Pahayag 5

Ang Kasulatan at ang Kordero

1Pagkatapos nito, nakita ko ang nakarolyong kasulatan na hawak-hawak ng nakaupo sa trono sa kanang kamay niya. May nakasulat sa magkabilang bahagi nito, at may pitong selyo upang hindi mabuksan.

2At nakita ko ang isang makapangyarihang anghel na sumisigaw, “Sino ang karapat-dapat na magtanggal ng mga selyo at nang mabuksan ang kasulatang ito?”

3Ngunit walang isa man sa langit, sa lupa o sa ilalim ng lupa na makapagbukas ng kasulatan upang mabasa ang nakasulat doon.

4Umiyak ako nang labis sapagkat walang natagpuang karapat-dapat na magbukas at bumasa ng kasulatang iyon.

5At sinabi sa akin ng isa sa mga pinuno, “Huwag kang umiyak. Tingnan mo! Ang tinaguriang Leon mula sa lahi ni Juda, ang Supling ni David ay nagtagumpay at karapat-dapat siyang magtanggal ng pitong selyo at buksan ang kasulatan.”

6Pagkatapos, nakita ko ang isang Korderong mukhang pinatay, na nakatayo sa pagitan ng mga pinuno at ng tronong napapaligiran ng apat na buháy na nilalang. Mayroon itong pitong sungay at pitong mata, na siyang pitong Espiritu ng Diyos na isinugo sa lahat ng lugar sa mundo.[#5:6 : Tingnan ang talababa sa 1:4‑5.]

7Lumapit ang Kordero sa trono at kinuha niya ang kasulatan sa kanang kamay ng nakaupo roon.

8Nang kunin niya iyon, nagpatirapa ang apat na buháy na nilalang at ang dalawampuʼt apat na pinuno sa harap ng Kordero. Ang bawat isa sa kanila ay may hawak na alpa at gintong sisidlang puno ng insenso, na siyang panalangin ng mga hinirang ng Diyos.

9At umawit sila ng bagong awit na ito:

“Kayo po ang karapat-dapat na kumuha ng kasulatan

at magtanggal ng mga selyo nito,

sapagkat kayo ay pinatay,

at sa pamamagitan ng inyong dugo

ay tinubos nʼyo ang mga tao para sa Diyos.

Ang mga taong nagmula

sa bawat angkan, wika, lahi, at bansa.

10Ginawa nʼyo silang mga hari at mga pari

upang maglingkod sa ating Diyos.

At maghahari sila sa mundo.”

11Nakita ko at narinig ang tinig ng napakarami at libo-libong mga anghel na nakapaligid sa trono, sa apat na buháy na nilalang at sa dalawampuʼt apat na pinuno.

12Umaawit silang may malakas na tinig:

“Ang Korderong pinatay ay karapat-dapat

tumanggap ng kapangyarihan, kayamanan, karunungan,

kalakasan, karangalan, kaluwalhatian at kapurihan!”

13At narinig ko ang bawat nilalang sa langit, sa lupa, sa ilalim ng lupa, at sa dagat na umaawit:

“Ibigay sa nakaupo sa trono

at sa Kordero ang kapurihan, kaluwalhatian, karangalan

at kapangyarihan, magpakailanman!”

14Sumagot ang apat na buháy na nilalang, “Amen!” At nagpatirapa ang mga pinuno at sumamba.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.