MGA AWIT 3

Panalangin sa umaga ng pagtitiwala sa Panginoon. 2 Sam. 15:14-1729Awit ni David nang siya'y tumakas kay Absalom na kaniyang anak.

1Panginoon, ano't ang aking mga kaaway ay nagsisidami![#2 Sam. 15:12.]

Marami sila na nagsisibangon laban sa akin.

2Marami ang nagsasabi sa aking kaluluwa:

Walang tulong sa kaniya ang Dios. (Selah)

3Nguni't ikaw, Oh Panginoon ay isang kalasag sa palibot ko:[#Gen. 15:1; Awit 28:7.]

Aking kaluwalhatian; at siyang tagapagtaas ng aking ulo.

4Ako'y dumadaing ng aking tinig sa Panginoon,

At sinasagot niya ako mula sa kaniyang banal na bundok. (Selah)

5Ako'y nahiga, at natulog;[#Awit 4:8.]

Ako'y nagising; sapagka't inaalalayan ako ng Panginoon.

6Ako'y hindi matatakot sa sangpung libo ng bayan,[#Awit 37:3.]

Na nagsihanda laban sa akin sa buong palibot.

7Bumangon ka, Oh Panginoon; iligtas mo ako, Oh aking Dios:

Sapagka't iyong sinampal ang lahat ng aking mga kaaway;

Iyong binungal ang mga ngipin ng masasama.

8Pagliligtas ay ukol sa Panginoon:[#Awit 37:39.]

Sumaiyong bayan nawa ang iyong pagpapala. (Selah)

Ang Biblia © Philippine Bible Society, 1982
Published by: Philippine Bible Society