Isaias 60

Ang Darating na Kaluwalhatian ng Zion

1“Bumangon ka, Jerusalem,

at magliwanag katulad ng araw,

sapagkat dumating na ang kaligtasan mo.

Liliwanagan ka

ng kaluwalhatian ng Panginoon .

2Mababalot ng matinding kadiliman

ang mga bansa sa mundo,

ngunit ikaw ay liliwanagan

ng kaluwalhatian ng Panginoon .

3Lalapit sa iyong liwanag

ang mga bansa

at ang kanilang mga hari.

4“Tingnan mo ang iyong paligid,

nagtitipon na ang iyong mga mamamayan

sa malayo para umuwi.

Para silang mga batang kinakarga.

5Kapag nakita mo na ito, matutuwa ka

at mag-uumapaw ang iyong kagalakan,

dahil ang kayamanan ng mga bansa

ay dadalhin dito sa iyo.

6Mapupuno ang iyong lupain

ng mga kamelyo ng mga taga-Midian

at ng mga taga-Efa.

Darating sila sa iyo mula sa Sheba

na may dalang mga ginto

at mga insenso

para sambahin ang Panginoon .

7Dadalhin ng mga taga-Kedar

at mga taga-Nebayot

ang kanilang mga tupa sa iyo,

at ihahandog ito sa altar ng Panginoon

upang siyaʼy malugod.

At lalo pang pararangalan ng Panginoon

ang kanyang Templo.

8“Maglalayag ang mga barko

na parang mga ulap na lumilipad

at parang mga kalapating papunta

sa kanilang mga pugad.

9Ang mga barkong itoʼy pag-aari

ng mga nakatira sa malalayong lugar,

na umaasa sa Panginoon .

Pangungunahan sila ng mga barko ng Tarsis

para ihatid ang iyong mga mamamayan

pauwi mula sa malalayong lugar.

Magdadala sila ng mga ginto at pilak

para sa Panginoon na iyong Diyos,

ang Banal na Diyos ng Israel,

dahil ikaw ay kanyang pinararangalan.”

10“Itatayo ng mga dayuhan

ang iyong mga pader,

at ang kanilang mga hari

ay maglilingkod sa iyo.

Kahit na pinarurusahan kita

dahil sa galit ko sa iyo,

kaaawaan kita dahil akoʼy mabuti.

11Palaging magiging bukas

ang iyong pintuan araw at gabi

upang tumanggap ng mga kayamanan

ng mga bansa.

Nakaparada ang mga hari

na papasok sa iyo.

12Sapagkat lubusang mawawasak

ang mga bansa

at kahariang hindi maglilingkod sa iyo.

13“Ang kaluwalhatian ng Lebanon

ay mapapasaiyo,

ang kanilang mga puno

tulad ng pino, enebro at sipres

ang magpapaganda sa aking santuwaryo;

ang tuntungan ng aking mga paa

ay mapaparangalan.

14Ang mga anak ng mga umapi sa iyo

ay lalapit sa iyo at magbibigay galang.

Luluhod sa paanan mo

ang mga humamak sa iyo,

at ikaw ay tatawagin nilang,

‘Lungsod ng Panginoon ’ o ‘Zion,

ang Lungsod ng Banal na Diyos ng Israel.’

15“Kahit na ikaʼy itinakwil at inusig,

at sayoʼy walang nagpahalaga,

gagawin kitang dakila magpakailanman,

ang kagalakan ng lahat ng salinlahi.

16Aalagaan ka ng mga bansa

at ng kanilang mga hari

katulad ng sanggol na pinapasuso

ng kanyang ina.

Sa ganoon, malalaman mo na ako

ang Panginoon na iyong Tagapagligtas

at ako ang iyong Tagapagpalaya,

ang Diyos na Makapangyarihan ni Jacob.

17Papalitan ko ang mga kagamitan

ng iyong Templo.

Ang mga tanso

ay papalitan ko ng ginto,

ang mga bakal

ay papalitan ko ng pilak,

at ang mga bato

ay papalitan ko ng bakal.

Iiral sa iyo ang kapayapaan

at katuwiran.

18Wala nang mababalitaang pagmamalupit

sa iyong lupain.

Wala na ring kapahamakan

na darating sa iyo.

Palilibutan ka ng kaligtasan

na parang pader,

at magpupuri sa akin

ang mga pumapasok sa iyong pintuan.

19“Hindi na ang araw

ang magiging liwanag mo sa umaga

at hindi na ang buwan

ang tatanglaw sa iyo sa gabi,

sapagkat ako, ang Panginoon ,

ang iyong magiging liwanag magpakailanman.

Ako, na iyong Diyos, ang iyong tanglaw.

20Ako ang iyong magiging araw

at buwan na hindi na lulubog kahit kailan.

Ang Panginoon ang magiging

liwanag ninyo magpakailanman,

at ang mga araw ng inyong pagdurusa

ay magkakaroon ng katapusan.

21Ang lahat mong mamamayan

ay magiging matuwid,

at sila na ang magmamay-ari ng lupain

ng Israel magpakailanman.

Ginawa ko silang parang halaman

na itinanim ko para sa aking karangalan.

22Kakaunti sila,

ngunit dadami sila.

Silaʼy kapos-palad

ngunit silaʼy magiging makapangyarihang bansa.

Ako, ang Panginoon ,

ang gagawa nito pagdating

ng takdang panahon.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.