1Kaaawaan ng Panginoon muli ang sambahayan ni Jacob
at muling pipiliin ang bayang Israel.
Muli niyang patitirahin ang mga ito
sa sarili nilang lupain.
Mayroon ding mga dayuhang
makikisama sa kanila
at maninirahang kasama
ang mga lahi ni Jacob.
2Tutulungan ng ibang bansa ang Israel
para makabalik sila
sa lupaing ibinigay sa kanila.
Ngunit sasakupin sila ng Israel
at magiging alipin silang mga dayuhan sa
lupain ng Panginoon
Bibihagin nila ang mga bumihag
sa kanila noon,
at sasakupin nila ang mga umapi
sa kanila.
3Sa araw na kayoʼy bibigyan ng ginhawa ng Panginoon sa inyong mga paghihirap, pagkabagabag, at mabigat na gawaing dahil sa inyong pagkaalipin,
4kukutyain ninyo ng ganito ang hari ng Babilonia:
Ang mapang-aping hari ay bumagsak na!
Tumigil na ang kanyang pang-aalipusta!
5Pinutol na ng Panginoon
ang tungkod ng masasama,
maging ang baston ng mga namamahala
6na kapag nagagalit, tao ang nagdurusa
at kapag napopoot, inuusig ang mga bansa,
at walang tigil ang pang-aalipusta.
7Ang mga kalupaaʼy panatag at payapa
at magaawitan ang mga tao sa tuwa.
8Magagalak pati ang mga puno
ng sipres at sedro sa Lebanon
dahil sa nangyari sa hari.
Para nilang sinasabi,
“Ngayong wala ka na,
wala nang puputol sa amin.”
9Nagkakagulo ang mga patay
sa iyong pagdating
at handang-handa na sila para ikaʼy salubungin.
Ang kaluluwa ng mga dating
makapangyarihan sa mundo
ay nagkakagulo sa pagbati sa iyo.
Tumatayo sa kanilang mga trono
ang kaluluwa ng mga hari
para salubungin ka.
10Sasagot silang lahat
at sasabihin nila saʼyo,
“Humina ka na rin pala katulad namin.
Pare-pareho na tayo.”
11Ngayong patay ka na,
wala ka nang kapangyarihan,
at wala na rin ang mga tugtugan
ng mga alpa upang ikaʼy parangalan.
Uod na ang iyong higaan
at sila rin ang kumot mo.
12Nahulog ka mula sa langit,
ikaw na tinatawag
na tala sa umaga.
Ibinagsak ka sa lupa,
ikaw na nagpasuko ng mga bansa.
13Sinabi mo sa iyong sarili,
“Aakyat ako sa langit,
at ilalagay ko ang aking trono
sa itaas ng mga bituin ng Diyos.
Uupo ako sa itaas ng bundok
na pinagtitipunan ng mga diyos
sa bandang hilaga.
14Aakyat ako sa itaas ng mga ulap,
at magiging gaya ng Kataas-taasang Diyos.”
15Ngunit sa halip,
dinala ka sa lugar ng mga patay,
sa pinakamalalim na hukay.
16Tititigan kang mabuti ng mga patay
at kanilang sasabihin,
“Hindi baʼt ito ang taong
sa buong mundoʼy kinatatakutan,
at yumanig ng mga kaharian?
17Hindi baʼt siya ang nagwasak
ng mga lungsod,
ginawang parang ilang
ang buong mundo,
at hindi nagpalaya
sa kanyang mga bihag?”
18Ang lahat ng hari sa mundo
ay marangal na nakahimlay
sa sarili nilang libingan.
19Ngunit ikaw naman ay itatapon
na parang sanga na walang silbi.
Tatambakan ka ng mga bangkay
ng mga sundalong namatay
sa digmaan.
Ihuhulog ka sa hukay
kasama nila
at ikaʼy tatambakan
ng mga bato.
Matutulad ka sa bangkay
na tinatapak-tapakan ng mga tao.
20Hindi ka ililibing na katulad
ng ibang hari,
dahil winasak mo
ang iyong sariling bansa
at pinatay ang iyong mga mamamayan.
Walang matitira sa iyong masamang lahi
at hindi na babanggitin pang muli.
21Ihanda na ang lugar
kung saan papatayin
ang kanyang mga anak
dahil sa kasalanan ng kanilang mga ninuno.
Hindi na sila dapat magmamana
ng mga lupain
ni magtayo ng mga lungsod
sa buong mundo.
22Sinabi ng Panginoon ng mga Hukbo,
“Lulusubin ko at wawasakin ang Babilonia.
Wala akong ititirang buhay sa lugar na ito.
Walang matitira sa kanilang mga lahi.”
23Gagawin ko itong tirahan
ng mga kuwago,
at ilang na may maraming latian,
at gigibain ko na parang winalisan.
Ako, ang Panginoon ng mga Hukbo,
ang nagsasabi nito.
24Nanumpa ang Panginoon ng mga Hukbo at sinabi,
“Mangyayari ang plano ko;
matutupad ang desisyon ko.
25Lilipulin ko ang mga taga-Asiria
sa lupain ng Israel.
Dudurugin ko sila
sa aking mga bundok.
Hindi na nila maaaring alipinin
ang aking mga mamamayan.”
26Ito ang binabalak kong gawin
sa buong mundo.
Ganito ang parusang ipapakita ko
sa lahat ng bansa.
27Sino ang makakapagbago ng plano
ng Panginoon ng mga Hukbo?
Sino ang makakapigil
sa kanyang pagpaparusa?
28Ang pahayag na ito ay natanggap noong namatay si Haring Ahaz:
29Mga Filisteo,
huwag muna kayong magdiwang
sa pagkabali ng tungkod
na pumapalo sa inyo.
Sapagkat manggagaling sa ahas
na ito ang isang ulupong;
mas makamandag at tila lumilipad
na uri ang papalit sa kanya.
30Ang mga mahihirap kong mamamayan
ay aking pakakainin
at bibigyan ng kapahingahan
nang walang anumang kinatatakutan.
Ngunit pababayaan kong mamatay
sa gutom ang mga lahi mo,
at ang matitira sa kanila
ay pupuksain ko.
31Umiyak kayo nang malakas,
kayong mga mamamayan
ng mga bayan ng Filistia.
Sapagkat sasalakay sa inyo
ang inyong mga kaaway
na parang usok
mula sa hilaga
at silang lahat
ay pawang matatapang.
32Ano ang isasagot natin
sa mga sugo ng bansang iyon?
Sabihin natin sa kanila na
ang Panginoon ang nagtayo ng Zion,
at dito manganganlong
ang nahihirapan niyang
mga mamamayan.