Salmo 6

Salmo 6

1O Panginoon , huwag nʼyo po akong sawayin

kapag kayoʼy galit sa akin;

Huwag nʼyo po akong parusahan

kapag kayoʼy napopoot sa akin.

2Akoʼy inyong kahabagan sa aking kahinaan,

at pagalingin ang dumaraing kong kalamnan.

3Akoʼy labis na nababagabag.

Hanggang kailan, O Panginoon ,

hanggang kailan ako magiging ganito?

4Panginoon akoʼy inyong dinggin

at akoʼy sagipin.

Iligtas nʼyo ako sa kamatayan

alang-alang sa pag-ibig nʼyo sa akin.

5Sapagkat ang patay

ay ʼdi ka na maaalala.

Sa mundo ng mga patay

wala nang makakapagpuri pa.

6Akoʼy pagod na sa sobrang pagdaing.

Gabi-gabiʼy basa ng luha

ang aking higaan;

sa pag-iyak koʼy basang-basa

ang aking unan.

7Ang paningin koʼy nanlalabo

dahil sa sobrang lungkot ko;

Ang mga mata koʼy namumugto

dahil sa mga kaaway ko.

8Layuan nʼyo ako,

kayong gumagawa ng masama,

sapagkat dininig na ng Panginoon

ang aking pag-iyak.

9Narinig niya ang paghingi ko ng tulong,

at sasagutin niya ang aking dalangin.

10Mapapahiya at matatakot

ang lahat ng aking kaaway;

Bigla silang tatakas dahil sa sobrang kahihiyan.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.