1Ito ang sinabi ng Panginoon ng mga Hukbo, ang Diyos ng Israel, tungkol sa Moab:
“Kahabag-habag ang Nebo
sapagkat itoʼy mawawasak.
Mapapahiya at bibihagin ang Kiryataim;
at matitibag ang mga muog nito.
2Ang kadakilaan ng Moab ay naglaho na.
Sa Hesbon, nagbabalak
ang mga kaaway niya;
sabi nila, ‘Halikayo, wasakin natin
ang bansa nila.’
At kayong mga mamamayan ng Madmen,
tatahimik kayo,
dahil kayo ay sasalakayin
ng mga sundalo.
3Pakinggan nʼyo ang sigawan sa Horonaim,
dahil sa matinding digmaan
at kapahamakan.
4Mawawasak ang Moab at mag-iiyakan ang mga bata.
5Ang mga mamamayan ng Moab
ay mag-iiyakan nang malakas
habang paakyat sila sa Luhit
at pababa sa Horonaim.
Mag-iiyakan sila dahil sa kapahamakan.
6Iligtas ninyo ang inyong sarili!
Tumakas kayo papuntang ilang.
7Mga taga-Moab, nagtitiwala kayo
sa kakayahan at kayamanan ninyo
kaya bibihagin kayo pati ang diyos-diyosan
ninyong si Cemos
at ang mga pari at mga pinuno nito.
8Darating ang manlilipol sa bawat bayan
at walang bayang makakaligtas.
Mawawasak ang mga bayan
sa lambak at talampas.
Mangyayari ito
dahil sinabi mismo ng Panginoon .
9May pakpak sana ang Moab
upang makalipad siya papalayo,
dahil wala nang kabuluhan
ang mga bayan nito
at wala nang maninirahan dito.
10“Sumpain ang taong pabaya sa paggawa ng gawain
ng Panginoon !
Sumpain ang taong hindi papatay
sa mga taga-Moab.
11“Tahimik ang pamumuhay ng Moab
mula pa noon.
Hindi pa ito nakaranas ng pagkabihag.
Para itong alak na hindi nagagalaw
sa kanyang sisidlan,
at hindi isinalin sa ibang lalagyan.
Ang lasa nitoʼy nanatiling malinamnam,
ang amoy rin ay hindi nagbabago.
12Ngunit darating ang araw
na isusugo ko
ang aking mga kaaway,” wika ng Panginoon ,
“upang ibuhos ang Moab mula sa kanyang lalagyan
at pagkatapos ay babasagin ang lalagyan nito.
13At ikakahiya ng mga taga-Moab
ang diyos-diyosan nilang si Cemos,
gaya ng nangyari sa Betel
nang mapahiya ang mga Israelita
dahil silaʼy nagtiwala sa mga walang silbing
diyos-diyosan nila.
14“Ipinagmamalaki ng mga taga-Moab
na matatapang ang sundalo nila
sa pakikipaglaban.
15Ngunit mawawasak ang Moab
at ang mga bayan nito.
Papatayin ang kanilang matatapang na kabataan,” wika ng Panginoon na haring Makapangyarihan.
16“Nalalapit na ang kapahamakan ng Moab,
ang mga sakunaʼy nagbabanta
nang dumating.
17Umiyak kayo, kayong lahat
na kakampi ng Moab!
Sabihin ninyo, ‘Wala na ang Moab!
Nabali na ang kanyang tungkod,
ang tungkod na sagisag
ng kapangyarihan
at katanyagan niya.’
18“Kayong mga taga-Dibon,
magpakumbaba kayo
at maupo sa lupa
dahil ang nagwasak sa Moab
ay sasalakay din sa inyo
at gigibain ang mga lungsod ninyo
na napapalibutan ng mga pader.
19Kayong mga nasa Aroer,
tumayo kayo sa tabi ng daan
at magbantay.
Magtanong kayo sa mga nakatakas
kung ano ang nangyari.
20Sasagot sila, ‘Nawasak
at napahiya ang Moab.
Humiyaw kayo at umiyak.
Isigaw ninyo sa Arnon
na nawasak ang Moab.’
21Parurusahan din
ang mga bayan sa talampas:
ang Holon, Jaza, Mefaat,
22Dibon, Nebo, Bet-diblataim,
23Kiryataim, Bet-gamul, Bet-meon,
24Keriot at Bozra.
Darating na ang parusa
sa lahat ng bayan ng Moab,
sa malayo at malapit.
25Ubos na ang lakas ni Moab,[#48:25 : Sa literal, sungay.]
at ang kanyang kapangyarihan
ay wasak na,”
wika ng Panginoon .
26“Lasingin ninyo ang Moab
dahil naghimagsik siya
sa Panginoon .
Gugulong siya sa sariling suka
at magiging katawa-tawa.
