Isaias 44

Pinili ng Panginoon ang Israel

1“Ngunit ngayon, makinig ka,

O Israel na aking lingkod,

ang mga mamamayan na aking pinili,

na mga lahi ni Jacob.

2Ako, ang Panginoon ,

na lumikha at tumutulong sa iyo.

Huwag kang matakot, Jacob,

ikaw na aking lingkod at pinili.

3Sapagkat binigyan kita

ng tubig na pamatid-uhaw

at babasa sa iyong lupang tigang.

Ibibigay ko ang aking Espiritu

sa iyong lahi

at pagpapalain ko sila.

4Lalago sila na parang halaman

na dinidiligan ng masaganang tubig

o mga puno nasa tabi ng ilog.

5May mga magsasabi,

‘Ako ay sa Panginoon .’

At mayroon ding magsasabi,

‘Akoʼy lahi ni Jacob.’

Mayroon ding mga maglalagay

ng tatak sa kanilang kamay

ng pangalan ng Panginoon ,

at ituturing ang kanilang sarili

na kabilang sa mga mamamayan

ng Israel.

Walang Kabuluhan ang mga Diyos-diyosan

6“Ito ang sinasabi ng Panginoon ,

ang Hari at Tagapagligtas ng Israel,

ang Panginoon ng mga Hukbo:

Ako ang simula

at wakas ng lahat.

Maliban sa akin

ay wala nang iba pang Diyos.

7Sino ang kagaya ko?

Sabihin niya sa aking harapan

kung ano ang mga nangyari mula nang itayo ko

na maging isang bansa

ang aking mga mamamayan

noong unang panahon.

At sabihin din niya kung ano

ang mangyayari sa hinaharap.

8Huwag kayong matakot

o kabahan man.

Hindi baʼt ipinaalam ko na

sa inyo noong una pa

ang layunin ko sa inyo?

Kayo ang aking mga saksi.

Mayroon pa bang ibang Diyos

maliban sa akin?

Wala! Wala na akong alam na

iba pang Batong kanlungan

maliban sa akin.”

9Walang kabuluhan ang lahat ng gumagawa

ng mga diyos-diyosan.

At walang kuwenta rin ang mga bagay

na kanilang pinahahalagahan.

Ang mga sumasamba dito

ay bulag at walang nalalaman.

Kaya naman ang sinasapit nila

ay kahihiyan.

10Hangal ang taong gumagawa

ng mga rebultong diyos-diyosan na

hindi naman napapakinabangan.

11Tandaan ninyo! Ang lahat ng sumasamba

sa mga rebulto ay mapapahiya,

dahil ang mga iyan

ay gawa lamang ng tao.

Magsama-sama man sila at akoʼy harapin,

matatakot sila at mapapahiya rin.

12Ang panday ay kumukuha

ng kapirasong bakal

at isinasalang sa baga.

Pagkatapos, pupukpukin niya ito ng maso

at sa kanyang lakas

ay ihuhugis itong rebulto.

Nanghihina siya sa gutom

at halos mawalan ng malay

dahil sa uhaw.

13Ang karpintero naman

ay sumusukat ng kaputol na kahoy.

Ginuguhitan niya ito ng anyo ng tao.

Pagkatapos, uukit siya

ng magandang larawan ng tao

sa pamamagitan ng kanyang

mga gamit upang ilagay

sa isang dambana.

14At para may magamit siyang kahoy,

pumuputol siya ng sedro, ensina,

o sipres na kanyang

itinanim sa kagubatan.

Nagtanim din siya ng puno ng pino,

at sa kadidilig ng ulan ay tumubo ito.

15Ang ibang piraso ng kahoy

ay ginagamit niyang panggatong

upang makainit at makaluto ng pagkain.

At ang ibang piraso ng kahoy

ay ginagawa niyang diyos-diyosan

na niluluhuran at sinasamba.

16Ang ibang piraso naman

ay ipinanggagatong niya

at sa baga nitoʼy nag-iihaw siya ng karne,

pagkatapos ay kumakain

at nabubusog.

Nagpapainit din siya sa apoy at sinasabi niya,

“Ang sarap ng init.”

17At ang ibang piraso

ay ginagawa niyang rebulto

at sa rebultong itoʼy

nananalangin siya nang ganito,

“Iligtas mo ako, sapagkat ikaw

ang aking diyos.”

18Hindi alam at hindi nauunawaan

ng mga taong ito ang kanilang ginagawa.

Tinakpan ang mga mata nila

kaya hindi sila makakita.

Tinakpan din ang kanilang mga isip,

kaya hindi sila makaunawa.

19Walang nakakaisip na magsabi,

“Ang kaputol ng kahoy

ay ipinangluto ko ng pagkain,

ipinang-ihaw ng karne na aking kinain.

Gagawin ko bang kasuklam-suklam

na rebulto ang natirang kahoy?

Sasambahin ko ba

ang isang pirasong kahoy?”

20Ang mga gumagawa nitoʼy

parang kumain ng abo.

Ang hangal niyang isip ang nagligaw sa kanya,

at hindi niya maililigtas ang kanyang sarili.

At hindi siya papayag

na ang rebultong nasa kanya

ay hindi diyos.

21“Israel, dahil sa ikaw

ay aking lingkod, isipin mo ito:

Ginawa kita

para maglingkod sa akin.

Hindi kita kalilimutan.

22Hahawiin ko

ang iyong mga kasalanan tulad ng ulap

at ikakalat ko ang mga ito

gaya ng ambon sa umaga.

Manumbalik ka sa akin

upang mailigtas kita.”

23O kalangitan, umawit ka sa tuwa!

O mundo, sumigaw ka

nang malakas!

Umawit kayo,

kayong mga bundok

at mga kagubatan.

Sapagkat Ililigtas ng Panginoon

ang lahi ni Jacob;

ipapakita niya

ang kanyang kapangyarihan sa Israel.

Muling Titirhan ang Jerusalem

24“Ito ang sinasabi ng Panginoon

na inyong Tagapagligtas na lumikha sa inyo.

“Ako ang Panginoong

lumikha ng lahat ng bagay.

Ako lang mag-isa ang naglatag ng langit

at ako lang din ang lumikha ng mundo.

25Binigo ko ang mga hula ng mga bulaang propeta.

At ginagawa kong mangmang

ang mga nanghuhula.

Binabaliktad ko ang sinasabi ng marurunong

at ginagawa kong walang kabuluhan

ang kanilang nalalaman.

26Ngunit tinutupad ko ang propesiya

ng aking mga lingkod

at mga tagapagsalita.

“Sinabi kong ang Jerusalem ay muling titirhan,

at ang iba pang bayan ng Juda

na nagiba ay muling itatayo.

27Kapag sinabi kong matutuyo ang ilog,

matutuyo nga ito.

28Sinabi ko kay Ciro,

‘Ikaw ang tagapagbantay

ng aking mga mamamayan

at gagawin mo

ang lahat ng nais ko.

Mag-uutos ka na muling itayo

ang Jerusalem at ang Templo roon.’ ”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.