The chat will start when you send the first message.
1Umaasa ang Israel[#12:1 : Sa Hebreo, Efraim. Tingnan ang talababa sa 4:17.]
sa mga bagay na walang kabuluhan.
Maghapon niyang hinahabol
ang mga bagay na nagpapalala
sa kanilang kasinungalingan
at karahasan.
Nakikipagkasundo siya sa Asiria,
at nagpapadala sa Ehipto
ng langis ng olibo.
2May mga paratang ang Panginoon
laban kay Juda.
Parurusahan niya ang lahi ni Jacob
ayon sa kanilang mga asal;
gagantihan niya sila
ayon sa kanilang mga gawa.
3Noong si Jacob
ay nasa sinapupunan pa lamang,
nais na niyang lampasan
ang kanyang kakambal.
At noong lumaki na siya,
nakipagbuno siya sa Diyos.
4Oo, nakipagbuno siya
sa isang anghel,
at nagtagumpay siya.
Umiiyak siya habang nagmamakaawa
pagpalain siya ng anghel.
Nakita niya ang Diyos sa Betel,
at doon nakipag-usap
ang Diyos sa kanya.
5Siya ang Panginoong Diyos
ng mga Hukbo.
Panginoon ang kanyang pangalan.
6Kaya kayong mga lahi ni Jacob,
magbalik-loob na kayo sa Diyos
at ipakita ninyo ang pag-ibig
at katarungan.
At patuloy kayong magtiwala sa kanya.
7Mahilig mandaya
ang mga negosyante ninyo.
Gumagamit sila
ng mga timbangang may daya.
8Nagyayabang pa
kayong mga taga-Israel
at sinasabing,
“Nakapag-ipon kami ng kayamanan
at napakayaman
na namin ngayon.
Walang makapagsasabing yumaman kami
sa masamang paraan,
dahil kasalanan ang gawin iyon.”
9“Kaya ako,
ang Panginoon ninyong Diyos
na naglabas sa inyo sa Ehipto,
ay nagsasabi:
‘Patitirahin ko kayong muli sa mga kubol
katulad ng ginagawa ninyo
taon-taon sa Pista ng Kubol.’
10Nakipag-usap ako sa mga propeta
at binigyan ko sila
ng maraming pangitain.
Sa pamamagitan nila,
nagbabala ako sa inyo
na mapapahamak kayo.”
11Ngunit ang mga taga-Gilead
ay nagpapatuloy
sa kanilang kasamaan,
at sila ay naging walang kabuluhan.
At ang mga taga-Gilgal naman
ay naghahandog ng mga toro
sa kanilang mga diyos-diyosan.
Kaya gigibain ang kanilang mga altar
at itoʼy magiging bunton ng mga bato
na kinuha sa inararong bukirin.
12Tumakas si Jacob
at pumunta sa Aram
at doon naglingkod
bilang pastol
upang magkaasawa.
13Sa pamamagitan ng propetang si Moises,
inilabas kayong mga Israelita sa Ehipto
at inalagaan ng Panginoon .
14Dahil marami kayong pinatay,
ginalit ninyo ako
na inyong Panginoon.
Kaya parurusahan ko kayo
at pagbabayarin sa paglapastangan
ninyo sa akin.