The chat will start when you send the first message.
1Tinawag ng Panginoon si Moises at kinausap siya mula sa Toldang Tipanan. Sinabi niya,
2“Sabihin mo ito sa mga Israelita: ‘Ang sinumang mag-aalay ng isang hayop sa Panginoon ay maaaring kumuha mula sa kawan ng kanyang baka, tupa, o kambing.
3“ ‘Kung ang iaalay niya ay isang handog na sinusunog mula sa kawan ng mga baka, kinakailangang ito ay lalaki at walang kapintasan. Dadalhin niya ito malapit sa pintuan ng Toldang Tipanan, upang itoʼy maging katanggap-tanggap sa Panginoon .
4Pagkatapos, ipapatong ng nag-alay ang kanyang kamay sa ulo ng hayop, at ang handog na sinusunog na itoʼy tatanggapin bilang kapalit niya, upang matubos siya sa kanyang kasalanan.
5Pagkatapos, kakatayin niya ang baka sa presensya ng Panginoon , at ang dugo nitoʼy iwiwisik ng mga anak ni Aaron na mga pari sa paligid ng altar, sa bandang pintuan ng Toldang Tipanan.
6Pagkatapos, babalatan at hihiwain ng naghahandog ang handog na sinusunog.[#1:6 Maaring ang gumagawa nito ay ang isa sa mga umaalalay sa mga pari.]
7Magpapaningas ng apoy ang mga lalaking anak ng paring si Aaron sa ibabaw ng altar at maglalagay ng panggatong sa ibabaw nito.
8Pagkatapos, ilalagay nila nang maayos sa apoy ang mga hiniwang karne, pati ang ulo at taba.
9Ngunit huhugasan muna ng nag-alay ang mga lamang-loob at mga hita, at pagkatapos ay susunugin ng pari ang mga ito sa altar bilang handog na sinusunog. Itoʼy handog na pagkaing nakalulugod ang samyo sa Panginoon .
10“ ‘Kung ang iaalay naman ay handog na sinusunog mula sa kawan ng tupa o kambing, kailangang itoʼy lalaki at walang kapintasan.
11Kakatayin ito sa harapan ng Panginoon doon sa gawing hilaga ng altar. At ang dugo nitoʼy iwiwisik ng mga anak ni Aaron na mga pari sa paligid ng altar.
12Hihiwain ito ng naghandog, at maayos itong ilalagay ng pari sa apoy, pati na ang ulo at taba.
13Pagkatapos, huhugasan ng naghahandog ang mga lamang-loob at mga paa, at saka ibibigay sa pari para sunugin sa altar bilang handog na sinusunog. Itoʼy handog na pagkaing nakalulugod ang samyo sa Panginoon .
14“ ‘Kung ang iaalay naman bilang handog na sinusunog para sa Panginoon ay ibon, kinakailangang ito ay kalapati o batu-bato.
15Dadalhin ito ng pari sa altar, pipilipitin niya ang leeg nito hanggang sa maputol at patutuluin ang dugo sa paligid ng altar. Ang ulo nito ay susunugin doon sa altar.
16Pagkatapos, aalisin ng pari ang balahibo at bituka nito, at ihahagis sa gawing silangan ng altar kung saan inilalagay ang abo.
17At pagkatapos, bibiyakin niya ang ibon sa pamamagitan ng paghila ng mga pakpak nito, ngunit hindi niya paghihiwalayin, at saka niya susunugin ang ibon doon sa altar bilang handog na sinusunog. Itoʼy handog na pagkaing nakalulugod ang samyo sa Panginoon .’ ”