The chat will start when you send the first message.
1Panginoon , nagagalak ang hari sa kalakasan
na inyong ibinibigay
Labis siyang nasisiyahan sa bigay
ninyong tagumpay.
2Ibinigay nʼyo sa kanya
ang kanyang hinahangad;
hindi nʼyo ipinagkait
ang kanyang kahilingan.
3Tinanggap nʼyo siya,
at pinagkalooban ng masaganang pagpapala.
Pinutungan nʼyo ang ulo niya
ng koronang yari sa purong ginto.
4Hiniling niya sa inyo na dagdagan
ang buhay niya,
at binigyan nʼyo siya ng mahabang buhay
na magpakailanman.
5Dahil sa pagbibigay nʼyo
ng tagumpay sa kanya,
naging tanyag siya at makapangyarihan.
6Sapagkat nagtitiwala siya sa inyo, Panginoon ,
pinagpala nʼyo siya ng mga pagpapalang
walang katapusan,
at pinasaya nʼyo siya sa inyong piling.
7At dahil minamahal nʼyo siya nang tapat,
Kataas-taasang Diyos,
hindi siya mabubuwal.
8Sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan,
matatalo nʼyo ang lahat nʼyong mga kaaway.
9At kapag kayo ay dumating,
Panginoon ,
lilipulin nʼyo sila.
Dahil sa galit nʼyo, siyaʼy tutupukin
na parang dayami
sa naglalagablab na apoy.
10Uubusin nʼyo ang lahat ng mga anak nila
sa buong kalupaan,
upang wala nang magpatuloy
ng kanilang lahi.
11Nagbabalak sila ng masama
laban sa inyo,
ngunit hindi sila magtatagumpay.
12Tatakas sila kapag nakita nilang nakatutok na
sa kanila ang inyong pana.
13Panginoon , pinupuri namin kayo
dahil sa inyong kalakasan.
Aawit kami ng mga papuri
dahil sa inyong kapangyarihan.