang may sakit si Lazaro, nanatili pa siya nang dalawang araw sa kinaroroonan niya.

7Pagkalipas ng dalawang araw, sinabi niya sa mga alagad niya, “Bumalik na tayo sa Judea.”

8Sumagot sila, “Guro, kamakailan lang ay tinangka kayong batuhin ng mga Hudyo roon. Bakit pa kayo babalik doon?”

9Sumagot si Hesus, “Hindi baʼt may labindalawang oras sa maghapon? Kaya ang naglalakad sa araw ay hindi natitisod, dahil maliwanag pa.

10Ngunit ang naglalakad sa gabi ay natitisod, dahil wala na sa kanya ang liwanag.”

11Pagkatapos, sinabi pa ni Hesus, “Ang kaibigan nating si Lazaro ay natutulog. Pupunta ako roon upang gisingin siya.”

12Sinabi ng mga alagad niya, “Panginoon, kung natutulog siya, nangangahulugan ito na gumagaling na siya.”

13Ang akala nilaʼy natutulog lang si Lazaro, pero ang ibig sabihin ni Hesus ay patay na ito.

14Kaya tinapat sila ni Hesus, “Patay na si Lazaro.

15Ngunit nagpapasalamat ako na wala ako roon, upang magkaroon kayo ng pagkakataon na lalo pang sumampalataya sa akin. Tayo na, puntahan natin siya.”

16Si Tomas na tinatawag na Kambal ay nagsabi sa mga kapwa niya alagad, “Sumama tayo sa kanya sa Judea, upang mamatay tayong kasama niya.”[#11:16 : Sa Griyego, .]

Si Hesus at ang Muling Pagkabuhay

17Nang dumating si Hesus sa Betania, nalaman niyang apat na araw nang nakalibing si Lazaro.

18Halos tatlong kilometro lang ang layo ng Betania sa Jerusalem,

19kaya maraming Hudyo mula sa Jerusalem ang dumalaw kina Marta at Maria upang makiramay sa pagkamatay ng kanilang kapatid.

20Nang mabalitaan ni Marta na darating si Hesus, umalis ito para salubungin siya. Ngunit si Maria ay naiwan sa bahay.

21Sinabi ni Marta kay Hesus, “Panginoon, kung nandito lang sana kayo ay hindi namatay ang kapatid ko.

22Ngunit kahit ngayon, alam kong ibibigay sa inyo ng Diyos ang anumang hilingin nʼyo sa kanya.”

23Sinabi ni Hesus sa kanya, “Muling mabubuhay ang kapatid mo.”

24Sumagot si Marta, “Alam ko pong mabubuhay siyang muli sa huling araw, kapag bubuhayin na ang mga namatay.”

25Sinabi ni Hesus sa kanya, “Ako ang bumubuhay sa mga namatay, at ako rin ang nagbibigay ng buhay. Ang sumasampalataya sa akin, kahit mamatay ay mabubuhay.

26Ang sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay kailanman. Naniniwala ka ba sa sinabi ko?”

27Sumagot si Marta, “Opo, Panginoon, sumasampalataya ako na kayo ang Mesias, ang Anak ng Diyos, na darating dito sa mundo.”

28Pagkasabi niya nito, bumalik si Marta sa bahay nila. Tinawag niya ang kapatid niyang si Maria at binulungan, “Narito na ang Guro, at ipinapatawag ka niya.”

29Nang marinig ito ni Maria, dali-dali siyang tumayo at pinuntahan si Hesus.

30Hindi pa nakakarating si Hesus sa nayong iyon. Naroon pa lang siya sa lugar kung saan sinalubong siya ni Marta.

31Nang makita ng mga nakikiramay na Hudyo na tumayo si Maria at dali-daling lumabas, sinundan nila siya sa pag-aakalang pupunta siya sa libingan upang doon tumangis.

32Pagdating ni Maria sa kinaroroonan ni Hesus, nagpatirapa siya sa harap nito at sinabi, “Panginoon, kung narito lang sana kayo ay hindi sana namatay ang kapatid ko.”

33Nabagbag ang puso ni Hesus at naawa siya nang makita niyang umiiyak si Maria, pati na ang mga kasama nitong mga Hudyo.[#11:33 : O Nagalit si Hesus . Ganito rin sa talata 38|JHN 11:38.]

