Hoseas 13

Ang Poot ng Diyos laban sa Israel

1“Noong una,

kapag nagsalita ang lahi ni Efraim,

nanginginig sa takot

ang ibang mga lahi ng Israel

dahil tinitingala nila ang lahi ni Efraim.

Ngunit nagkasala

ang mga mamamayan nito

dahil sumamba sila

sa diyos-diyosang si Baal.

Kaya nga namatay sila.

2Hanggang ngayon

ay patuloy pa rin kayo

sa paggawa ng kasalanan.

Gumagawa kayo ng mga diyos-diyosan

mula sa inyong mga pilak

upang sambahin.

Ngunit ang lahat ng ito

ay gawa lamang ng tao

at ayon lang sa kanyang naisip.

Sinasabi pa ninyo

na maghahandog kayo ng tao

sa mga diyos-diyosang baka

at hahalik sa mga ito.

3Kaya mawawala kayo gaya ng ulap

sa umaga o hamog,

o gaya ng ipa

sa giikan na tinatangay ng hangin

o ng usok na lumalabas sa pausukan.

4“Ako ang Panginoon

na inyong Diyos

na naglabas sa inyo sa Ehipto.

Wala kayong kikilalaning Diyos

at Tagapagligtas maliban sa akin.

5Kinalinga ko kayo doon sa disyerto,

sa lupaing tuyot at walang tubig.

6Ngunit pagkatapos ko kayong

pagpalain at paunlarin,

naging mapagmataas kayo

at kinalimutan na ninyo ako.

7-8Kaya sasalakayin ko kayo

at lalapain tulad ng ginagawa

ng mabangis na hayop

sa kanyang biktima.

Lalapain ko kayo

gaya ng ginagawa ng leon

at ng osong inagawan ng anak.

Babantayan ko kayo sa daan

at sasalakayin tulad

ng hayop na leopardo.

9“Pupuksain ko kayong mga taga-Israel

dahil ako na nagligtas sa inyo

ay kinalaban ninyo.

10-11Nasaan na ngayon ang mga hari

at mga pinuno na sa tingin ninyoʼy

magliligtas sa inyo?

Hiningi ninyo sila sa akin

sa pag-aakalang maliligtas nila kayo,

at sa galit ko sa inyoʼy ibinigay ko

nga ang mga ito,

at dahil din sa galit ko,

silaʼy kinuha ko.

12Hindi ko makakalimutan

ang mga kasalanan ninyo.

Katulad ang mga ito

ng kasulatang binalot at itinago.

13Binigyan ko kayo

ng pagkakataong magbagong-buhay

subalit tinanggihan ninyo ito

sapagkat mga mangmang kayo.

Para kayong mga sanggol

na ayaw lumabas

sa sinapupunan ng kanyang ina

sa panahon na

dapat na siyang lumabas.

14“Hindi ko kayo ililigtas sa kamatayan.

Sa halip sasabihin ko sa kamatayan,

‘O kamatayan,

nasaan ang iyong mga salot?

Nasaan ang iyong kapahamakan

na papatay sa kanila?’

“Hinding-hindi ko kayo kahahabagan.

15Kahit na mas maunlad kayo

kaysa sa inyong kapwa,

lilipulin ko kayo.

Paiihipin ng Panginoon

ang mainit na hanging silangan

na nagmumula sa disyerto

at matutuyo ang inyong

mga bukal at mga balon,

at sasamsamin

ang inyong mahahalagang ari-arian.

16Dapat pasanin ng mga taga-Samaria

ang kanilang pagkakasala

dahil naging suwail sila

sa akin na kanilang Diyos.

Mamamatay sila sa digmaan;

ang kanilang mga sanggol

ay dudurugin,

at ang tiyan ng kanilang mga buntis

ay lalaslasin.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.