2 Mga Taga-Corinto 8

Ang Pagtulong sa mga Lingkod ng Diyos

1Ngayon mga kapatid, nais kong malaman ninyo ang ginawa ng mga iglesya sa Macedonia dahil sa biyaya ng Diyos sa kanila.

2Sa gitna ng matinding kahirapang dinanas nila, nag-uumapaw ang kanilang kaligayahan at mula sa kanilang labis na paghihikahos, bukás-palad ang kanilang pagbibigay.

3Makapagpapatotoo ako sa inyo na kusang-loob silang nagbigay at higit pa nga sa kanilang makakaya.

4Sapagkat sila na mismo ang paulit-ulit na nakiusap sa amin na bigyan sila ng pagkakataong makatulong sa mga mananampalataya.

5At higit pa nga sa aming inaasahan ang kanilang ginawa, dahil una sa lahat, inialay nila ang kanilang mga sarili sa Panginoon at sa amin, ayon sa kalooban ng Diyos.

6Dahil sa kanilang ginawa ay pinakiusapan namin si Tito na bumalik sa inyo, at tapusin ang inumpisahan niyang pangongolekta ng inyong tulong.

7Nangunguna kayo sa lahat ng bagay: sa pananampalataya, sa pananalita, sa kaalaman, sa kasipagan, sa sigasig, at sa pagmamahal ninyo sa amin. Kaya gusto naming manguna rin kayo sa pagbibigay.

8Hindi sa inuutusan ko kayo; sinasabi ko lamang sa inyo ang ginagawang pagtulong ng iba para subukin kung tunay ang inyong pagmamahal.

9Sapagkat alam naman ninyo ang biyayang ipinakita ng ating Panginoong Hesu-Kristo, na kahit mayaman siya ay nagpakadukha siya alang-alang sa atin, upang sa pamamagitan ng kanyang kahirapan ay maging mayaman tayo.

10Kaya ito ang maipapayo ko sa inyo: Makabubuti kung ipagpapatuloy ninyo ang sinimulan ninyong pagbibigay noong nakaraang taon. Kayo ang unang nakaisip nito, at kayo rin ang unang nagsagawa.

11Kaya ituloy ninyo ito! Pagsikapan ninyong tapusin ang gawain na masigasig ninyong sinimulan, at magbigay kayo sa abot ng inyong makakaya.

12Sapagkat kung kusang-loob ang inyong pagbibigay, tatanggapin ng Diyos ang anumang makayanan ninyo. Hindi niya kayo pinagbibigay nang hindi ninyo kaya.

13Hindi ko sinasabi na magbigay kayo upang guminhawa ang iba at kayo naman ang maghirap, kundi para magkaroon ng pagkakapantay-pantay.

14Sa ngayon ay masagana kayo, kaya nararapat lamang na tulungan ninyo ang nangangailangan. Sa panahon na kayo naman ang mangailangan, at sila ang masagana, sila naman ang tutulong sa inyo. Sa gayon, magkakaroon nga ng pagkakapantay-pantay.

15Ayon nga sa Kasulatan:

“Ang nagtipon ng marami ay hindi sumobra,

at ang nagtipon ng kaunti ay hindi naman kinulang.”

Naipadala si Tito para Tanggapin ang Tulong

16Nagpapasalamat kami sa Diyos na ipinadama niya sa puso ni Tito ang pagmamalasakit sa inyo na tulad ng pagmamalasakit namin sa inyo.

17Sapagkat hindi lang siya sumang-ayon sa aming pakiusap, kundi siya na rin mismo ang may gustong pumunta diyan.

18Pasasamahin namin sa kanya ang isa sa mga kapatid natin na kilala sa lahat ng iglesya dahil sa paglilingkod niya para sa Magandang Balita.

19Hindi lang iyan, siya rin ang pinili ng mga iglesya na sumáma sa amin para magdala ng tulong sa mga nangangailangan, nang sa ganoon ay maparangalan ang Panginoon at maipakita namin na talagang gusto naming makatulong.

20Nais naming maiwasang may masabi ang iba tungkol sa pangangasiwa namin sa malaking tulong na ito.

21Sapagkat sinisikap naming gawin ang tama, hindi lamang sa paningin ng Panginoon, kundi maging sa paningin ng tao.

22Kasama nila sa pagpunta dʼyan ang isa pang kapatid, na subok na namin sa maraming bagay at nakita namin ang kanyang sigasig sa pagtulong. At higit pa nga ang kanyang sigasig ngayon, dahil napakalaki ng tiwala niya sa inyo.

23Tungkol naman kay Tito, siya ang kasama at katulong ko sa aking mga gawain diyan sa inyo. Tungkol naman sa ibang mga kapatid, sila ang mga kinatawan ng mga iglesya. Ang kanilang pamumuhay ay isang karangalan para kay Kristo.

24Kaya ipakita ninyo sa kanila ang inyong pagmamahal upang mapatunayan nilang totoo ang pagmamalaki namin sa inyo, at sa gayoʼy malaman din ito ng ibang iglesya.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.