1Makalipas ang limang araw, pumunta sa Cesarea ang punong pari na si Ananias. Kasama niya ang ilang pinuno ng mga Hudyo at ang abogadong si Tertulo. Humarap sila kay Gobernador Felix at sinabi nila sa kanya ang kanilang akusasyon laban kay Pablo.
2Pagkatawag kay Pablo, inumpisahan ni Tertulo ang pag-aakusa sa kanya. Sinabi niya, “Kagalang-galang na Gobernador, dahil sa inyong magandang pamamalakad, naging mapayapa ang aming bansa. At maraming pagbabagong naganap na nakabuti sa aming bansa.
3Kaya lubos ang pasasalamat namin sa inyo, kagalang-galang na Felix, at hindi namin ito makakalimutan.
4Ngayon, hindi namin gustong maabala kayo, kaya nakikiusap po ako sa inyong kagandahang-loob na pakinggan ninyo ang maikli naming salaysay.”
5“Nakita namin na ang taong itoʼy nakakaperwisyo. Nagdadala siya ng kaguluhan sa mga Hudyo sa buong mundo, at namumuno siya sa sekta na tinatawag na Nazareno.
6Kahit ang Templo namin ay tinangka niyang dungisan kaya hinuli namin siya. [Hahatulan na sana namin siya ayon sa aming Kautusan,
7ngunit dumating ang kumander na si Lisias at sapilitan niyang kinuha sa amin si Pablo.
8At sinabi niya na kung sino ang may akusasyon laban kay Pablo ay kinakailangang pumunta sa inyo.] Kung iimbestigahan nʼyo ang taong ito, malalaman nʼyo ang lahat ng akusasyon namin sa kanya.”[#24:8 Wala ang talata 6b-8a|ACT 24:6‑8 sa ilang manuskrito.]
9At sinang-ayunan din ng mga Hudyo ang lahat ng sinabi ni Tertulo.
10Sinenyasan ng gobernador si Pablo na siya naman ang magsalita. Kaya nagsalita si Pablo, “Alam kong matagal na po kayong naging hukom sa bansang ito. Kaya ikinagagalak kong ipagtanggol ang aking sarili sa inyong harapan.
11Kung mag-iimbestiga kayo, malalaman ninyo na halos labindalawang araw na ang lumipas nang dumating ako sa Jerusalem para sumamba.
12Kailanmaʼy hindi ako nakita ng mga Hudyong ito na nakikipagdiskusyon kahit kanino o kayaʼy nanggugulo sa Templo o sa sinagoga, o kahit saan sa lungsod.
13Hindi nga po nila mapatunayan sa inyo na totoo ang kanilang akusasyon sa akin.
14Subalit, inaamin kong sinasamba ko ang Diyos ng aming mga ninuno bilang alagad ng Daan na itinuturing nilang kulto. Pinaniniwalaan ko ang lahat ng nakasaad sa Kautusan at sa isinulat ng mga Propeta.
15Ang pag-asa ko sa Diyos ay katulad din ng pag-asa nila, na ang lahat ng tao, mabuti man o masama, ay muli niyang bubuhayin.
16Kaya pinagsisikapan ko na laging maging malinis ang aking konsensiya sa harapan ng Diyos at ng mga tao.
17“Pagkalipas ng ilang taóng wala po ako sa Jerusalem, bumalik po ako doon upang magdala ng tulong para sa aking mahihirap na kababayan, at upang mag-alay ng handog.
18At nadatnan nila ako doon sa Templo na naghahandog matapos kong gawin ang seremonya ng paglilinis. Wala akong kasamang maraming tao, at wala ring kaguluhan.
19Ngunit may mga Hudyo roon na galing sa lalawigan ng Asia. Sila sana ang dapat humarap sa inyo kung talagang may akusasyon sila laban sa akin.
20At dahil wala sila rito, ang mga tao na lang na naririto ang magsasabi kung anong kasalanan ang nakita nila sa akin nang imbestigahan ako sa harap ng Sanhedrin.
21Sapagkat wala akong ibang sinabi sa harapan nila kundi ito: ‘Inaakusahan ninyo ako ngayon dahil naniniwala ako na muling bubuhayin ang mga patay.’ ”
22Dahil sa marami nang nalalaman noon si Felix tungkol sa Daan, ipinatigil niya ang paglilitis. Sinabi niya, “Hahatulan ko lang ang kasong ito kapag dumating na rito si kumander Lisias.”
23Pagkatapos, inutusan niya ang kapitan na bantayan si Pablo ngunit huwag higpitan, at payagan ang kanyang mga kaibigan na tumulong sa mga pangangailangan niya.
24Pagkaraan ng ilang araw, bumalik si Felix kasama ang kanyang asawang si Drusila na isang Hudyo. Ipinatawag niya si Pablo at nakinig sa mga pahayag nito tungkol sa pananampalataya kay Kristo Hesus.
25Ngunit nang magpaliwanag si Pablo tungkol sa matuwid na pamumuhay, sa pagpipigil sa sarili, at tungkol sa darating na Araw ng Paghuhukom, natakot si Felix at sinabi niya kay Pablo, “Tama na muna iyan! Ipapatawag na lang kitang muli kung sakaling may pagkakataon ako.”
26Dahil umaasa siyang susuhulan siya ni Pablo, palagi niya itong ipinapatawag para makipag-usap sa kanya.
27Pagkalipas ng dalawang taon, pinalitan si Felix ni Porcio Festo bilang gobernador. At dahil sa nais ni Felix na magustuhan siya ng mga Hudyo, pinabayaan niyang nakakulong si Pablo.