The chat will start when you send the first message.
1Isang Araw ng Pamamahinga, napadaan sina Hesus sa isang triguhan. Namitas ng trigo ang mga alagad niya, kiniskis ito sa mga kamay nila, at pagkatapos ay kinain ang mga butil.
2Kaya sinabi ng ilang Pariseo, “Bakit kayo gumagawa ng ipinagbabawal sa Araw ng Pamamahinga?”
3Sinagot sila ni Hesus, “Hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan ang ginawa ni David nang magutom siya at ang mga kasamahan niya?
4Pumasok siya sa bahay ng Diyos at kumuha ng tinapay na inihandog sa Diyos at kinain ito. Binigyan pa niya ang mga kasamahan niya, kahit na ang mga pari lamang ang nararapat na kumain niyon.”
5At sinabi pa ni Hesus sa kanila, “Ang Anak ng Tao ang Panginoon ng Araw ng Pamamahinga.”
6Noong isa pang Araw ng Pamamahinga, pumasok si Hesus sa sinagoga at nagturo. May isang lalaki roon na paralisado ang kanang kamay.
7Binantayang mabuti ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga Pariseo si Hesus kung magpapagaling siya sa Araw ng Pamamahinga, upang may maiparatang sila laban sa kanya.
8Ngunit alam niya ang iniisip nila, kaya sinabi niya sa lalaking paralisado ang kamay, “Halika, tumayo ka rito sa harapan.” Lumapit nga ito at tumayo roon.
9Pagkatapos, sinabi ni Hesus sa kanila, “Tatanungin ko kayo. Alin ba ang ipinapahintulot sa Kautusan sa Araw ng Pamamahinga: ang gumawa ng mabuti o ang gumawa ng masama? Ang magligtas ng buhay o ang pumatay?”
10Tiningnan niya silang lahat, at sinabi sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat nga ng lalaki ang kanyang kamay at gumaling ito.
11Ngunit nagngitngit sa galit ang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan, kaya pinag-usapan nila kung ano ang dapat gawin kay Hesus.
12Nang panahong iyon, pumunta si Hesus sa bundok at magdamag na nanalangin sa Diyos.
13Kinaumagahan, tinawag niya ang mga alagad niya at pumili siya ng labindalawa mula sa kanila, na tinawag niyang mga apostol.
14Ito ay sina Simon (na tinawag niyang Pedro), at Andres na kapatid nito,
sina Santiago at Juan,
sina Felipe, Bartolome,
15Mateo, Tomas,
Santiago na anak ni Alfeo,
Simon na makabayan,
16Judas na anak ng isa pang Santiago,
at si Judas Iscariote na siyang nagtraydor kay Hesus.
17Pagkatapos nito, bumaba sila mula sa bundok at tumigil sa isang patag na lugar. Naroon ang malaking grupo ng alagad niya at ang napakaraming taong nanggaling sa Judea, Jerusalem, at sa baybayin ng Tiro at Sidon.
18Pumunta sila roon upang makinig sa kanya at mapagaling sa kanilang mga sakit. Ang lahat ng pinahihirapan ng masasamáng espiritu ay gumaling.
19Sinikap ng lahat ng tao roon na mahipo siya, dahil may kapangyarihang nagmumula sa kanya na nagpapagaling sa lahat.
20Tumingin si Hesus sa mga alagad niya at sinabi,
“Pinagpala kayong mga mahihirap,
sapagkat kabilang kayo sa kaharian ng Diyos.
21Pinagpala kayong mga nagugutom ngayon,
sapagkat bubusugin kayo.
Pinagpala kayong mga umiiyak ngayon,
sapagkat tatawa kayo.
22Pinagpala kayo kung kinamumuhian kayo ng mga tao,
kung itinatakwil at iniinsulto kayo,
at sinisiraan ang inyong pangalan
dahil sa pagsunod ninyo sa Anak ng Tao.
23“Ganoon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta noon. Kaya kung gawin ito sa inyo, magalak kayo at lumukso sa tuwa, dahil malaki ang gantimpala ninyo sa langit.
24Ngunit kahabag-habag kayong mga mayayaman,
sapagkat natamasa na ninyo ang inyong kasaganaan.
25Kahabag-habag kayong mga busog ngayon,
sapagkat magugutom kayo.
Kahabag-habag kayong mga tumatawa ngayon,
sapagkat magluluksa kayo at iiyak.
26Kahabag-habag kayo kung pinupuri kayo ng lahat ng tao,
sapagkat ganoon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta.
27“Ngunit sinasabi ko sa inyong mga nakikinig sa akin: Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway. Gawan ninyo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo.
28Pagpalain ninyo ang mga nagbibitaw ng sumpa laban sa inyo. At ipanalangin ninyo ang mga nagmamalupit sa inyo.