27Kayong mga taga-Moab,
hindi baʼt kinutya ninyo ang Israel?
Bakit, nahuli ba siyang nagnakaw?
Bakit iiling-iling pa kayo
sa pagkutya ninyo sa kanya?
28Umalis na kayo sa bayan nʼyo
at tumira sa mababatong lugar,
kayong mga nakatira sa Moab.
Maging tulad kayo ng
mga kalapating nagpupugad
sa mga bitak ng matatarik
at mababatong lugar.
29“Narinig namin ang kayabangan
ng mga taga-Moab,
kung gaano sila kaangas at kahambog;
ang kanilang pagmamalaki at kapalaluan,
at ang kanilang mapagmataas na puso.
30Nalalaman ko kung gaano sila kayabang,”
sabi ng Panginoon ,
“ngunit iyan ay walang kabuluhan.
31Kaya ang Moab ay aking iiyakan,
tatangisan ko ang kanyang mamamayan,
at daraing ako para sa mga taong
nasa Kir-heres.
32Iiyak din ako para sa mga taga-Sibma
nang higit kaysa sa pag-iyak ko
para sa mga taga-Jazer.
Sibma, ikaw ay halamang ubas
na ang mga sanga ay umabot
sa kabila ng Dagat na Patay
hanggang sa Jazer.
Ngunit ngayon, inubos ng mga maninira
ang iyong mga bunga.
33Wala nang maririnig na kasiyahan
at katuwaan sa mga bukid
at mga ubasan sa lupain ng Moab.
Hindi na umaagos ang katas
ng ubas sa mga pisaan.
Wala nang mga pumipisa ng ubas
na sumisigaw sa tuwa.
May mga sumisigaw nga,
pero hindi na sigaw ng tuwa.
34“Ang iyakan ng mga taga-Hesbon
ay naririnig hanggang
sa Eleale at Jahaz.
Ang iyakan ng mga taga-Zoar
ay naririnig hanggang sa Horonaim
at sa Eglat-selisiya.
Sapagkat kahit ang batis
ng Nimrim ay tuyo na.
35Patitigilin ko sa Moab ang mga naghahandog
sa mga sambahan sa
matataas na lugar
at nagsusunog ng insenso
sa mga diyos-diyosan nila,”
wika ng Panginoon .
36“Kaya umiiyak ang aking puso para sa Moab
at sa mga taga-Kir-hareset,
gaya ng malungkot na tugtog
ng plauta sa patay.
Wala na ang mga kayamanang nakamit nila.
37Ang bawat isaʼy nagpahayag
ng kalungkutan nila
sa pamamagitan ng pagpapakalbo,
pag-aahit, pagsugat sa kanilang mga kamay
at pagsusuot ng damit na pangluksa.
38Nag-iiyakan ang mga tao sa mga bahay nila
at sa mga plasa
sapagkat winasak ko ang Moab
na parang banga na binasag
at wala nang pumapansin,”
wika ng Panginoon .
39“Gayon na lamang ang pagkawasak ng Moab!
Pakinggan ninyo ang iyakan
ng mga mamamayan.
Nakakahiya ang Moab.
Kinukutya at kinamumuhian ito
ng mga bansa sa palibot nito.”
40Sinabi pa ng Panginoon ,
“Tingnan niyo! Ang kaaway ng Moab
ay parang agila na lumilipad
upang dagitin ito.
41Sasakupin ang Keriot
at ang mga kampo ng Moab.
Sa mga araw na iyon, matatakot ang mga sundalo ng Moab
katulad ng isang babaeng
malapit nang manganak.
42Mawawasak ang Moab
dahil sa paghihimagsik niya sa Panginoon .
43Ang sasapitin ng mga taga-Moab
ay takot, hukay at bitag,”
sabi ng Panginoon .
44“Ang sinumang tatakas dahil sa takot
ay mahuhulog sa hukay.
At ang sinumang makakaligtas sa hukay
ay mahuhuli sa bitag,
dahil talagang parurusahan ko
ang Moab sa takdang panahon,”
sabi ng Panginoon .
45“Ang mga kawawang nakatakas
ay nais magtago sa Hesbon.
Ngunit ang Hesbon na pinagharian ni Haring Sihon
ay nagliliyab sa apoy
at nilamon pati ang mga kabundukan
na pinagtataguan ng mga taga-Moab
na nagnanais ng digmaan.
46Kahabag-habag kayo,
kayong mga taga-Moab!
Kayong mga sumasamba sa diyos-diyosang si Cemos
ay mapapahamak,
Ang inyong mga anak na lalaki
ay dadalhin sa ibang bayan
at ang inyong mga anak na babae
ay bibihagin ng mga dayuhan.
47“Ngunit darating ang araw
na ibabalik ko ang mabuting kalagayan
ng Moab,” sabi ng Panginoon .
Ito ang pahayag tungkol sa Moab.