1Noong panahon ng paghahari ni Jehoiakim, nilusob ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia ang Juda at sa loob ng tatlong taon napasailalim sa kanyang pamamahala si Jehoiakim. Pero sa huli nagrebelde siya kay Nebucadnezar.
2Ipinadala ng Panginoon ang mga taga-Babilonia, taga-Aram, taga-Moab at Amonita para lusubin ang Juda, ayon sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng mga lingkod niyang propeta.[#24:2 : Sa literal, Caldeo. Ito ang tawag sa mga taga-Babilonia.]
3Nangyari ito sa Juda ayon sa iniutos ng Panginoon , para mapalayas niya ang mga ito sa harapan niya, dahil sa mga kasalanang ginawa ni Manases.
4Ang pagpatay niya sa mga inosenteng tao at ang pagdanak ng dugo nito sa Jerusalem ay hindi mapapatawad ng Panginoon .
5Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jehoiakim, at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda.
6Nang mamatay si Jehoiakim, ang anak niyang si Jehoiakin ang pumalit sa kanya bilang hari.
7Hindi na muling lumusob ang hari ng Ehipto, dahil sinakop ng hari ng Babilonia ang lahat ng teritoryo nito, mula sa Lambak ng Ehipto hanggang sa Ilog Eufrates.
8Si Jehoiakin ay labingwalong taóng gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya sa loob ng tatlong buwan. Ang ina niya ay si Nehusta na taga-Jerusalem at anak ni Elnatan.
9Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon katulad ng ginawa ng ama niyang si Jehoiakim.
10Nang panahon ng paghahari niya, ang mga opisyal ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia ay lumusob sa lungsod ng Jerusalem at pinalibutan ito.
11Pumunta si Nebucadnezar sa Jerusalem habang pinalilibutan ng kanyang mga tauhan ang buong lungsod.
12At sumuko sa kanya si Haring Jehoyakin kasama ang kanyang ina, mga lingkod, mga tanyag na tao at mga opisyal.
Noong ikawalong taon ng paghahari ni Nebucadnezar sa Babilonia, binihag niya si Jehoiakin.
13Ayon sa sinabi noon ng Panginoon , kinuha ni Nebucadnezar ang lahat ng kayamanan sa Templo ng Panginoon at sa palasyo, at ang lahat ng gintong kagamitan na ipinagawa ni Haring Solomon ng Israel para sa Templo ng Panginoon .
14At binihag niya ang sampung libong naninirahan sa Jerusalem, kasama ang lahat ng opisyal, pinakamahuhusay na sundalo, lahat ng mahuhusay na manggagawa at mga panday. Ang pinakamahihirap na tao lang ang natira.
15Binihag ni Nebucadnezar si Jehoiakin sa Babilonia, pati ang kanyang ina, mga asawa, mga opisyal at ang mga tanyag na tao sa Juda.
16Binihag din ni Nebucadnezar ang pitong libong pinakamatatapang na sundalo, isang libong mahuhusay na manggagawa at mga panday na mga sundalo rin.
17Ang ipinalit niya bilang hari ay si Matanias na tiyuhin ni Jehoyakin. At pinalitan niya ang pangalan ni Matanias na Zedequias.
18Si Zedequias ay dalawampuʼt isang taóng gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng labing-isang taon. Ang ina niya ay si Hamutal na taga-Libna at anak ni Jeremias.
19Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon katulad ng ginawa ni Jehoiakim.
20Sa galit ng Panginoon , pinalayas niya sa harapan niya ang mga taga-Jerusalem at taga-Juda.
Nagrebelde si Zedequias sa hari ng Babilonia.