Mateo 14

Ang Pagkamatay ni Juan na Tagapagbautismo

(Mar. 6:14‑29; Luc. 9:7‑9; Luc. 3:19‑20)

1Nang panahong iyon, nabalitaan ni Herodes na pinuno ng Galilea ang tungkol kay Hesus.

2Sinabi niya sa kanyang mga opisyal, “Siyaʼy si Juan na Tagapagbautismo! Muli siyang nabuhay, kaya nakagagawa siya ng mga himala.”

3Sapagkat ipinadakip noon ni Herodes si Juan. Ipinagapos at ipinabilanggo niya ito dahil kay Herodias na asawa ng kapatid niyang si Felipe.

4Palaging sinasabihan ni Juan noon si Herodes, “Labag sa Kautusan na gawin mo siyang asawa.”

5Gusto sanang ipapatay ni Herodes si Juan ngunit natakot siya sa mga Hudyo dahil itinuturing nilang propeta si Juan.

6Nang dumating ang kaarawan ni Herodes, sumayaw para sa mga bisita ang dalagang anak ni Herodias na ikinatuwa naman ni Herodes.

7Kaya sumumpa siyang ibibigay sa dalaga ang anumang hingin nito.

8Sa udyok ng kanyang ina, sinabi ng dalaga, “Gusto ko pong ibigay nʼyo sa akin ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo na nakalagay sa isang bandehado.”

9Nalungkot ang hari sa kahilingang iyon. Ngunit dahil sa pangako niyang narinig mismo ng mga bisita, iniutos niya na gawin ang kahilingan ng dalaga.

10Kaya pinugutan ng ulo si Juan sa loob ng bilangguan,

11at inilagay ang ulo niya sa isang bandehado at dinala sa dalaga. At ibinigay naman ito ng dalaga sa kanyang ina.

12Ang bangkay ni Juan ay kinuha ng kanyang mga alagad at inilibing, at ibinalita nila kay Hesus ang nangyari.

Pinakain ni Hesus ang Limang Libong Tao

(Mar. 6:30‑44; Luc. 9:10‑17; Juan 6:1‑14)

13Nang mabalitaan iyon ni Hesus, sumakay siya sa bangka at pumunta sa isang tahimik na lugar. Nang malaman ng mga tao mula sa ibaʼt ibang bayan na nakaalis na si Hesus, naglakad sila patungo sa lugar na pupuntahan niya.

14Kaya nang bumaba si Hesus sa bangka, nakita niya ang napakaraming tao. Naawa siya sa kanila at pinagaling niya ang mga maysakit.

15Nang magdapit-hapon na, lumapit kay Hesus ang mga alagad niya at sinabi, “Liblib ang lugar na ito at gumagabi na. Paalisin nʼyo na po ang mga tao nang makapunta sila sa mga karatig-nayon at bayan upang makabili ng pagkain.”

16Ngunit sinabi ni Hesus sa kanila, “Hindi na nila kailangang umalis. Kayo ang magpakain sa kanila.”

17Sumagot sila, “Mayroon lang po tayong limang tinapay at dalawang isda.”

18“Dalhin ninyo ang mga ito sa akin,” ang sabi ni Hesus.

19Inutusan niya ang mga tao na maupo sa damuhan. Kinuha ni Hesus ang limang tinapay at dalawang isda. Tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Pagkatapos, pinagpira-piraso niya ang tinapay at ibinigay sa mga alagad niya para ipamigay sa mga tao.

20Kumain silang lahat at nabusog. Pagkatapos, tinipon nila ang natirang pagkain, at nakapuno sila ng labindalawang kaing.

21Ang bilang ng mga lalaking kumain ay mga limang libo, maliban pa sa mga babae at mga bata.

Naglakad si Hesus sa Ibabaw ng Tubig

(Mar. 6:45‑52; Juan 6:15‑21)

22Pagkatapos, pinasakay agad ni Hesus sa bangka ang mga alagad niya at pinauna sa kabila ng lawa, habang pinapauwi niya ang mga tao.

23Nang makaalis na ang mga tao, umakyat siyang mag-isa sa isang bundok para manalangin. Inabot na siya roon ng gabi.

24Sa oras na iyon, malayo na ang bangkang sinasakyan ng mga alagad niya. Sinasalpok ng malalaking alon ang bangka nila dahil pasalungat ito sa hangin.

25Nang madaling-araw na, sumunod sa kanila si Hesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig.

26Pagkakita ng mga alagad na may naglalakad sa tubig, kinilabutan sila. At napasigaw sila ng “Multo!” dahil sa matinding takot.

27Ngunit agad na nagsalita si Hesus, “Huwag kayong matakot. Ako ito! Lakasan ninyo ang inyong loob.”

28Sumagot si Pedro sa kanya, “Panginoon, kung kayo nga iyan, papuntahin nʼyo ako diyan na naglalakad din sa tubig.”

29“Halika,” sabi ni Hesus.

Kaya bumaba si Pedro sa bangka at naglakad sa tubig patungo kay Hesus.

30Ngunit nang mapansin niyang malakas ang hangin, natakot siya at unti-unting lumubog. Kaya sumigaw siya, “Panginoon, iligtas nʼyo ako!”

31Agad naman siyang inabot ni Hesus at sinabi, “Kay liit ng pananampalataya mo. Bakit ka nag-alinlangan?”

32Pagkasakay nilang dalawa sa bangka, biglang tumigil ang malakas na hangin.

33At sinamba siya ng mga nasa bangka at sinabi, “Talagang kayo nga po ang Anak ng Diyos.”

34Nang makatawid sila ng lawa, dumaong sila sa bayan ng Genesaret.

35Nakilala ng mga tagaroon si Hesus at ipinamalita nila sa mga karatig lugar na naroon siya. Kaya dinala ng mga tao kay Hesus ang mga may sakit sa kanila.

36Nakiusap sila kay Hesus na kung maaari ay hayaan niyang hawakan siya ng mga may sakit kahit man lang sa laylayan ng kanyang damit. At ang lahat ng nakahawak ay gumaling.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.