The chat will start when you send the first message.
1Naitataas ng maralita ang kanyang noo kung siya'y marunong,
at ibibilang siya sa hanay ng mga dakila.
2Huwag mong dadakilain ang isang tao dahil lamang sa kanyang magandang kaanyuan,
at huwag mo namang hahamakin ang sinuman dahil sa kanyang kapangitan.
3Ang pukyutan ay isa sa pinakamaliit na hayop na lumilipad,
ngunit ang kanyang pulot ay pinakamasarap.
4Huwag mong ipagmarangya ang magara mong kasuotan,
at huwag kang magmamataas sa panahong ikaw ay pinaparangalan;
sapagkat kahanga-hanga ang pamamaraan ng Panginoon,
at lingid sa mga tao ang kanyang mga gawa.
5Maraming hari ang napilitang maupo sa lupa,
at may naging hari naman na di sukat akalain.
6May mga pinunong nawalan ng kapangyarihan,
at may mga tanyag na tao ang nahulog sa kapangyarihan ng iba.
7Magsuri ka muna bago ka humatol,
at isipin mo muna bago ka magmatuwid.
8Makinig ka muna bago ka sumagot,
at huwag kang sumabad hangga't hindi natatapos ang nagsasalita.
9Huwag kang makipagtalo tungkol sa mga bagay na wala ka namang kinalaman,
at huwag kang makikialam sa pagpapasya ng mga makasalanan.
10Anak, huwag mong pakaramihan ang iyong mga panukala,
kapag napakarami ng iyong saklaw, hindi mo makakayanan;
kung naghahabol ka, hindi ka aabot,
at kung ikaw ang hinahabol, hindi ka makakatakas.
11May taong trabaho nang trabaho at lagi nang humahangos,
patuloy ang kayod ngunit lalo lamang naghihikahos.
12Mayroon namang bahagya nang makagulapay,
babagal-bagal, mahina, walang kaya, at sadsad sa hirap,
ngunit nang lingapin siya ng Panginoon,
naging matiwasay ang kanyang buhay.
13Nakabangon siya at nag-ani ng tagumpay,
at namangha ang lahat sa nangyari sa kanya.
14-15-16Kung minsa'y masarap, kung minsa'y masaklap ang padala ng Panginoon:
ang kabiguan at tagumpay, ang kayamanan at karukhaan,
ang buhay at kamatayan ay sa kanya nagmumula.
17Mananatili sa banal ang kaloob ng Panginoon,
at ang pagpapala niya'y nagdudulot ng patuloy na tagumpay.
18Maaaring yumaman ang isang tao sa pamamagitan ng pagsisikap at pagkakait sa sarili,[#Awit 49:10; Lu. 12:16-21.]
ngunit sa bandang huli, ano ang mapapala niya?
19Sasabihin niya: “Maaari na akong mamahinga ngayon,
maaari na akong magpasarap sa buhay sa dami ng aking naipon.”
Ngunit hindi niya alam kung hanggang kailan siya mabubuhay,
at iiwan niya sa iba ang lahat niyang pinagpaguran.
20Panindigan mo ang pinasukang kasunduan, at tuparin iyon nang buong sikap,
at magpakatanda ka sa iyong hanapbuhay.
21Huwag kang maiinggit sa tagumpay ng masasamang tao.
Gawin mo ang iyong tungkulin, at manalig ka sa Panginoon,
sapagkat madali sa kanya na ang dukha'y payamanin.
22Ang gantimpala ng makatarungan ay ang pagpapala ng Panginoon,
at matutupad ang kanyang mithiin sa sandaling panahon.
23Huwag kang labis na mabahala sa iyong mga pangangailangan,
o kung ano ang sasapitin mo sa darating na panahon.
24At huwag mo ring akalaing nasa iyo na ang lahat,
o kaya'y wala nang kasawiang maaaring mangyari sa iyo sa darating na panahon.
25Sa panahon ng kasaganaan, nakakalimutan ang hirap,
at sa panahon ng kasawian, nakakalimutan ang tagumpay.
26Madali sa Panginoon ang maghintay sa araw ng pagkamatay ng isang tao,
upang parusahan o gantimpalaan siya sa kanyang mga ginawa.
27Sa oras na iyon, makikilala ng lahat ang kanyang mga gawa,
at ang kaginhawahang tinamasa niya sa nakaraan, ay mapapawi sa isang sandali ng paghihirap.
28Kaya, huwag mong sabihing mapalad ang isang tao bago siya mamatay,
sapagkat sa kanyang pagkamatay lamang lalabas ang buong katotohanan.
29Piliin mo ang taong isasama mo sa iyong tahanan,
sapagkat lubhang marami ang pamamaraan ng manlilinlang.
30Ang palalo ay parang ibong bihag na ipinapain,
parang espiya na nag-aabang ng iyong pagbagsak.
31Binabaluktot niya ang kahulugan ng mga bagay,
pinasasama ang mabuti at binibigyang-sala ang walang kasalanan.
32Sa isang tilamsik ng apoy nagmumula ang siga;
ang makasalanang may masamang hangarin ay humahantong sa pagdanak ng dugo.
33Mag-ingat ka sa taong masama at sa kanyang mga pakana,
baka ikaw ay ipahamak niya magpakailanman.
34Kapag kumupkop ka sa iyong tahanan ng taong di mo kaanu-ano,
magúgulo ang iyong sambahayan, at lalayuan ka ng mga kadugo mo.