The chat will start when you send the first message.
1Ang bawat pangyayari
ay may dahilan,
at ang lahat ng bagay
ay may nakatakdang oras
sa mundong ibabaw.
2May oras ng pagsilang
at may oras ng kamatayan;
may oras ng pagtatanim
at may oras ng pag-aani.
3May oras ng pagpatay
at may oras ng pagpapagaling;
may oras ng pagsira
at may oras ng pagpapatayo.
4May oras ng pagluha
at may oras ng pagtawa;
may oras ng pagluluksa
at may oras ng pagdiriwang.
5May oras ng pagkakalat ng bato
at may oras ng pagtitipon nito;
may oras ng pagsasama
at may oras ng paghihiwalay.
6May oras ng paghahanap
at may oras ng paghinto ng paghahanap;
may oras ng pagtatago
at may oras ng pagtatapon.
7May oras ng pagpunit
at may oras ng pagtahi;
may oras ng pagtahimik
at may oras ng pagsasalita.
8May oras ng pagmamahal
at may oras ng pagkagalit;
may oras ng digmaan
at may oras ng kapayapaan.
9Ano ang mapapala ng manggagawa sa kanyang pinaghirapan?
10Nakita ko ang mga gawaing itinakda ng Diyos para sa tao.
11At lahat ng ito ay itinadhana ng Diyos na mangyari sa takdang panahon. Binigyan niya tayo ng pagnanais na malaman ang hinaharap, pero hindi talaga natin mauunawaan ang mga ginawa niya mula noong simula hanggang wakas.
12Naisip ko na walang pinakamabuting gawin ang tao kundi magsaya at gumawa ng mabuti habang nabubuhay.
13Gusto ng Diyos na kumain tayo, uminom at magpakasaya sa mga pinaghirapan natin dahil ang mga bagay na itoʼy regalo niya sa atin.
14Alam kong ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay magpapatuloy magpakailanman at wala tayong maaaring idagdag o ibawas dito. Ginagawa ito ng Diyos para magkaroon tayo ng paggalang sa kanya.
15Ang mga nangyayari ngayon
at ang mga mangyayari pa lang
ay nangyari na noon.
Inuulit lang ng Diyos
ang mga pangyayari.
16Nakita ko rin na
ang kasamaan ang naghahari rito sa mundo
sa halip na katarungan at katuwiran.
17Sinabi ko sa sarili ko,
“Hahatulan ng Diyos ang matutuwid
at masasamang tao,
dahil may itinakda siyang oras
sa lahat ng bagay.”
18Sinabi ko rin sa aking sarili, “Sinusubok ng Diyos ang mga tao para ipakita sa kanila na tulad sila ng mga hayop.
19Ang kapalaran ng tao ay tulad ng sa hayop; pareho silang mamamatay. Pareho silang may hininga, kaya walang inilamang ang tao sa hayop. Talagang walang kabuluhan ang lahat!
20Iisa lang ang patutunguhan ng lahat. Lahat ay nagmula sa lupa at sa lupa rin babalik.
21Sino ang nakakaalam kung ang espiritu ng taoʼy umaakyat sa itaas at ang espiritu ng hayop ay bumababa sa ilalim ng lupa?”
22Kaya naisip ko na ang pinakamabuting gawin ng tao ay magpakasaya sa pinaghirapan niya, dahil para sa kanya iyon. Walang sinumang makapagsasabi sa kanya kung ano ang mangyayari kapag siya ay namatay.