Isaias 24

Parurusahan ng Diyos ang Mundo

1Makinig kayo!

Wawasakin ng Panginoon ang mundo

hanggang sa hindi na

ito mapakinabangan.

Sisirain niya ang ibabaw nito

at ikakalat niya

ang mga mamamayan nito.

2Iisa ang sasapitin ng lahat:

pari man o mamamayan,

amo man o alipin,

nagtitinda man o bumibili,

nagpapautang man o umuutang.

3Lubusang mawawasak ang mundo

at walang matitira rito.

Ang Panginoon ang nagsabi nito.

4Matutuyo at titigas ang lupa.

Manlulumo ang buong mundo

pati na ang mga kilala

at makapangyarihang mga tao.

5Ang mundo ay dinungisan

ng mga mamamayan nito,

dahil hindi nila sinunod

ang Kautusan ng Diyos

at ang kanyang mga tuntunin.

Nilabag nila ang walang hanggang kasunduan

ng Diyos sa kanila.

6Kaya isusumpa ng Diyos ang mundo,

at mananagot ang mga mamamayan nito

dahil sa kanilang mga kasalanan.

Susunugin sila

at iilan lang ang matitira.

7Malalanta ang mga ubas,

at mauubos ang alak na galing dito.

Ang lahat ng nagsasaya

ay mapapabuntong-hininga.

8Titigil ang masayahing

tunog ng mga tamburin,

mawawala ang ingay

ng mga taong nagdiriwang,

at tatahimik ang masayahing

tunog ng alpa.

9Mawawala ang awitan

sa kanilang pag-iinuman,

at ang inumin ay magiging mapait.

10Ang nawasak na lungsod

ay mapapabayaan.

Isasara ang pintuan

ng bawat tahanan.

11Sisigaw ang mga tao sa lansangan,

na naghahanap ng alak.

Ang kanilang kaligayahan

ay mapapalitan ng kalungkutan.

Ang kasiyahan ay maglalaho

sa balat ng lupa.

12Ang lungsod ay mananatiling wasak,

pati ang mga pintuan nito ay sira-sira.

13Iilan na lamang ang matitirang tao

sa lahat ng bansa sa mundo,

tulad ng puno ng olibo

na nalagas ang bunga

o ng ubasang kaunti ang naiwan

pagkatapos ng anihan.

14Ang mga matitirang tao ay sisigaw

at aawit nang may kaligayahan.

Ang mga nasa kanluran ay magpapahayag

tungkol sa kapangyarihan ng Panginoon .

15Kaya nararapat ding purihin

ng mga tao sa silangan

at ng mga lugar na malapit sa dagat

ang Panginoon , ang Diyos ng Israel.

16Maririnig ang awitan

sa ibaʼt ibang sulok ng mundo,

“Luwalhati sa Diyos na Makatarungan.”

Ngunit kahabag-habag ako.

Akoʼy nanghihina!

Nagtataksil ang mga taksil!

Patuloy ang paggawa nila ng kataksilan!

17Kayong mga mamamayan

ng mga bansa sa buong mundo,

naghihintay sa inyo ang takot,

hukay, at bitag.

18Ang tumatakas dahil sa takot

ay mahuhulog sa hukay

at mabibitag ang mga lumalabas dito.

Uulan nang malakas

at mayayanig ang pundasyon ng lupa.

19Ang daigdig ay lubusang mawawasak;

mabibiyak ang lupa

at labis itong mayayanig.

20At magpapasuray-suray ito

na parang lasing

at parang kubong gumagalaw-galaw

sa ihip ng hangin.

Ang lupa ay mabibigatan dahil sa kasalanan,

at mawawasak ito

at hindi na muling makakabangon.

21Sa araw na iyon,

parurusahan ng Panginoon

ang mga makapangyarihang

nilalang sa langit,

pati ang mga hari dito sa mundo.

22Sama-sama silang ihuhulog sa hukay

na katulad ng mga bilanggo.

Ikukulong sila sa bilangguang iyon

at saka parurusahan

pagkatapos ng maraming araw.

23Kung magkagayoʼy mamumutla ang buwan,

at magtatago sa kahihiyan ang araw,

sapagkat ang Panginoon ng mga Hukbo

ay maghahari

sa Bundok Zion sa Jerusalem.

Mamamahala siyang puno ng kaluwalhatian

sa harapan ng mga pinuno nito.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.