The chat will start when you send the first message.
1Sa galit ng Panginoon,
tinakpan niya
ng makapal na ulap ang Jerusalem.
Ibinagsak niya ang karangalan ng Israel,
na parang itinapon mula sa langit
papunta sa lupa.
At dahil sa kanyang galit,
pinabayaan niya ang kanyang templo
sa Jerusalem.
2Walang awa ring sinira ng Panginoon
ang lahat ng tahanan sa Israel.
Sa galit niyaʼy giniba niya
ang mga pader na nakapalibot sa Juda.
Ibinagsak niya at inilagay sa kahihiyan
ang kaharian pati na ang mga pinuno nito.
3Sa tindi ng kanyang poot,
inalis niya
ang lahat ng kapangyarihan ng Israel.
Hindi niya ito tinulungan
nang salakayin ng mga kaaway.
Para siyang apoy na tumutupok
sa mga lahi ng Israel
at sa lahat ng bagay sa paligid nito.
4Iniumang niya ang kanyang pana
sa kanyang mga mamamayan
na naging parang mga kaaway niya.
Pinatay ang lahat ng ipinagmamalaki
nitong mga mamamayan.
Ibinuhos niya ang kanyang matinding galit
na parang apoy sa mga mamamayan
ng Jerusalem.
5Winasak ng Panginoon ang Israel
na parang isang kaaway.
Sinira niya ang lahat ng mga pader
sa bayan at mga palasyo.
Dinagdagan ang pagdadalamhati
at pag-iyak ni Juda.
6Winasak niya ang templo
na parang isang halamanan lang.
Binura ng Panginoon
sa alaala ng mga taga-Zion
ang itinakdang mga pista
at ang Araw ng Pamamahinga.
Sa kanyang matinding galit,
itinakwil niya ang hari at mga pari.
7Itinakwil din ng Panginoon ang kanyang altar at Templo.
Ipinagiba sa kamay ng mga kaaway ang mga pader nito
at nagsigawan ang mga ito
sa Templo ng Panginoon na parang nagdaraos ng pista.
8Nagpasya ang Panginoon
na wasakin ang mga pader ng Jerusalem.
Sinukat niya ang mga ito
at isinakatuparan ang kanyang plano.
Kaya ang mga muog at pader ay tuluyang nagiba;
sama-samang nanlupaypay na.
9Bumagsak sa lupa
ang mga pintuang-bayan ng Jerusalem.
Sinira at binali ng Panginoon
ang mga saraduhan nito.
Binihag ang hari at mga pinuno
at dinala sa malayong mga bansa.
Hindi na rin itinuturo ang kautusan
at wala na ring mensahe o pangitain
ang Panginoon sa kanyang mga propeta.
10Ang mga tagapamahala ng Jerusalem
ay tahimik na nakaupo sa lupa;
naglagay sila ng abo sa kanilang ulo
at nagdamit ng sako upang magluksa.
Ang mga dalaga ng Jerusalem ay nakatirapa,
nakatungo ang mga ulo sa lupa.
11Namugto ang mga mata ko sa kaiiyak.
Labis na nababagabag
at parang sasabog na ang aking dibdib
dahil sa kapahamakang sinapit
ng aking mga kalahi.
Nawalan ng malay sa mga lansangan
ang mga bata at mga sanggol.
12Umiiyak silaʼt humihingi ng pagkain
at maiinom sa kanilang mga ina.
Nawalan sila ng malay tulad
ng mga sugatang sundalo
sa mga lansangan ng lungsod
hanggang sa unti-unting mamatay
sa kanlungan ng kanilang ina.
13O Jerusalem, ano pa bang masasabi ko sa iyo?[#2:13 : Sa Hebreo, anak na babae ng Jerusalem … birhen na anak na babae ng Zion.]
Saan pa ba kita maihahambing?
Kasinlalim ng dagat ang iyong sugat.
Paano kita maaaliw?
Sino ang makapagpapagaling sa iyo?
14Ang pangitaing nakita ng iyong mga propeta
ay hindi totoo, walang kabuluhan
at mapanlinlang.
Ang mga kasalanan moʼy hindi nila
inihayag sa iyo
upang hindi kayo mabihag.
15Ang lahat ng dumadaaʼy pumapalakpak,
sumusutsot at nangungutya.
Sinasabi nila sa Jerusalem,
“Ito ba ang lungsod na sinasabing
‘Pinakamaganda at kagalakan
ng buong mundo?’ ”
16Kinukutya ka ng lahat ng kaaway mo.
Sumusutsot at pinangangalit
ang kanilang mga ngipin
at sinasabing na patutya,
“Tuluyan na nating nawasak ang Jerusalem!
Ito na ang araw na ating pinakahihintay.
At ngayon ngaʼy nakita na natin ito!”
17Ginawa ng Panginoon
ang kanyang plano.
Tinupad niya ang sinabi niya noon.
Walang awa ka niyang giniba, O Jerusalem!
Binigyan niya ng kagalakan
ang iyong mga kaaway
at hinayaan silang ipagyabang
ang kanilang kapangyarihan.
18Mga taga-Jerusalem,
tumawag kayo sa Panginoon.
Umiyak kayo araw at gabi
at paagusin ang inyong
mga luha na parang ilog.
Huwag kayong tumigil sa pag-iyak.
19Bumangon kayo sa gabi
at humingi ng tulong sa Panginoon.
Ibuhos ninyo sa kanya ang laman
ng inyong mga puso,
na para kayong nagbubuhos ng tubig.
Itaas ninyo ang inyong mga kamay
sa pananalangin
para sa inyong mga anak
na nawawalan ng malay
sa mga lansangan dahil sa gutom.
20Masdan po ninyo kami Panginoon .
Isipin nʼyo kung sino
ang pinaparusahan nʼyo ng ganito.
Dahil sa labis na pagkagutom, kinain ng mga ina
ang mga kanilang anak
na kanilang inaalagaan.
Ang mga pari at ang mga propeta
ay pinapatay sa Templo ng Panginoon.
21Nakahambalang sa mga lansangan
ang mga bangkay ng mga bata
at matatanda.
Namamatay sa digmaan
ang mga kabataang lalaki at babae.
Sa inyong galit,
walang habag ninyo silang pinatay.
22Inanyayahan ninyo ang mga kaaway
upang akoʼy salakayin
sa lahat ng panig,
na para kayong nang-iimbita
sa kanila sa pista.
Sa araw ng paghatol ng Panginoon ,
walang nakatakas
o natirang buháy.
Pinatay ng aking mga kaaway
ang aking mga anak na isinilang
at pinalaki.