MGA AWIT 123

Ang panalangin na umaasa sa tulong ng Panginoon. Awit sa mga Pagsampa.

1Sa iyo'y aking itinitingin ang mga mata ko,[#Awit 121:1.]

Oh sa iyo na nauupo sa mga langit.

2Narito, kung paanong tumitingin ang mga mata ng mga alipin sa kamay ng kanilang panginoon,

Kung paano ang mga mata ng alilang babae sa kamay ng kaniyang panginoong babae;

Gayon tumitingin ang mga mata namin sa Panginoon naming Dios,

Hanggang sa siya'y maawa sa amin.

3Maawa ka sa amin, Oh Panginoon, maawa ka sa amin:

Sapagka't kami ay lubhang lipos ng kadustaan.

4Ang aming kaluluwa'y lubhang lipos

Ng duwahagi ng mga tiwasay.

At ng paghamak ng palalo.

Ang Biblia © Philippine Bible Society, 1982
Published by: Philippine Bible Society