MGA AWIT 62

Sa Pangulong Manunugtog; ayon sa paraan ni Jeduthun. Awit ni David.

1Sa Dios lamang naghihintay ng tahimik ang aking kaluluwa:[#Awit 33:20.]

Sa kaniya galing ang aking kaligtasan.

2Siya lamang ang aking kanlungan at aking kaligtasan:

Siya ang aking matayog na moog; hindi ako lubhang makikilos.

3Hanggang kailan maghahaka kayo ng masama laban sa isang tao.

Upang patayin siya ninyong lahat,

Na gaya ng pader na tumagilid, o bakod na nabubuwal?

4Sila'y nagsisisangguni lamang upang ibagsak siya sa kaniyang karilagan;

Sila'y natutuwa sa mga kasinungalingan:

Sila'y nagsisibasbas ng kanilang bibig, nguni't nanganunumpa sa loob. (Selah)

5Kaluluwa ko, maghintay kang tahimik sa Dios lamang;

Sapagka't ang aking pagasa ay mula sa kaniya.

6Siya lamang ang aking malaking bato at aking kaligtasan:

Siya'y aking matayog na moog; hindi ako makikilos.

7Nasa Dios ang aking kaligtasan at aking kaluwalhatian;[#Jer. 3:23.]

Ang malaking bato ng aking kalakasan, at ang kanlungan ko'y nasa Dios.

8Magsitiwala kayo sa kaniya buong panahon, kayong mga bayan;

Buksan ninyo ang inyong dibdib sa harap niya;

Dios ay kanlungan sa atin. (Selah)

9Tunay na walang kabuluhan ang mga taong may mababang kalagayan, at ang mga taong may mataas na kalagayan ay kabulaanan:[#Awit 39:5; Rom. 3:4.]

Sa mga timbangan ay sasampa sila;

Silang magkakasama ay lalong magaan kay sa walang kabuluhan.

10Huwag kang tumiwala sa kapighatian,

At huwag maging walang kabuluhan sa pagnanakaw:

Kung ang mga kayamanan ay lumago, huwag ninyong paglalagakan ng inyong puso.

11Ang Dios ay nagsalitang minsan,[#Job 33:14.]

Makalawang aking narinig ito;

Na ang kapangyarihan ay ukol sa Dios:

12Sa iyo naman, Oh Panginoon, ukol ang kagandahang-loob:[#Awit 26:16.]

Sapagka't ikaw ay nagbabayad sa bawa't tao ayon sa kaniyang gawa.

Ang Biblia © Philippine Bible Society, 1982
Published by: Philippine Bible Society