Ang Karunungan ni Solomon 7

Ang Hari ay Katulad din ng Sinumang Tao

1Ako'y may kamatayan din, tulad ng sinumang tao,

supling ng unang tao na nagmula sa alabok,

inanyuan sa sinapupunan ng aking ina.

2Mula sa binhi ng lalaki, nagkaanyo ako sa sinapupunan ng aking ina, bunga ng pagtatalik nilang dalawa.

Sa loob ng siyam na buwan, ang katawan ko'y nabuo mula sa dugo ng aking ina.

3Nang ako'y isilang, nagsimula akong lumanghap ng hanging nilalanghap ng lahat.

Inihiga ako sa lupang tinatapakan ng mga tao,

ang iyak ng lahat ng bagong silang ang unang tinig na nagmula sa akin.

4Buong ingat akong inalagaan at binalot ng lampin.

5Lahat ng hari ay ganyan din ang simula.

6Sapagkat sa lahat ng tao'y iisa lamang ang paraan ng pagdating at pag-alis sa buhay na ito.

Ang Pag-ibig ni Solomon sa Karunungan

7Sapagkat alam kong ako'y tao lamang, ako'y nanalangin at binigyan naman ako ng pang-unawa.[#1 Ha. 3:6-9; Kar. 9:1-18.]

Tumawag ako sa Diyos at binigyan ako ng Karunungan.

8Higit na mahalaga sa akin ang Karunungan kaysa trono at setro,

at mas matimbang kaysa alinmang kayamanan.

9Hindi ko siya maipagpapalit maging sa pinakamahal na alahas.

Ang ginto ay tulad lamang ng buhangin kung ihahambing sa Karunungan.

Ang pilak nama'y nagmimistulang putik kapag inihambing sa kanya.

10Para sa akin, siya'y higit pa sa kalusugan o kagandahan.

Mas gusto ko siya kaysa alinmang ilaw

sapagkat ang luningning niya'y walang pagkupas.

11Nang makamit ko ang Karunungan, dumating sa akin ang lahat ng pagpapala;

siya ang nagkaloob sa akin ng kayamanang walang kapantay.

12Malaking kaligayahan ang dulot ng mga ito sa akin, sapagkat ang mga ito'y bunga ng Karunungan.

Ngunit di ko alam noon na ang mga ito'y nagmula sa Karunungan.

13Walang pag-iimbot na nag-aral ako sa Karunungan;

at ngayon ay malugod kong ibinabahagi sa iba ang aking natutunan.

14Hindi mauubos ninuman ang yaman ng Karunungan.

Angkinin ninyo iyan at mapapalapit kayo sa Diyos;

ikinalulugod niya ang matuto kayo sa Karunungan.

15Loobin nawa ng Diyos na ang nasa isip ko'y maging karapat-dapat sa natutunan ko sa Karunungan,

at ang ihahayag ko'y maging naaayon sa kalooban niya,

sapagkat ang Diyos ang patnubay ng Karunungan,

at siya ang nagtutuwid sa marurunong.

16Tayong lahat ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Diyos—ang ating pagkatao, ang ating mga salita,

ang ating pagkaunawa, at ang ating mga kakayahan.

17Siya ang nagbigay sa akin ng pagkaunawa

sa kaayusan ng buong daigdig at sa mga lakas ng kalikasan;

18kung paanong sinusukat ang takbo ng daigdig sa pamamagitan ng pagsikat at paglubog ng araw,

at ang pagbabagu-bago ng mga panahon;

19ang pag-inog ng mga bituin sa kalawakan, at ang pag-ikot ng mga taon.

20Sa kanya ko natutunan ang kalikasan ng mga nilalang na may buhay,

ang ugali ng mga mababangis na hayop,

ang lakas ng hangin, ang takbo ng isipan ng mga tao,

ang pagkakaiba ng mga halaman, at ang paggamit ng mga ugat bilang gamot.

21Natutunan ko ang mga bagay na dati nang alam, at ang mga bagay na wala pang ibang nakakaalam,

22sapagkat ang Karunungan na humugis sa lahat ng bagay ang siyang nagturo sa akin.

Ang Likas ng Karunungan

Ang diwa ng Karunungan ay matalino at banal.

Iisa ang kanyang likas ngunit nahahayag sa maraming paraan.

Siya'y dalisay at walang katawang materyal, at malayang kumikilos;

malinis, nagtitiwala at di maaaring mapinsala;

maibigin sa mabuti, matalas at di malulupig.

23Ang Karunungan ay mapagkawanggawa, mabait,

matatag, tiyak, hindi nababalisa,

makapangyarihan at mulat sa lahat ng bagay.

Ang Karunungan ay laganap sa lahat ng diwang matalino, matalas at dalisay.

24Sapagkat ang Karunungan ay mas mabilis kaysa anumang kumikilos,

at dahil sa kanyang kadalisayan, siya'y laganap sa lahat ng bagay.

25Siya ay tilamsik ng kapangyarihan ng Diyos,

maningning na silahis ng kanyang kaluwalhatian.

Kaya walang marumi na makalalapit sa kanya.

26Siya ay sinag ng walang hanggang liwanag,

salaming nagpapakita ng mga gawa at kabutihan ng Diyos.

27Bagama't nag-iisa ang Karunungan, magagawa niya ang lahat ng bagay,

at bagaman siya'y hindi nagbabago, nababago niya ang lahat ng bagay.

Sa lahat ng salinlahi, siya'y nananahan sa mga banal,

at ang mga ito'y ginagawa niyang mga propeta at mga kaibigan ng Diyos.

28Walang pinakamamahal ang Diyos nang higit pa sa mga taong nalulugod sa Karunungan.

29Ang Karunungan ay mas maganda kaysa araw,

higit ang kagandahan kaysa mga bituin, at higit pa sa liwanag.

30Sapagkat ang liwanag ay napapalitan ng dilim,

ngunit ang Karunungan ay di malulupig ng masama kailanman.

New Testament © 2012 Philippine Bible Society Old Testament © 2005 Philippine Bible Society
Published by: Philippine Bible Society