Kawikaan 10

Ang mga Kawikaan ni Solomon

1Narito ang mga kawikaan ni Solomon:

Ang anak na marunong ay ligaya ng magulang,

ngunit ang anak na hangal

ay nagbibigay ng kalungkutan.

2Ang kayamanang nakuha sa masamang paraan

ay hindi makapagbibigay ng anumang kabutihan,

ngunit ang matuwid na pamumuhay

ay makapagliligtas sa iyo sa kamatayan.

3Hindi hinahayaan ng Panginoon

na magutom ang mga matuwid,

ngunit ipinagkakait naman niya

ang hangad ng mga masama.

4Nagpapahirap ang katamaran,

ngunit ang kasipagan ay nagpapayaman.

5Ang nag-iimbak ng pagkain kapag anihan

ay anak na maalam,

ngunit ang anak na laging tulog

kapag anihan ay kahiya-hiya.

6Ang taong matuwid ay pinagpapala;

ang bibig ng masamang tao ay nakakapinsala.

7Ang alaala ng taong matuwid

ay isang pagpapala magpakailanman

ngunit ang masamang tao

ay makakalimutan.

8Sumusunod sa mga utos

ang taong marunong,

ngunit ang nagsasalita ng kamangmangan

ay mawawasak.

9May kapayapaan ang taong namumuhay

nang matuwid,

ngunit ang masama ang pamumuhay

ay malalantad.

10Ang taong mandaraya ay gulo ang nililikha

at ang taong nagsasalita

ng kamangmangan ay mapapahamak.

11Ang salita ng taong matuwid

ay makakatulong sa buhay ng iba,

ngunit ang mga salita ng taong masama

ay makapipinsala.

12Ang galit ay nagpapasimula ng kaguluhan,

ngunit ang pag-ibig ay nagpapatawad

ng lahat ng kasalanan.

13Nagsasalita ng karunungan

ang taong may pang-unawa,

ngunit ang walang pang-unawa

ay nagsasalita tungo sa kanyang kapahamakan.

14Nagdadagdag ng kaalaman

ang taong may karunungan,

ngunit ang mga hangal ay nagsasalita

tungo sa kanilang kapahamakan.

15Panatag ang mayaman

dahil sa kanyang kayamanan,

ngunit napapahamak ang mahirap

dahil sa kanyang kahirapan.

16Ang gantimpala ng matuwid ay buhay,

ngunit ang gantimpala ng masama

ay kaparusahan.

17Ang taong nakikinig sa pagtutuwid sa kanyang pag-uugali

ay mapapabuti at hahaba ang buhay,

ngunit ang taong hindi nakikinig

ay maliligaw ng landas.

18Ang nagkikimkim ng galit ay sinungaling,

at ang naninira sa kanyang

kapwa ay hangal.

19Ang taong masalita ay madaling magkasala.

Ang taong maalam

ay pinipigilan ang kanyang dila.

20Ang salita ng matuwid

ay mahalaga tulad ng pilak,

ngunit ang isip ng masama

ay walang kabuluhan.

21Sa salita ng matuwid marami

ang nakikinabang,

ngunit ang mga hangal ay mamamatay

dahil walang pang-unawa.

22Ang pagpapala ng Panginoon

ay nagpapayaman

at hindi niya ito dinadagdagan

ng anumang kalungkutan.

23Ang kaligayahan ng hangal

ay ang paggawa ng kasamaan,

ngunit ang kaligayahan nang nakakaunawa

ay ang mamuhay nang may karunungan.

24Ang kinatatakutan ng taong masama

ay mangyayari sa kanya,

ang hinahangad naman ng taong matuwid

ay kanyang makakamit.

25Kapag dumating ang mga bagyo sa buhay,

tatangayin ang mga masasama,

subalit mananatiling matatag

ang mga matutuwid magpakailanman.

26Tulad ng sukang nakakangilo

at usok na nakakaluha,

ganyan ang tamad sa nagpadala sa kanya.

27Ang may paggalang sa Panginoon

ay hahaba ang buhay,

ngunit ang taong masama

ay iikli ang buhay.

28Ang pag-asa ng matuwid

ay magbibigay ng kaligayahan,

ngunit ang pag-asa ng masama

ay walang katuparan.

29Ang pagsunod sa pamamaraan ng Panginoon

ay kanlungan ng matuwid,

ngunit ang mga suwail dito

ay mapapahamak.

30Ang matuwid ay hindi gagambalain

sa kanyang lupain,

ngunit ang masama

ay palalayasin.

31Ang bibig ng matuwid

ay puno ng karunungan,

ngunit ang dila ng sinungaling ay puputulin.

32Ang bibig ng matuwid

ay nagsasalita ng kaaya-aya,

ngunit kabuktutan ang sinasabi

ng taong masama.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.