MGA AWIT 143

Panalangin upang iligtas at akayin. Awit ni David.

1Dinggin mo ang dalangin ko Oh Panginoon; pakinggan mo ang aking mga pamanhik:

Sa iyong pagtatapat ay sagutin mo ako, at sa iyong katuwiran.

2At huwag kang masok sa kahatulan na kasama ng iyong lingkod;[#Job 14:3.]

Sapagka't sa iyong paningin ay walang taong may buhay na aariing ganap.

3Sapagka't pinagusig ng kaaway ang kaluluwa ko;

Kaniyang sinaktan ang aking buhay ng lugmok sa lupa:

Kaniyang pinatahan ako sa mga madilim na dako, gaya ng mga namatay nang malaon.

4Kaya't ang aking diwa ay nanglulupaypay sa loob ko;

Ang puso ko sa loob ko ay bagbag.

5Aking naaalaala ang mga araw ng una;[#Awit 77:11.]

Aking ginugunita ang lahat mong mga gawa:

Aking binubulay ang gawa ng iyong mga kamay.

6Iginawad ko ang aking mga kamay sa iyo:[#Job 11:13.]

Ang aking kaluluwa ay nananabik sa iyo, na parang uhaw na lupain. (Selah)

7Magmadali kang sagutin mo ako, Oh Panginoon; ang diwa ko'y nanglulupaypay:

Huwag mong ikubli ang iyong mukha sa akin;

Baka ako'y maging gaya nila na nagsibaba sa hukay.

8Iparinig mo sa akin ang iyong kagandahang-loob sa kinaumagahan;[#Awit 5:3.]

Sapagka't sa iyo ako tumitiwala:

Ipabatid mo sa akin ang daan na aking dapat lakaran;

Sapagka't itinaas ko ang aking kaluluwa sa iyo.

9Iligtas mo ako, Oh Panginoon, sa aking mga kaaway:

Tumatakas ako sa iyo upang ikubli mo ako.

10Turuan mo akong gumawa ng iyong kalooban;[#Awit 25:4, 5.]

Sapagka't ikaw ay aking Dios:

Ang iyong Espiritu ay mabuti;

Patnubayan mo ako sa lupain ng katuwiran.

11Buhayin mo ako, Oh Panginoon, dahil sa iyong pangalan:[#Awit 25:11; 71:20.]

Sa iyong katuwiran ay ilabas mo ang aking kaluluwa sa kabagabagan,

12At sa iyong kagandahang-loob ay ihiwalay mo ang aking mga kaaway,[#Awit 54:5.]

At lipulin mo ang lahat na nagsisidalamhati sa aking kaluluwa;

Sapagka't ako'y iyong lingkod.

Ang Biblia © Philippine Bible Society, 1982
Published by: Philippine Bible Society