1Pagkatapos nito, pumili pa ang Panginoon ng pitumpuʼt dalawang alagad, at sinugo ang mga ito nang dala-dalawa sa mga bayan at iba pang mga lugar na pupuntahan niya.[#10:1 : Sa ibang tekstong Griyego, 70.]
2Sinabi niya sa kanila, “Marami ang aanihin ngunit kakaunti ang tagapag-ani. Kaya idalangin ninyo sa Panginoon, na siyang may-ari ng anihín, na magpadala siya ng mga tagapag-ani.
3Sige, lumakad na kayo. Ngunit mag-ingat kayo, dahil tulad kayo ng mga tupang isinugo ko sa mga lobo.
4Huwag kayong magdala ng pitaka, bag o sandalyas. At huwag kayong mag-aksaya ng panahon sa pakikipagbatian sa daan.
5“Pagpasok nʼyo sa alinmang bahay, bumati muna kayo ng, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa tahanang ito.’
6Kung ang nakatira doon ay maibigin sa kapayapaan, mapapasakanila ang kapayapaang idinalangin ninyo. Ngunit kung hindi, hindi rin nila makakamtan iyon.
7Manatili kayo sa bahay na tinutuluyan ninyo. Huwag kayong magpalipat-lipat ng bahay. Kainin at inumin ninyo ang anumang ihain sa inyo dahil karapatan ng manggagawa na tumanggap ng sahod.
8“Kapag dumating kayo sa isang bayan at tinanggap kayo ng mga tao, kainin ninyo ang anumang ihain nila sa inyo.
9Pagalingin ninyo ang mga may sakit doon, at sabihin ninyo sa kanila na malapit na ang paghahari ng Diyos sa kanila.[#10:9 : O dumating na.]
10Ngunit kung ayaw kayong tanggapin sa isang bayan, umalis kayo, at habang naglalakad kayo sa lansangan nila ay sabihin ninyo,
11‘Kahit ang alikabok ng bayan ninyo na dumikit sa mga paa namin ay ipinapagpag namin bilang babala sa inyo. Ngunit dapat ninyong malaman na malapit na ang paghahari ng Diyos.’
12Tinitiyak ko sa inyo na sa Araw ng Paghuhukom, mas mabigat ang parusang tatanggapin nila kaysa sa mga taga-Sodoma.
13“Nakakaawa kayong mga taga-Corazin! Nakakaawa rin kayong mga taga-Betsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon naganap ang mga himalang ginawa ko sa inyo, matagal na sana silang nagsuot ng sako at naglagay ng abo sa kanilang ulo para ipakitang silaʼy nagsisisi.[#10:13 : O naupo sa abo.]
14Kaya sa Araw ng Paghuhukom, mas mabigat na parusa ang tatanggapin ninyo kaysa sa mga taga-Tiro at taga-Sidon.
15At kayo namang mga taga-Capernaum, inaakala ninyong pupurihin kayo kahit sa langit, pero ang totooʼy ihuhulog kayo sa mundo ng mga patay!
16“Ang nakikinig sa inyoʼy nakikinig sa akin, ang nagtatakwil sa inyoʼy nagtatakwil sa akin, at ang nagtatakwil sa akin ay nagtatakwil sa nagsugo sa akin.”
17Masayang bumalik ang pitumpuʼt dalawang tagasunod ni Hesus. Sinabi nila sa kanya, “Panginoon, kahit po ang masasamáng espiritu ay sumusunod sa amin kapag inuutusan namin sila sa pangalan nʼyo!”
18Sinabi ni Hesus sa kanila, “Nakita kong nahulog si Satanas mula sa langit na parang kidlat.
19Binigyan ko kayo ng kapangyarihang tapakan ang mga ahas at mga alakdan, at ang lahat ng kapangyarihan ng kaaway. At walang anumang makapipinsala sa inyo.
20Ganoon pa man, huwag kayong matuwa dahil napapasunod ninyo ang masasamang espiritu, sa halip matuwa kayo dahil nakasulat sa langit ang mga pangalan ninyo.”
21Nang oras ding iyon, napuno si Hesus ng kagalakang mula sa Banal na Espiritu. At sinabi niya, “Pinupuri kita Ama, Panginoon ng langit at lupa, dahil inilihim mo ang mga katotohanang ito sa mga taong ang akala sa sariliʼy mga marurunong at matatalino, at inihayag ito sa mga taong tulad ng bata na kaunti lang ang nalalaman. Oo, Ama, dahil ito ang kalooban mo.
