Isaias 17

Paparusahan ng Diyos ang Damasco at ang Israel

1Ganito ang pahayag ni Yahweh tungkol sa Damasco:[#Jer. 49:23-27; Amos 1:3-5; Zac. 9:1.]

“Mawawala ang Lunsod ng Damasco,

at magiging isang bunton na lamang ng mga gusaling gumuho.

2Kailanma'y wala ng titira sa mga lunsod ng Siria.

Magiging pastulan na lamang siya

ng mga kawan ng mga tupa at baka at walang mananakot sa kanila.

3Mawawasak ang mga tanggulan ng Efraim,

babagsak ang kaharian ng Damasco.

Matutulad sa sinapit ng Israel ang kapalarang sasapitin ng malalabi sa Siria.”

Ito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.

4“Sa araw na iyon

maglalaho ang kaningningan ng Israel,

ang kanyang kayamanan ay mapapalitan ng kahirapan.

5Matutulad siya sa isang triguhan

matapos gapasin ng mga mag-aani.

Matutuyot siyang gaya ng bukirin sa Refaim

matapos simuting lahat ng mga mamumulot.

6Ilang tao lamang ang matitira sa lahi ng Israel,

matutulad siya sa puno ng olibo na pinitas ang lahat ng mga bunga,

at walang natira kundi dalawa o tatlong bunga

sa pinakamataas na sanga,

apat o limang bunga

sa mga sangang dati'y maraming magbunga.”

Ito ang sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel.

7Sa araw na iyon lalapit ang mga tao sa Lumikha sa kanila, sa Banal na Diyos ng Israel.

8Hindi na nila papansinin ang mga altar na sila na rin ang gumawa. Hindi na sila magtitiwala sa mga diyus-diyosang Ashera o sa mga altar na sunugan ng insenso na inanyuan ng kanilang mga kamay.

9Sa araw na iyon, iiwan ng mga tao ang iyong mga lunsod. Tulad ng nangyari sa mga lunsod ng mga Hivita at Amoreo noong dumating ang mga Israelita.[#17:9 Sa ibang manuskrito'y .]

10Kinalimutan ninyo ang Diyos na nagligtas sa inyo,

at hindi na ninyo naaalaala ang Bato na inyong kanlungan,

sa halip, gumawa kayo ng mga sagradong hardin

na itinalaga ninyo sa isang diyus-diyosan,

sa paniniwalang pagpapalain niya kayo.

11Ngunit kahit tumubo man ang mga halaman

at mamulaklak sa araw na inyong itinanim,

wala kang aanihin pagdating ng araw

kundi pawang sakuna at walang katapusang kahirapan.

Tatalunin ang mga Kaaway na Bansa

12Ang ingay ng napakaraming tao

ay parang ugong ng karagatan.

Rumaragasa ang mga bansa

na parang hampas ng mga alon.

13Nagkakaingay ang mga bansa na tulad ng daluyong ng tubig,

ngunit pinigil sila ng Diyos, at sila'y tumakas,

parang alikabok na inililipad ng hangin sa ibabaw ng burol

at dayaming tinatangay ng ipu-ipo.

14Sa gabi'y magsasabog sila ng sindak

ngunit pagsapit ng umaga'y wala na sila.

Ganyan ang mangyayari sa mga umaapi sa atin,

iyan ang sasapitin ng mga nagnakaw ng ating mga ari-arian.

New Testament © 2012 Philippine Bible Society Old Testament © 2005 Philippine Bible Society
Published by: Philippine Bible Society