Mga Hebreo 10

Ang Minsanang Paghahandog ni Kristo

1Ang Kautusan ay anino lamang ng mabubuting bagay na darating. Kailanman ay hindi ito nakakapagpabanal sa mga taong lumalapit sa Diyos sa pamamagitan ng mga handog na iniaalay nila taón-taón.

2Dahil kung totoong nalinis na sila nang minsan sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng mga handog, hindi na sana sila inuusig ng kanilang budhi, at hindi na nila kinailangang maghandog pa.

3Ngunit ang paghahandog na ginagawa nila taón-taón ay siya pang nagpapaalala sa mga kasalanan nila,

4dahil hindi makapag-aalis ng kasalanan ang dugo ng mga toro at kambing na inihahandog nila.

5Kaya nga, nang dumating si Kristo dito sa mundo, sinabi niya sa kanyang Ama,

“Hindi mo hinangad ang mga alay na hayop at mga handog,

sa halip, ipinaghanda mo ako ng katawang maihahandog.

6Hindi ka nasiyahan sa mga handog na sinusunog

at ng iba pang mga handog para sa kasalanan.

7Kaya sinabi ko, ‘Narito ako upang tuparin

ang kalooban mo, O Diyos,

ayon sa nakasaad sa Kasulatan tungkol sa akin.’ ”

8Una, sinabi niya, “Hindi mo hinangad ang mga alay na hayop at mga handog, pati na rin ang mga handog na sinusunog at ng iba pang mga handog para sa kasalanan. Hindi ka rin nasiyahan sa mga ito kahit na inihahandog ito ayon sa Kautusan.”

9Pagkatapos, sinabi niya sa kanyang Ama, “Nandito ako upang sundin ang kalooban mo.” Kaya inalis ng Diyos ang dating paraan ng paghahandog upang palitan ng paghahandog ni Kristo.

10At dahil sinunod ni Hesu-Kristo ang kalooban ng Diyos, nilinis niya tayo sa mga kasalanan natin sa pamamagitan ng minsanang paghahandog ng sarili niya.

11Naglilingkod ang mga pari araw-araw, at paulit-ulit na nag-aalay ng ganoon ding mga handog, na hindi naman nakapag-aalis ng kasalanan.

12Ngunit si Kristo ay minsan lamang naghandog para sa ating mga kasalanan, at hindi na ito mauulit kailanman. Pagkatapos nito, umupo na siya sa kanan ng Diyos.

13At hinihintay na lang niya ngayon ang panahong mapasuko ng Diyos ang mga kalaban niya at silaʼy maging apakan niya.

14Kaya sa pamamagitan lang ng minsanang paghahandog, ginawa niyang ganap magpakailanman ang mga hinirang niya.

15Ang Banal na Espiritu mismo ang nagpapatotoo tungkol dito. Sapagkat sinabi niya,

16“Ganito ang bagong kasunduan na gagawin ko

sa kanila sa darating na panahon, sabi ng Panginoon.

Ilalagay ko ang aking mga kautusan sa puso nila

at itatanim ko ang mga ito sa kanilang isipan.”

17Dagdag pa niya,

“Tuluyan ko nang lilimutin

ang mga kasalanan at masasamang gawa nila.”

18At dahil napatawad na ang mga kasalanan natin, hindi na natin kailangan pang maghandog para sa ating mga kasalanan.

Ang Panawagan upang Magtiyaga

19Kaya mga kapatid, malaya na tayong makakapasok sa Pinakabanal na Lugar dahil sa dugo ni Hesus.

20Sa pamamagitan ng paghahandog ng kanyang katawan, binuksan niya para sa atin ang bago at nagbibigay-buhay na daan, at ang daang itoʼy tumatagos sa tabing patungo sa Pinakabanal na Lugar. At ang daang ito ang nagdadala sa atin sa buhay na walang hanggan.

21At dahil mayroon tayong dakilang punong pari na namamahala sa pamilya ng Diyos,

22lumapit tayo sa kanya nang may tapat na puso at matatag na pananampalataya, dahil nilinis na ng dugo ni Hesus ang mga puso natin mula sa maruming pag-iisip, at nahugasan na ang mga katawan natin ng malinis na tubig.

23Magpakatatag tayo sa pag-asa natin at huwag tayong mag-alinlangan, sapagkat ang Diyos na nangako sa atin ay tapat.

24At sikapin nating mahikayat ang isaʼt isa sa pagmamahalan at sa paggawa ng kabutihan.

25Huwag nating pababayaan ang mga pagtitipon natin gaya ng nakaugalian na ng ilan. Sa halip, palakasin natin ang loob ng bawat isa, lalo na ngayong nalalapit na ang huling araw.

26Sapagkat kung sasadyain pa nating magpatuloy sa paggawa ng kasalanan pagkatapos nating malaman ang katotohanan, wala nang handog na maiaalay pa upang mapatawad ang mga kasalanan natin.

27Tanging ang kakila-kilabot na paghuhukom at nagliliyab na apoy ang naghihintay sa mga taong kumakalaban sa Diyos.

28Ipinapapatay noon nang walang awa ang lumalabag sa Kautusan ni Moises, kapag napatunayan ng dalawa o tatlong saksi ang paglabag niya.

29Gaano pa kaya kabigat ang parusang tatanggapin ng taong lumapastangan sa Anak ng Diyos at nagpawalang-halaga sa dugo na nagpatibay sa kasunduan ng Diyos at naglinis sa mga kasalanan niya? Talagang mas mabigat ang parusa sa mga taong ito na humamak sa Espiritu ng biyaya.

30Sapagkat kilala natin ang Diyos na nagsabi, “Ako ang maghihiganti; ako ang magpaparusa.” At mayroon ding nakasulat na ganito: “Hahatulan ng Panginoon ang mga taong sakop niya.”[#10:30 Deu. 32:35.; #10:30 Deu. 32:36.]

31Kakila-kilabot ang kahihinatnan ng mga hahatulan ng Diyos na buháy.

32Alalahanin nʼyo ang nakaraang panahon, noong una kayong naliwanagan. Dumaan kayo sa matinding hirap, ngunit tiniis nʼyo ito at hindi kayo nadaig.

33Kung minsan, inaalipusta kayo at inuusig sa harapan ng mga tao. At kung minsan namaʼy inaalalayan ninyo ang mga kapatid na dumaranas ng ganitong pagsubok.

34Dinadamayan ninyo ang mga kapatid na nakabilanggo. At kahit inagawan kayo ng mga ari-arian, tiniis ninyo ito nang may kagalakan dahil alam nʼyong mayroon kayong mas mainam na kayamanang hindi mawawala kailanman.

35Kaya huwag kayong mawawalan ng pananalig sa Diyos, dahil may malaking gantimpalang nakalaan para sa inyo.

36Kailangan ninyong magtiis upang masunod ninyo ang kalooban ng Diyos, at matanggap ninyo ang ipinangako niya.

37Sapagkat sinasabi ng Kasulatan:

“Sandaling panahon na lang

at darating na siya;

hindi siya magtatagal.”

38At,

“Ngunit ang taong matuwid ay mabubuhay

dahil sa kanyang pananampalataya.

Ngunit kung tumalikod siya sa akin,

hindi ko na siya kalulugdan.”

39Ngunit hindi tayo kabilang sa mga tumatalikod sa Diyos at napapahamak, kundi sa mga sumasampalataya at naliligtas.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.