22“Ibinigay sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang mga taong nais kong makakilala sa Ama.”
23Humarap si Hesus sa mga alagad niya at sinabi sa kanila nang sarilinan, “Mapalad kayo dahil nakita mismo ninyo ang mga ginagawa ko.
24Sinasabi ko sa inyo, maraming propeta at mga hari noon ang naghangad na makita at marinig ang nakikita at naririnig ninyo ngayon, pero hindi iyon nangyari sa panahon nila.”
25Lumapit kay Hesus ang isang tagapagturo ng Kautusan para subukin siya. Nagtanong siya, “Guro, ano po ba ang dapat kong gawin para magkaroon ng buhay na walang hanggan?”
26Sumagot si Hesus, “Ano ba ang nakasulat sa Kautusan? Ano ang nababasa mo roon?”
27Sumagot ang lalaki, “Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong lakas, at nang buong pag-iisip. At mahalin mo ang iyong kapwa tulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili.”[#10:27 Deu. 6:5.; #10:27 Lev. 19:18.]
28“Tama ang sagot mo,” sabi ni Hesus. “Gawin mo iyan at mabubuhay ka.”
29Ngunit ayaw mapahiya ng tagapagturo, kaya tinanong ulit niya si Hesus, “At sino naman po ang kapwa ko?”
30Bilang sagot, nagkuwento si Hesus: “May isang taong papunta sa Jerico galing sa Jerusalem. Habang naglalakad siya, hinarang siya ng mga tulisan. Kinuha nila ang mga dala niya, pati na ang suot niya. Binugbog nila siya at iniwang halos patay na.
31Nagkataong dumaan doon ang isang pari. Nang makita niya ang taong nakahandusay, lumihis siya at nagpatuloy sa kanyang paglalakad.
32Napadaan din ang isang Levita at nakita niya ang tao, pero lumihis din siya sa kabilang daan at nagpatuloy sa kanyang paglalakad.[#10:32 : Katuwang ng mga pari sa templo.]
33Ngunit may isang Samaritanong naglalakbay na napadaan doon. Nakita niya ang taong nakahandusay at naawa siya.
34Nilapitan niya ang lalaki, hinugasan ng alak ang sugat, binuhusan ng langis at saka binendahan. Pagkatapos, isinakay niya ito sa sinasakyan niyang hayop, dinala sa bahay-panuluyan at inalagaan doon.
35Kinabukasan, binigyan ng Samaritano ng pera ang may-ari ng bahay-panuluyan at sinabi, ‘Alagaan mo siya, at kung kulang pa ʼyan sa magagastos mo, babayaran kita pagbalik ko.’ ”[#10:35 : Sa Griyego, dalawang denarius. Ang isang denarius ay katumbas ng isang araw na sahod.]
36Nagtanong ngayon si Hesus sa tagapagturo ng Kautusan, “Sa palagay mo, sino sa tatlong ito ang nagpakita na siya ay tunay na kapwa sa biktima ng mga tulisan?”
37Sumagot siya, “Ang tao pong nagpakita ng awa sa kanya.”
Sinabi sa kanya ni Hesus, “Lumakad ka at ganoon din ang gawin mo.”
38Nagpatuloy si Hesus at ang mga alagad niya sa paglalakbay at dumating sila sa isang nayon. May isang babae roon na ang pangalan ay Marta. Malugod niyang tinanggap sina Hesus sa kanyang tahanan.
39Si Marta ay may kapatid na ang pangalan ay Maria. Naupo si Maria sa paanan ng Panginoon at nakinig sa itinuturo niya.
40Ngunit si Marta ay abalang-abala sa paghahanda niya, kaya lumapit siya kay Hesus at sinabi, “Panginoon, balewala po ba sa inyo na nakaupo lang diyan ang kapatid ko at hinahayaang ako ang gumawa ng lahat? Sabihin nʼyo naman po sa kanya na tulungan niya ako.”
41Ngunit sinagot siya ng Panginoon, “Marta, Marta, hindi ka mapalagay at abalang-abala ka sa maraming bagay.
42Ngunit isang bagay lang ang kailangan, at ito ang pinili ni Maria. Mas mabuti ito at walang makakakuha nito sa kanya.”[#10:42 : Sa ilang manuskrito, kakaunti lamang ang talagang kailangan.]