1Sinabi pa ni Elihu,
2“Kayong mga nagsasabing
marurunong at maraming nalalaman,
pakinggan ninyo akong mabuti.
3Sapagkat kung papaanong alam ng dila
ang masarap at hindi masarap na pagkain,
alam din ng tainga kung ano ang tama
at hindi tamang mga salita.
4Kaya alamin natin kung ano ang tama,
pag-aralan natin kung ano ang mabuti.
5“Sapagkat sinabi ni Job,
‘Wala akong kasalanan
ngunit hindi ako binigyan
ng Diyos ng katarungan.
6Kahit na matuwid ako,
itinuring akong sinungaling.
Kahit na wala akong
nagawang kasalanan,
binigyan niya ako ng karamdamang
walang kagalingan.’
7Walang taong katulad ni Job
na uhaw sa pangungutya.
8Ang gusto niyang makasama
ay masasama at makasalanang tao,
9dahil sinabi niya,
‘Walang pakinabang ang tao
kung magsisikap siyang
bigyan kasiyahan ang Diyos!’
10“Kaya makinig kayo sa akin,
kayong mga nagsasabing
kayo ay nakakaunawa.
Ang Diyos na Makapangyarihan
ay hindi gumagawa ng masama.
11Ginagantihan niya ang tao
ayon sa mga ginawa nito;
pinakikitunguhan niya ang tao
ayon sa nararapat sa ugali nito.
12Tunay ngang hindi gagawa ng masama
ang Diyos na Makapangyarihan.
Hindi niya maaaring baluktutin
ang hustisya.
13May nagtalaga ba sa kanya
upang mamuno sa lupa?
May nagbilin ba sa kanya
upang mamahala sa buong sanlibutan?
14Kung loloobin ng Diyos
na kunin ang buhay
na ibinigay niya sa tao,
15lahat ng taoʼy mamamatay
at babalik sa lupa.
16“Job, kung ikaʼy may pang-unawa,
pakinggan mo ang sasabihin ko:
17Maaari ba namang mamuno ang Diyos
kung ayaw niya ng katarungan?
Hahatulan mo ba ang matuwid
at makapangyarihan?
18Hindi baʼt siya ang sumasaway
sa mga hari at pinunong masama
at walang kuwenta?
19Wala siyang itinatangi sa mga pinuno
at wala rin siyang pinapanigan,
mayaman man o mahirap,
dahil silang lahat ay pare-pareho niyang nilikha.
20Kahit ang taong makapangyarihan
ay biglang mamamatay sa gabi
nang hindi ginagalaw ng tao.
21“Binabantayan ng Diyos
ang lahat ng ginagawa ng tao.
22Walang madilim na lugar
na maaaring pagtaguan ng masama.
23Hindi na kailangang
tawagin pa ng Diyos ang tao
upang humarap sa kanya
upang tanungin at hatulan.
24Hindi na niya kailangang
imbestigahan pa ang taong namumuno
upang alisin ito sa katungkulan
at palitan ng iba.
25Sapagkat alam niya
ang kanilang ginagawa,
inaalis niya sila sa kapangyarihan
at nililipol kahit gabi.
26Hayagan niya silang pinaparusahan
dahil sa kanilang kasamaan.
27Ginawa niya ito
dahil tumigil sila ng pagsunod sa kanya,
at binalewala ang kanyang pamamaraan.
28Inaapi nila ang mga dukha,
at narinig ng Diyos
ang paghingi ng mga ito ng tulong.
29Ngunit kahit na tumahimik
ang Diyos at magtago,
walang sinuman ang makapagsasabing
mali siya.
Ang totoo, binabantayan ng Diyos
ang tao at mga bansa,
30upang patigilin ang pamumuno
ng mga hindi makadiyos,
para hindi nila mabitag mga tao.
31“Sakaling may magsabi sa Diyos,
‘Napagdusahan ko na ang aking kaparusahan;
hindi na ako muling gagawa ng kasalanan,’
32o, ‘Sabihin nʼyo sa akin
ang kasalanan ko;
kung nagkasala ako,
hindi ko na ito muling gagawin.’
33Papaano sasagutin ng Diyos
ang kahilingan mo kung hindi ka magsisisi?
Ikaw ang magpapasya nito
at hindi ako.
Kaya sabihin mo sa akin
kung ano ang pasya mo.
34“Ang mga taong marurunong
at may pang-unawa,
na nakikinig sa akin,
35ay makapagsasabing ang mga sinasabi mo Job
ay kamangmangan at walang kabuluhan.
36Dapat ka ngang lubusang subukin, Job,
dahil nagsasalita kang tulad
ng isang masamang tao.
37Dinadagdagan mo pa ang kasalanan mo
dahil sa paghihimagsik mo sa Diyos.
Minamasama moʼt kinukutya
ang Diyos sa harap namin.”