Mga Hebreo 11

Ang Pananampalatayang Nakikita sa Gawa

1Ang pananampalataya ay ang katiyakang matatanggap natin ang mga bagay na ating inaasahan. At ito ay ang pagiging sigurado sa mga bagay na hindi natin nakikita.

2Dahil sa kanilang pananampalataya, ang mga ninuno natin ay kinalugdan ng Diyos.

3Dahil sa pananampalataya, alam natin na ang sanlibutan ay ginawa ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang salita. Kaya ang mga bagay na nakikita natin ay galing sa mga hindi nakikita.

4Dahil sa pananampalataya, nag-alay si Abel ng mas mabuting handog kaysa kay Cain. At dahil sa pananampalataya niya, itinuring siyang matuwid ng Diyos, dahil tinanggap ng Diyos ang handog niya. Kaya kahit patay na si Abel, may itinuturo pa rin siya sa atin sa pamamagitan ng pananampalataya niya.

5Dahil sa pananampalataya, dinala sa langit si Enoc kaya hindi niya naranasang mamatay. “Siyaʼy naglaho dahil kinuha siya ng Diyos.” Bago siya kinuha, sinasabi ng Kasulatan na nalugod ang Diyos sa kanya.[#11:5 Gen. 5:24.]

6Kung walang pananampalataya, walang sinuman ang makapagbibigay-lugod sa Diyos, sapagkat ang sinumang lumalapit sa kanya ay dapat maniwalang may Diyos at binibigyan niya ng gantimpala ang mga taong humahanap sa kanya.

7Dahil sa pananampalataya, pinakinggan ni Noe ang babala ng Diyos tungkol sa mga bagay na mangyayari kahit hindi pa niya nakikita. Kaya gumawa siya ng isang barko para mailigtas niya ang kanyang sarili at ang pamilya niya. At sa pananampalataya niya, hinatulan ang mga tao sa mundo, pero itinuring siyang matuwid ng Diyos.

8Dahil sa pananampalataya, sinunod ni Abraham ang utos ng Diyos na pumunta sa lugar na ipinangako sa kanya. Umalis siya sa bayan niya kahit hindi niya alam kung saan siya pupunta.

9Dahil din sa pananampalataya, nanirahan si Abraham sa lupaing ipinangako sa kanya ng Diyos kahit na sa tolda lang siya tumira na parang isang dayuhan. Tumira rin sa tolda ang anak niyang si Isaac at apong si Jacob, na mga tagapagmana rin ng pangako ng Diyos.

10Sapagkat ang talagang inaasahan ni Abraham ay isang lungsod na may matibay na pundasyon, na ang Diyos mismo ang nagplano at nagtayo.

11Dahil sa pananampalataya, nagkaroon ng kakayahan si Sara na magkaanak, kahit na baog siya at matanda na, dahil nanalig siya na tutuparin ng Diyos ang pangako niya.[#11:11 O Sa pamamagitan ng pananampalataya ni Abraham, siya ay nagkaroon ng kakayahang maging ama kahit na matanda na siya at baog ang asawa niyang si Sara.]

12Kaya mula kay Abraham, na parang patay na dahil matanda na siya, nagmula ang isang lahi na kasindami ng mga bituin sa langit at buhangin sa dalampasigan.

13Ang lahat ng taong itoʼy namatay na sumasampalataya. Hindi man nila natanggap ang mga pangako ng Diyos noong nabubuhay pa sila, natitiyak naman nilang darating ang araw na matatanggap nila ang kanilang hinihintay. Itinuring nilang mga dayuhan ang sarili nila at naninirahan lang sa mundong ito.

14Ang mga taong may ganitong pananaw ay nagpapahiwatig na naghahanap sila ng sariling bayan.

15Kung ang bayang iniwan nila ang iniisip nila, may pagkakataon pa silang makabalik.

16Ngunit ang hinahangad nila ay isang mas mainam na bayan, at itoʼy isang lungsod na nasa langit. Kaya hindi ikinakahiya ng Diyos na siyaʼy tawagin nilang Diyos, dahil ipinaghanda niya sila ng isang lungsod.

17-18Dahil sa pananampalataya, handang ihandog ni Abraham ang kaisa-isa niyang anak na si Isaac nang subukin siya ng Diyos. Kahit na alam niyang si Isaac ang ipinangako ng Diyos na pagmumulan ng kanyang lahi, handa pa rin niya itong ialay.[#11:17‑18 Gen. 21:12.]

19Sapagkat nanalig si Abraham na kung mamamatay si Isaac, muli siyang bubuhayin ng Diyos. At ganoon nga ang nangyari; parang bumalik sa kanya si Isaac mula sa kamatayan.

