The chat will start when you send the first message.
1Matapos turuan ni Hesus ang kanyang labindalawang alagad, umalis siya sa lugar na iyon para magturo at mangaral sa mga karatig lugar.
2Habang nasa bilangguan si Juan na Tagapagbautismo, nabalitaan niya ang mga ginagawa ng Mesias, kaya inutusan niya ang kanyang mga alagad
3para tanungin siya, “Kayo na po ba ang inaasahan naming darating o maghihintay pa kami ng iba?”
4Sumagot si Hesus sa kanila, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin sa kanya ang narinig at nakita ninyo:
5Nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga lumpo, gumagaling ang mga may malubhang sakit sa balat, nakakarinig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinangangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita.
6Mapalad ang taong hindi nagdududa sa akin.”
7Pagkaalis ng mga alagad ni Juan, nagtanong si Hesus sa mga tao, “Noong pumunta kayo kay Juan sa ilang, ano ang inaasahan ninyong makita? Isa bang taong tulad ng tambo na humahapay sa ihip ng hangin?
8Pumunta ba kayo roon para makita ang isang taong magara ang pananamit? Ang mga taong magara ang pananamit ay sa palasyo ng mga hari ninyo makikita.
9Pumunta kayo roon para makita ang isang propeta, hindi ba? Totoo, isa nga siyang propeta. At sinasabi ko sa inyo, higit pa siya sa isang propeta.
10Siya ang binabanggit ng Diyos sa Kasulatan:
‘Ipapadala ko ang aking mensahero.
Mauuna siya sa iyo para ihanda ang dadaanan mo.’
11Sinasabi ko sa inyo ang totoo, walang taong isinilang na mas dakila pa kay Juan na Tagapagbautismo. Ngunit ang pinakahamak sa mga taong kabilang sa kaharian ng Langit ay mas dakila pa sa kanya.
12Mula nang mangaral si Juan na Tagapagbautismo hanggang ngayon, ang kaharian ng Langit ay dumaranas ng matinding pag-atake mula sa mga mararahas na taong sumasalungat dito.
13Sapagkat bago pa dumating si Juan, ang lahat ng isinulat ng mga propeta at ang Kautusan ay nagpahayag tungkol sa kaharian ng Diyos.
14At kung naniniwala kayo sa mga pahayag nila, si Juan na nga ang Elias na inaasahan ninyong darating.
15Makinig ang sinumang may pandinig!
16“Sa anong bagay ko maihahambing ang henerasyong ito? Katulad sila ng mga batang nakaupo sa plasa na nagrereklamo sa kanilang mga ibang kalaro:
17‘Tinugtugan namin kayo ng tugtuging pangkasal,
ngunit hindi kayo sumayaw!
Umawit kami ng awit ng pagluluksa,
ngunit hindi kayo umiyak!’
18Sapagkat nang dumating dito si Juan, nakita nilang nag-aayuno siya at hindi umiinom ng alak, kaya sinabi nila, ‘Sinasapian siya ng demonyo.’
19Nang dumating naman ang Anak ng Tao, nakita nilang kumakain siya at umiinom, at sinabi naman nila, ‘Ang taong iyan ay matakaw at lasenggo, at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng iba pang makasalanan.’ Ganoon pa man, ang karunungan ay napapatunayang tama sa buhay ng mga taong tumanggap nito.”
20Pagkatapos, sinumbatan ni Hesus ang mga bayang nakasaksi ng maraming himala na kanyang ginawa, dahil hindi sila nagsisi at tumalikod sa kanilang mga kasalanan.
21Sinabi niya, “Nakakaawa kayong mga taga-Corazin! Nakakaawa rin kayong mga taga-Betsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon naganap ang mga himalang ginawa ko sa inyo, matagal na sana silang nagsuot ng sako at naglagay ng abo sa kanilang ulo para ipakitang silaʼy nagsisisi.
22Kaya sinasabi ko sa inyo na sa Araw ng Paghuhukom, mas mabigat na parusa ang tatanggapin ninyo kaysa sa mga taga-Tiro at taga-Sidon.
23At kayo namang mga taga-Capernaum, akala ba ninyoʼy itataas kayo sa langit upang parangalan? Hindi! Ibababa kayo sa mundo ng mga patay para itapon. Sapagkat kung sa Sodoma nangyari ang mga himalang ginawa sa inyo, nananatili pa sana ang lugar na iyon hanggang ngayon.
24Kaya sinasabi ko sa inyo na sa Araw ng Paghuhukom, mas mabigat na parusa ang tatanggapin ninyo kaysa sa mga taga-Sodoma.”
25Nang oras ding iyon, sinabi ni Hesus, “Pinupuri kita Ama, Panginoon ng langit at lupa, dahil inilihim mo ang mga katotohanang ito sa mga taong ang akala sa sarili ay marurunong at matatalino, at ipinaalam mo sa mga taong tulad ng bata sa kaalaman.
26Oo, Ama, dahil iyon ang kalooban mo.
27“Ibinigay sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang mga taong nais ng Anak na makakilala sa Ama.
28“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at nabibigatan sa inyong pasanin, at bibigyan ko kayo ng kapahingahan.
29Sundin ninyo ang mga utos ko at matuto kayo sa akin, dahil ako ay maamo at may mababang-loob. Makakapagpahinga kayo,
30dahil madaling sundin ang mga utos ko at magaan ang ipinapagawa ko.”[#11:30 Sa literal, sapagkat ang aking pamatok ay madaling dalhin.]