Mateo 3

Ipinangaral ni Juan ang Pagdating ni Hesus

(Mar. 1:1‑8; Luc. 3:1‑18; Juan 1:19‑28)

1Nang mga araw na iyon, dumating sa ilang ng Judea si Juan na Tagapagbautismo para mangaral.

2Sabi niya, “Magsisi kayo at talikuran ang inyong mga kasalanan, dahil malapit na ang paghahari ng Langit.”[#3:2 Karaniwang ginagamit ng mga Hudyo ang salitang sa halip na Diyos bilang tanda ng paggalang.]

3Si Juan ang tinutukoy ni Propeta Isaias nang sabihin niya:

“May sumisigaw sa ilang na nagsasabi,

‘Ihanda ninyo ang daan

para sa Panginoon,

tuwirin ninyo ang landas

na kanyang lalakaran.’ ”

4Ang damit ni Juan ay gawa sa balahibo ng kamelyo at ang sinturon niyaʼy gawa sa balat ng hayop. Ang pagkain niya ay balang at pulot-pukyutan.

5Pinupuntahan siya ng maraming tao mula sa Jerusalem at sa buong lalawigan ng Judea, at sa lahat ng lugar sa paligid ng Ilog Jordan.

6Ipinagtatapat nila ang kanilang mga kasalanan at silaʼy binabautismuhan ni Juan sa Ilog Jordan.

7Ngunit nang makita ni Juan na maraming Pariseo at Saduceo ang dumarating para magpabautismo, sinabi niya sa kanila, “Kayong lahi ng mga ulupong! Sino namang nagsabi sa inyo na makakatakas kayo sa darating na parusa ng Diyos?

8Kung totoong nagsisi kayo at tumalikod sa inyong mga kasalanan, patunayan ninyo sa inyong mga gawa.

9Huwag ninyong isipin na dahil ninuno ninyo si Abraham ay hindi kayo mapaparusahan. Sapagkat sinasabi ko sa inyo: Makakalikha ang Diyos ng mga anak ni Abraham kahit sa mga batong ito.

10Ngayon pa lang ay nakaamba na ang palakol na puputol sa ugat ng mga puno. Ang mga punong hindi namumunga ng mabuti ay puputulin at itatapon sa apoy.

11“Binabautismuhan ko kayo sa tubig, bilang tanda ng pagsisisi at pagtalikod ninyo sa inyong mga kasalanan. Ngunit may darating na kasunod ko na mas makapangyarihan kaysa sa akin. Kahit ang magdala ng kanyang sandalyas ay hindi ako karapat-dapat. Babautismuhan niya kayo sa Banal na Espiritu at apoy.

12Tulad siya ng isang taong nagtatahip para ihiwalay ang ipa sa butil ng trigo. Titipunin niya ang mga butil sa kamalig, ngunit ang ipa ay susunugin niya sa apoy na kailanmaʼy hindi mamamatay.”

Ang Pagbabautismo kay Hesus

(Mar. 1:9‑11; Luc. 3:21‑22)

13Mula sa Galilea, pinuntahan ni Hesus si Juan sa Ilog Jordan para magpabautismo.

14Ngunit tumanggi si Juan at sinabi, “Bakit ikaw ang magpapabautismo sa akin? Ako dapat ang magpabautismo sa iyo.”

15Ngunit sumagot si Hesus, “Hayaan mong mangyari ito sa ngayon. Ito ang nararapat nating gawin para isakatuparan ang kalooban ng Diyos.” Kaya pumayag si Juan na bautismuhan siya.

16Pagkatapos niyang mabautismuhan, umahon si Hesus sa tubig. Sa sandaling iyon, nabuksan ang langit at nakita niya ang Espiritu ng Diyos na parang isang kalapating bumababa hanggang sa dumapo ito sa kanya.

17At may boses na narinig mula sa langit na nagsasabing, “Ito ang minamahal kong Anak. Lubos ko siyang kinalulugdan.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.