The chat will start when you send the first message.
1Ngayon, tinanong ng mga taga-Efraim si Gideon, “Bakit ganito ang ginawa mo sa amin? Bakit hindi mo kami tinawag noong nakipaglaban kayo sa mga Midianita?” Nakipagtalo sila nang matindi kay Gideon.
2Ngunit sumagot si Gideon sa kanila, “Ano ba ang nagawa ko kumpara sa nagawa nʼyo? Kahit ang maliit na ginawa ninyo ay higit pa kumpara sa lahat ng nagawa ng pamilya namin.
3Hinayaan ng Diyos na matalo nʼyo ang dalawang pinuno ng mga Midianita na sina Oreb at Zeeb. Ano ba ang nagawa ko kung ikukumpara doon?” Nang masabi ito ni Gideon, huminahon na sila.
4Pagkatapos, tumawid si Gideon at ang tatlong daang tauhan niya sa Ilog Jordan. Kahit pagod na pagod naʼy patuloy pa rin nilang hinabol ang mga kalaban nila.
5Nang makarating sila sa Sucot, humiling si Gideon sa mga tagaroon. Sinabi niya, “Maaari po bang makahingi ng pagkain? Pagod na pagod at gutom na gutom na kami, at hahabulin pa namin ang dalawang hari ng Midian na sina Zeba at Zalmuna.”
6Ngunit sumagot ang mga opisyal ng Sucot, “Hulihin muna ninyo sina Zeba at Zalmuna at saka namin kayo bibigyan ng pagkain.”
7Sinabi ni Gideon, “Kung ganoon, kapag ibinigay na sa amin ng Panginoon sina Zeba at Zalmuna, paghahahampasin ko ang mga katawan nʼyo ng matitinik na sanga!”
8Mula roon, umahon sina Gideon sa Penuel at ganoon din ang hiniling niya sa mga tagaroon, ngunit ang sagot nila ay katulad din ng sagot ng mga taga-Sucot.[#8:8 : O Peniel.]
9Sinabi ni Gideon sa kanila, “Pagkatapos naming manalo sa mga kalaban namin, babalik kami rito at gigibain ko ang tore ninyo.”
10Ngayon, sina Zeba at Zalmuna ay nasa Carcor kasama ang natitira nilang sundalo na labinlimang libo dahil mga isang daan at dalawampung libo na ang napatay sa kanila.
11Nagpatuloy sina Gideon sa paghabol. Dumaan sila sa lugar ng mga taong nakatira sa tolda sa silangan ng Noba at Jogbeha at sumalakay nang bigla sa mga Midianita.
12Tumakas sina Zeba at Zalmuna, ang dalawang hari ng Midian, ngunit hinabol sila ni Gideon at nadakip, kaya nataranta ang lahat ng sundalo nila.
13Nang umuwi na sina Gideon mula sa labanan, doon sila dumaan sa Pasong Heres.
14Nakahuli sila ng isang kabataang lalaki na taga-Sucot, at tinanong nila kung sinu-sino ang mga opisyal ng Sucot. At isinulat ng kabataang lalaki ang pangalan ng pitumpuʼt pitong opisyal na tagapamahala ng Sucot.
15Pagkatapos, pinuntahan nina Gideon ang mga taga-Sucot at sinabi, “Natatandaan pa ba ninyo ang inyong pang-iinsulto sa akin? Sinabi ninyo, ‘Hulihin muna ninyo sina Zeba at Zalmuna at saka namin kayo bibigyan ng pagkain.’ Ngayon, heto na sina Zeba at Zalmuna!”
16Kinuha ni Gideon ang mga tagapamahala ng Sucot at tinuruan sila ng leksyon sa pamamagitan ng paghampas sa kanila ng matitinik na sanga.
17Giniba rin niya ang tore sa Penuel at pinatay ang mga lalaki roon.
18At tinanong ni Gideon sina Zeba at Zalmuna, “Ano ba ang itsura ng mga lalaking pinatay nʼyo sa Tabor?”
Sumagot sila, “Katulad mo na parang mga anak ng hari.”
19Sinabi ni Gideon, “Mga kapatid ko sila; mga anak mismo ng aking ina. Nangangako ako sa buháy na Panginoon na hindi ko kayo papatayin kung hindi nʼyo sila pinatay.”
20Ngunit sinabi niya sa panganay niyang anak na si Jeter, “Patayin sila!” Ngunit dahil bata pa si Jeter, natakot siya, kaya hindi niya binunot ang kanyang espada.
21Sinabi nina Zeba at Zalmuna kay Gideon, “Bakit hindi na lang ikaw ang pumatay sa amin? Kung tunay kang lalaki, ikaw na ang pumatay sa amin.” Kaya pinatay sila ni Gideon at kinuha niya ang mga palamuti sa leeg ng kanilang mga kamelyo.
22Sinabi ng mga Israelita kay Gideon, “Dahil ikaw ang nagligtas sa amin sa mga Midianita, ikaw na lang at ang mga angkan mo ang mamuno sa amin.”
23Sumagot si Gideon, “Hindi ako o ang mga angkan ko ang mamumuno sa inyo kundi ang Panginoon .
24Ngunit may hihilingin ako sa inyo: maaari bang ang bawat isa sa inyo ay magbigay sa akin ng mga hikaw na nasamsam nʼyo sa mga Midianita?” (Nakahikaw ng ginto ang mga Midianita ayon sa kanilang nakaugalian bilang mga Ismaelita.)
25Sumagot ang mga tao, “Oo, bibigyan ka namin.” Naglatag sila ng isang damit at naglagay ang bawat isa roon ng hikaw mula sa nasamsam nila.
26Ang bigat ng mga gintong hikaw na natipon ay dalawampung kilo, hindi pa kasama ang mga dekorasyon, kuwintas, damit na kulay ube ng mga hari ng Midian at ang mga nakasabit sa leeg ng mga kamelyo nila.
27Mula sa natipon na ginto, nagpagawa si Gideon ng isang efod at inilagay ito sa bayan niya sa Ofra. Muling tumalikod ang mga Israelita sa Diyos at sumamba sa ipinagawa ni Gideon. Naging malaking bitag ito kay Gideon at sa kanyang pamilya.[#8:27 : Espesyal na damit ng punong pari.]
28Kaya lubusang natalo ng mga Israelita ang mga Midianita at hindi na nakabawi pa ang mga ito. Naging mapayapa ang Israel sa loob ng apatnapung taon habang nabubuhay si Gideon.
29Umuwi si Gideon sa sarili niyang bahay at doon tumira.
30May pitumpu siyang anak na lalaki dahil marami siyang asawa.
31May asawang alipin pa siya sa Shekem at may anak silang lalaki na pinangalanan niyang Abimelec.
32Namatay si Gideon na anak ni Joas sa katandaan. Inilibing siya sa libingan ng kanyang ama sa Ofra, sa lugar ng mga angkan ni Abiezer.
33Hindi pa nagtatagal mula nang mamatay si Gideon nang muling tumalikod ang mga Israelita sa Diyos at sumambang muli sa mga imahen ni Baal. Ginawa nilang diyos si Baal-berit.
34Kinalimutan nila ang Panginoon na kanilang Diyos na siyang nagligtas sa kanila laban sa lahat ng kaaway nilang nakapalibot sa kanila.
35Hindi sila nagpakita ng utang na loob sa pamilya ni Jerubaal (na siya ring tawag kay Gideon) sa lahat ng kabutihang ginawa niya sa Israel.