MGA AWIT 16

Ang Panginoon ay bahagi ng buhay ng mangaawit at tagapagligtas sa kamatayan. Awit ni David.

1Ingatan mo ako, Oh Dios; sapagka't sa iyo nanganganlong ako.

2Oh kaluluwa ko , iyong sinabi sa Panginoon, Ikaw ay aking Panginoon:

Ako'y walang kabutihan liban sa iyo.

3Tungkol sa mga banal na nangasa lupa,

Sila ang maririlag na mga kinalulugdan kong lubos.

4Ang mga kalumbayan nila ay dadami, na nangaghahandog sa ibang dios:

Ang kanilang inuming handog na dugo ay hindi ko ihahandog,

Ni sasambitin man ang kanilang mga pangalan sa aking mga labi.

5Ang Panginoon ay siyang bahagi ng aking mana at ng aking saro:[#Deut. 32:9; Panag. 3:24.; #Awit 23:5.]

Iyong inaalalayan ang aking kapalaran.

6Ang pising panukat ay nangahulog sa akin sa mga maligayang dako;

Oo, ako'y may mainam na mana.

7Aking pupurihin ang Panginoon na nagbibigay sa akin ng payo:

Oo, tinuturuan ako sa gabi ng aking puso.

8Aking inilagay na lagi ang Panginoon sa harap ko:[#Awit 119:30; Gawa 2:25-28.]

Sapagka't kung siya ay nasa aking kanan, hindi ako makikilos.

9Kaya't ang aking puso ay masaya, at ang aking kaluwalhatian ay nagagalak:

Ang akin namang katawan ay tatahang tiwasay.

10Sapagka't hindi mo iiwan ang aking kaluluwa sa Sheol;[#Gawa 13:35.; #Awit 30:3.]

Ni hindi mo man titiisin ang iyong banal ay makakita ng kabulukan.

11Iyong ituturo sa akin ang landas ng buhay:[#Mat. 7:14.]

Nasa iyong harapan ang kapuspusan ng kagalakan;

Sa iyong kanan ay may mga kasayahan magpakailan man.

Ang Biblia © Philippine Bible Society, 1982
Published by: Philippine Bible Society