34Tinanong niya sila, “Saan ninyo siya inilibing?”

Sumagot sila, “Panginoon, halikayoʼt tingnan ninyo.”

35At si Hesus ay umiyak.

36Kaya sinabi ng mga tao, “Tingnan ninyo kung gaano niya kamahal si Lazaro.”

37Ngunit sinabi naman ng iba, “Hindi baʼt pinagaling niya ang lalaking bulag? Bakit hindi niya nailigtas sa kamatayan si Lazaro?”

Muling Binuhay si Lazaro

38Muling nabagbag ang puso ni Hesus. Kaya pumunta siya sa pinaglibingan kay Lazaro. Isa itong kuweba na tinakpan ng isang malaking bato.

39Pagdating nila roon, sinabi ni Hesus, “Alisin ninyo ang bato.”

Sumagot si Marta na kapatid ng namatay, “Panginoon, tiyak na nangangamoy na po ngayon ang bangkay. Apat na araw na po siyang nakalibing.”

40Sinabi ni Hesus sa kanya, “Hindi baʼt sinabi ko saʼyo na kung sasampalataya ka ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?”

41Kaya inalis nila ang bato. Tumingala si Hesus sa langit at sinabi, “Ama, nagpapasalamat ako sa iyo, dahil dinidinig mo ako.

42Alam kong palagi mo akong dinidinig, at sinasabi ko ito para sa kapakanan ng mga nasa paligid ko upang maniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin.”

43Pagkasabi niya nito, sumigaw siya, “Lazaro, lumabas ka!”

44At lumabas nga ang namatay na si Lazaro na nababalot pa ng telang lino ang mga kamay at paa, at may takip na tela ang mukha.

Sinabi ni Hesus sa kanila, “Kalagan nʼyo siya para malayang makalakad.”

Ang Planong Pagpatay kay Hesus

(Mat. 26:1‑5; Mar. 14:1‑2; Luc. 22:1‑2)

45Marami sa mga taong dumalaw kina Maria ang sumampalataya nang makita nila ang ginawa ni Hesus.

46Ngunit ang iba sa kanila ay pumunta sa mga Pariseo at ibinalita ang ginawa niya.

47Kaya nagpatawag ng pulong ng Sanhedrin ang mga namamahalang pari at mga Pariseo.

At nang nagkatipon na sila, sinabi nila, “Ano ang gagawin natin? Maraming himala ang ginagawa ng taong ito.

48Kapag hinayaan natin siya, maniniwala ang lahat ng tao sa kanya. Kapag nangyari iyan, lulusubin tayo ng mga hukbong Romano at wawasakin nila ang Templo at ang ating bansa.”

49Ngunit isa sa kanila, si Caifas na punong pari sa taóng iyon, ang nagsabi, “Talagang wala kayong alam.

50Hindi nʼyo ba naisip na mas mabuti sa inyo na isang tao lamang ang mamatay para sa sambayanan kaysa sa mapahamak ang buong bansa?”

51Ang sinabi niyang ito ay hindi nanggaling sa sarili niya. Bilang punong pari ng taóng iyon, nagpahayag ang Diyos sa pamamagitan niya na mamamatay si Hesus para sa buong bansa.

52At hindi lang para sa kanila, kundi upang tipunin at pagkaisahin sa isang bayan ang mga anak ng Diyos na nakakalat sa buong mundo.

53Mula noon, binalak na nilang ipapatay si Hesus.

54Kaya hindi na lantarang nagpakita si Hesus sa mga tao. Sa halip ay pumunta siya sa lugar na malapit sa ilang, sa isang bayan na kung tawagin ay Efraim. At nanatili siya roon kasama ang mga alagad niya.

55Nang malapit na ang pista ng mga Hudyo na tinatawag na Pista ng Paglampas ng Anghel, maraming tao mula sa ibaʼt ibang bayan ng Israel ang pumunta sa Jerusalem bago sumapit ang kapistahan upang isagawa ang ritwal na paglilinis bago magpista.

56Hinanap nila nang hinanap si Hesus, at nagtatanungan sila roon sa Templo, “Ano sa palagay ninyo? Paparito kaya siya sa Pista?”

57Samantala, ipinag-utos ng mga namamahalang pari at ng mga Pariseo na ipagbigay-alam ng sinumang nakakaalam kung nasaan si Hesus upang madakip nila.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.