The chat will start when you send the first message.
1Ikiling mo ang iyong pakinig, Oh Panginoon, at sagutin mo ako;
Sapagka't ako'y dukha at mapagkailangan.
2Ingatan mo ang aking kaluluwa; sapagka't ako'y banal:[#Awit 50:5.]
Oh ikaw na Dios ko, iligtas mo ang iyong lingkod na tumitiwala sa iyo.
3Maawa ka sa akin, Oh Panginoon,[#Awit 56:1.]
Sapagka't sa iyo'y dumadaing ako buong araw.
4Bigyan mong galak ang kaluluwa ng iyong lingkod;
Sapagka't sa iyo, Oh Panginoon, itinataas ko ang aking kaluluwa.
5Sapagka't ikaw, Panginoon, ay mabuti, at mapagpatawad,
At sagana sa kagandahang-loob sa lahat na tumatawag sa iyo.
6Dinggin mo, Oh Panginoon, ang aking dalangin;[#Awit 55:1, 2.]
At pakinggan mo ang tinig ng aking mga pananaing.
7Sa kaarawan ng aking kabagabagan ay tatawag ako sa iyo;[#Awit 77:2.]
Sapagka't iyong sasagutin ako.
8Walang gaya mo sa gitna ng mga dios, Oh Panginoon;[#Ex. 15:11.]
Wala mang mga gawang gaya ng iyong mga gawa.
9Lahat ng mga bansa na iyong nilalang ay magsisiparito, at magsisisamba sa harap mo, Oh Panginoon;[#Awit 22:31; Is. 66:18; Apoc. 15:4.]
At kanilang luluwalhatiin ang iyong pangalan.
10Sapagka't ikaw ay dakila, at gumagawa ng kagilagilalas na mga bagay:
Ikaw na magisa ang Dios.
11Ituro mo sa akin ang iyong daan, Oh Panginoon; lalakad ako sa iyong katotohanan:[#Awit 27:11.; #Awit 26:3.]
Ilakip mo ang aking puso sa pagkatakot sa iyong pangalan.
12Pupurihin kita, Oh Panginoon kong Dios ng aking buong puso;
At luluwalhatiin ko ang iyong pangalan magpakailan man.
13Sapagka't dakila ang iyong kagandahang-loob sa akin;
At iyong iniligtas ang aking kaluluwa sa pinakamalalim na Sheol.
14Oh Dios, ang palalo ay bumangon laban sa akin,[#Awit 54:3.]
At ang kapisanan ng mga marahas na tao ay umusig ng aking kaluluwa,
At hindi inilagay ka sa harap nila.
15Nguni't ikaw, Oh Panginoon, ay Dios na puspos ng kahabagan at mapagbiyaya,[#Ex. 34:6.]
Banayad sa pagkagalit, at sagana sa kagandahang-loob at katotohanan.
16Oh bumalik ka sa akin, at maawa ka sa akin;[#Awit 25:16.]
Ibigay mo ang lakas mo sa iyong lingkod.
At iligtas mo ang anak ng iyong lingkod na babae.
17Pagpakitaan mo ako ng tanda sa ikabubuti:[#Neh. 5:19; 13:31.]
Upang mangakita nilang nangagtatanim sa akin, at mangapahiya,
Sapagka't ikaw, Panginoon, ay tumulong sa akin, at umaliw sa akin.