29Kapag sinampal ka sa isang pisngi, iharap mo rin ang kabila. Kapag may kumukuha ng balabal mo, huwag mong ipagkait pati ang iyong damit.
30Bigyan mo ang sinumang humihingi sa iyo; at kapag may kumuha ng iyong pag-aari ay huwag mo na itong bawiin pa.
31Gawin ninyo sa inyong kapwa ang gusto ninyong gawin nila sa inyo.
32“Kung ang mamahalin lang ninyo ay ang mga nagmamahal sa inyo, ano ang kahanga-hanga roon? Minamahal din ng mga makasalanan ang mga nagmamahal sa kanila.
33At kung ang gagawan lang ninyo ng mabuti ay ang mga taong mabuti sa inyo, ano ang kahanga-hanga roon? Ginagawa rin iyan ng mga makasalanan.
34At kung ang pinapahiram lang ninyo ay ang mga taong inaasahan ninyong makakabayad sa inyo, ano ang kahanga-hanga roon? Kahit ang mga makasalanan ay nagpapahiram din sa kapwa nila makasalanan sa pag-asang mababayaran sila.
35Sa halip, ito ang inyong gawin: Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at gawan ninyo sila ng mabuti. Kung magpapahiram kayo, magpahiram kayo nang hindi umaasa ng anumang kabayaran. Malaking gantimpala ang tatanggapin ninyo, at makikilala kayong mga anak ng Kataas-taasang Diyos. Sapagkat mabuti siya kahit sa masasama at sa mga walang utang na loob.
36Maging maawain kayo tulad ng inyong Amang maawain.
37“Huwag kayong manghusga upang hindi rin kayo husgahan. Huwag kayong humatol upang hindi rin kayo hatulan. Magpatawad kayo upang patawarin din kayo.
38Magbigay kayo upang bigyan din kayo – hustong takal, siniksik, niliglig, at umaapaw ang ibubuhos sa inyong sisidlan. Sapagkat ang panukat na ginamit ninyo sa pagbibigay ay siya ring gagamiting panukat ng ibibigay sa inyo.”[#6:38 : Sa literal, Sapagkat ang panukat na ginamit ninyo ay siya ring panukat na gagamitin sa inyo.]
39Pagkatapos, sinabi ni Hesus sa kanila ang talinghagang ito: “Maaari bang maging tagaakay ng bulag ang kapwa bulag? Hindi kaya sila parehong mahulog sa hukay?
40Walang mag-aaral na higit sa kanyang guro. Ngunit kapag ganap ang kanyang pagsasanay, magiging katulad siya ng kanyang guro.”
41“Bakit mo pinupuna ang puwing sa mata ng kapwa mo, pero hindi mo naman napapansin ang trosong nasa sarili mong mata?
42Paano mo masasabi sa kanya, ‘Kapatid, hayaan mong alisin ko ang puwing sa mata mo,’ gayong hindi mo nakikita ang troso sa mata mo? Mapagkunwari! Alisin mo muna ang troso sa iyong mata, nang sa gayoʼy makakita kang mabuti para maalis mo ang puwing sa mata ng iyong kapwa.
43“Ang mabuting puno ay hindi namumunga ng masama, at ang masamang puno ay hindi namumunga ng mabuti.
44Ang bawat puno ay nakikilala sa bunga nito. Sapagkat hindi naaani ang igos sa matitinik na halaman o napipitas ang ubas sa dawagan.
45Gayundin naman, ang mabuting tao ay gumagawa ng mabuti dahil puno ng kabutihan ang kanyang puso. Ngunit ang masamang tao ay gumagawa ng masama dahil puno ng kasamaan ang kanyang puso. Sapagkat kung ano ang pumupuno sa puso ng isang tao ay siya ring umaapaw sa kanyang bibig.
46“Bakit ninyo ako tinatawag na ‘Panginoon, Panginoon,’ gayong hindi naman ninyo sinusunod ang mga sinasabi ko?
47Ilalarawan ko sa inyo kung ano ang kahalintulad ng taong lumalapit sa akin, nakikinig sa mga sinasabi ko at sumusunod rito:
48Katulad siya ng isang taong humukay nang malalim at nagtayo ng bahay sa pundasyong bato. Nang bumaha at dinaanan ng malakas na agos ang bahay, hindi iyon nayanig dahil matibay ang pagkakatayo.
49Ngunit ang nakikinig sa mga sinasabi ko pero hindi naman ito sinusunod ay katulad ng isang taong nagtayo ng bahay na walang pundasyon. Kayaʼt nang dinaanan ng malakas na agos ang bahay, agad itong nagiba at lubusang nawasak.”