20Dahil sa pananampalataya ni Isaac, binasbasan niya sina Jacob at Esau kaugnay sa kanilang kinabukasan.

21Dahil sa pananampalataya ni Jacob, binasbasan niya ang mga anak ni Jose bago siya namatay. At sumamba siya sa Diyos habang nakatukod sa kanyang tungkod.

22Dahil sa pananampalataya ni Jose, sinabi niya noong malapit na siyang mamatay na aalis ang mga Israelita sa Ehipto, at ipinagbilin niyang dalhin nila ang mga buto niya kapag umalis na sila.

23Dahil sa pananampalataya, hindi natakot sumuway ang mga magulang ni Moises sa utos ng hari. Sapagkat nang makita nilang maganda ang sanggol, itinago nila ito sa loob ng tatlong buwan.

24Dahil sa pananampalataya, nang malaki na si Moises ay tumanggi siyang tawaging anak ng prinsesang anak ng Faraon.

25Mas ginusto niyang makibahagi sa paghihirap na dinaranas ng bayan ng Diyos kaysa lasapin ang mga panandaliang kaligayahan na dulot ng kasalanan.

26Itinuring niyang mas mahalaga ang maalipusta para kay Kristo kaysa sa mga kayamanan ng Ehipto, dahil nakatuon ang kanyang paningin sa gantimpalang inaasam niya.

27Dahil sa pananampalataya, iniwan ni Moises ang Ehipto at hindi siya natakot kahit na magalit ang hari sa kanya. Nanindigan siya dahil parang nakita niya ang Diyos na hindi nakikita.

28Dahil sa pananampalataya, sinimulan niya ang pagdaraos ng Pista ng Paglampas ng Anghel. Inutusan niya ang mga Israelita na pahiran ng dugo ng tupa ang mga pintuan nila, upang maligtas ang mga panganay nila sa anghel na papatay sa mga panganay ng mga Ehipsiyo.

29Dahil sa pananampalataya, nakatawid ang mga Israelita sa Dagat na Pula na parang dumadaan sa tuyong lupa. Ngunit nang sinubukang tumawid ng mga humahabol na Ehipsiyo, nalunod sila.

30Dahil sa pananampalataya, gumuho ang mga pader ng Jerico matapos itong ikutan ng mga Israelita sa loob ng pitong araw.

31Dahil sa pananampalataya, tinulungan ni Rahab na babaeng bayaran ang mga espiya at hindi siya pinatay kasama ng mga kababayan niyang suwail sa Diyos.

32Kailangan ko pa bang magbigay ng maraming halimbawa? Kakapusin ako ng panahon kung iisa-isahin ko pa ang mga ginawa nina Gideon, Barak, Samson, Jefta, David, Samuel, at ng iba pang mga propeta.

33Dahil sa pananampalataya nila, nilupig nila ang mga kaharian, namahala sila nang may katarungan, at tinanggap nila ang mga ipinangako ng Diyos. Dahil sa pananampalataya nila, hindi sila ginalaw ng mga leon,

34hindi sila napaso sa nagliliyab na apoy, at nakaligtas sila sa kamatayan sa pamamagitan ng espada. Ang iba sa kanilaʼy mahihina, pero pinalakas sila ng Diyos. At naging makapangyarihan sila sa digmaan at nilupig ang mga dayuhang hukbo.

35May mga babae namang dahil sa pananampalataya ay natanggap ang mga anak nilang muling nabuhay. Ang iba namang sumasampalataya sa Diyos ay pinahirapan hanggang sa mamatay. Tinanggihan nila ang alok na kalayaan kapalit ng pagtalikod nila sa kanilang pananampalataya dahil nalalaman nilang darating ang araw na bubuhayin sila ng Diyos at matatanggap nila ang mas mabuting gantimpala.

36Ang iba naman ay dumanas ng mga panlalait at panghahagupit dahil sa pananampalataya nila, at ang iba ay ikinadena at ibinilanggo.

37May mga iba namang pinagbabato hanggang mamatay, may mga nilagari hanggang mahati ang katawan nila, at mayroon ding pinatay sa espada. Ang ilan sa kanila ay nagdamit na lang ng balat ng tupa at kambing. Naranasan nilang maghikahos, usigin at apihin.

38Nagtago sila sa mga ilang, mga kabundukan, mga kuweba at mga lungga sa lupa. Hindi karapat-dapat ang mundong ito para sa kanila.

39Lahat ng mga taong ito ay kinalugdan ng Diyos dahil sa kanilang pananampalataya, ngunit hindi muna nila natanggap ang ipinangako ng Diyos sa kanila.

40Itoʼy dahil may mas mabuting plano ang Diyos para sa atin, dahil nais niyang makasama nila tayo kapag tinupad na niya ang ipinangako niya sa kanila.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.