Mateo 22

Ang Talinghaga tungkol sa Handaan sa Kasal

(Luc. 14:15‑24)

1Muling nagsalita sa kanila si Hesus sa pamamagitan ng talinghaga. Sinabi niya,

2“Ang paghahari ng Langit ay maihahalintulad sa kuwentong ito: May isang hari na naghanda ng salo-salo para sa kasal ng anak niyang lalaki.

3Sinugo niya ang kanyang mga alipin para tawagin ang mga inimbitahan sa kasalan, ngunit ayaw nilang dumalo.

4“Sinugo niya ang iba pang mga alipin para sabihin sa mga inimbitahan, ‘Handa na ang lahat; nakatay na ang aking mga baka at iba pang pinatabang hayop. Nakahanda na ang pagkain kaya halina kayo!’

5“Ngunit hindi ito pinansin ng mga inimbitahan. Ang ibaʼy pumunta sa bukid nila, at ang ibaʼy inasikaso ang negosyo nila.

6Ang iba namaʼy sinunggaban ang mga alipin ng hari, hiniya, at pinatay.

7Kaya galit na galit ang hari sa ginawa nilang ito. Sinugo niya ang kanyang mga sundalo para patayin ang mga pumatay sa kanyang mga alipin at sunugin ang lungsod ng mga ito.

8“Pagkatapos, sinabi ng hari sa kanyang mga alipin, ‘Handa na ang salo-salo para sa kasal, ngunit hindi karapat-dapat pumunta ang aking mga naimbitahan.

9Pumunta na lang kayo sa mga pangunahing lansangan, at imbitahan ninyo ang lahat ng inyong makita.’

10Pumunta nga sa mga lansangan ang mga alipin at inimbitahan ang lahat ng nakita nila, masama man o mabuti. Kaya napuno ng mga panauhin ang pinagdarausan ng handaan.

11“Nang pumasok ang hari para tingnan ang mga bisita, nakita niya ang isang lalaking hindi nakabihis ng akma para sa kasalan.

12Kaya tinanong niya ang lalaki, ‘Kaibigan, bakit pumasok ka rito nang hindi nakabihis ng akma para sa kasalan?’ Ngunit hindi nakasagot ang lalaki.

13“Kaya sinabi ng hari sa kanyang mga alipin, ‘Itali ninyo ang mga kamay at paa niya at itapon sa labas, doon sa kadiliman siyaʼy tatangis at magngangalit ang kanyang ngipin.’

14“Marami ang tinatawag ng Diyos, ngunit kakaunti ang pinili.”

Ang Katanungan tungkol sa Pagbabayad ng Buwis

(Mar. 12:13‑17; Luc. 20:20‑26)

15Umalis ang mga Pariseo at nagplano kung paano nila mahuhuli si Hesus sa kanyang mga pananalita.

16Kaya pinapunta nila kay Hesus ang ilan sa kanilang mga kasamahan at ang ilan sa mga alagad ni Herodes. Sinabi ng mga ito, “Guro, alam po namin na totoo ang mga sinasabi ninyo. Itinuturo nʼyo ang katotohanan tungkol sa kalooban ng Diyos. Wala kayong pinapanigan, dahil hindi kayo tumitingin sa katayuan ng tao.

17Ano sa palagay nʼyo? Nararapat po bang magbayad ng buwis sa Emperador ng Roma o hindi?”

18Ngunit alam ni Hesus ang masama nilang balak, kaya sinabi niya, “Mga pakitang-tao! Bakit ninyo ako sinusubok?

19Patingin nga ng perang ipinambabayad ng buwis.” Iniabot nila sa kanya ang pera.

20Tinanong sila ni Hesus, “Kaninong mukha at pangalan ang nakaukit sa pera?”

21Sumagot sila, “Sa Emperador.”

Kaya sinabi niya sa kanila, “Kung ganoon, ibigay ninyo sa Emperador ang sa Emperador, at sa Diyos ang sa Diyos.”

22Namangha sila nang marinig ang sagot ni Hesus, kaya iniwan nila siya.

Ang Katanungan tungkol sa Muling Pagkabuhay

(Mar. 12:18‑27; Luc. 20:27‑40)

23Sa araw ding iyon, lumapit at nagtanong kay Hesus ang ilang mga Saduceo. Sila ang mga taong hindi naniniwala sa muling pagkabuhay.

24Sinabi nila, “Guro, sinabi ni Moises na kapag ang isang lalaki ay namatay na walang anak sa asawa niya, dapat pakasalan ng kanyang kapatid ang naiwan niyang asawa upang magkaanak sila para sa kanya.[#22:24 Deu. 25:5.]

25Noon ay may pitong magkakapatid na lalaki rito sa amin. Nag-asawa ang panganay, at namatay na walang anak. Kaya ang biyuda ay napangasawa ng ikalawang kapatid.

26Ngunit namatay din siya na wala silang anak. Ganoon din ang nangyari sa ikatlo hanggang sa ikapitong kapatid.

27At kinalaunan, namatay din ang babae.

28Ngayon, sa araw ng muling pagkabuhay ng mga patay, sino po sa pito ang magiging asawa ng babaeng iyon dahil naging asawa niya silang lahat?”

29Sumagot si Hesus, “Maling-mali kayo, dahil hindi ninyo nauunawaan ang Kasulatan at ang kapangyarihan ng Diyos.

30Sapagkat sa muling pagkabuhay hindi na mag-aasawa ang mga tao. Magiging tulad sila ng mga anghel sa langit.

31Tungkol naman sa muling pagkabuhay, hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan ang sinabi ng Diyos sa inyo? Sinabi niya,

32‘Ako ang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob.’ Hindi siya Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay.”[#22:32 Exo. 3:6.]

33Nang marinig ito ng mga tao, namangha sila sa kanyang pagtuturo.

Ang Pinakamahalagang Utos

(Mar. 12:28‑34; Luc. 10:25‑28)

34Nang mabalitaan ng mga Pariseo na walang magawa ang mga Saduceo kay Hesus, nagtipon silang muli at lumapit sa kanya.

35Ang isa sa kanila, na dalubhasa sa Kautusan, ay nagtanong kay Hesus para subukin siya,

36“Guro, ano po ba ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?”

37Sumagot si Hesus, “ ‘Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong isip.’[#22:37 Deu. 6:5.]

38Ito ang pinakamahalagang utos sa lahat.

39At ang ikalawang pinakamahalagang utos ay katulad din nito: ‘Mahalin mo ang iyong kapwa tulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili.’[#22:39 Lev. 19:18.]

40Ang buong Kautusan at ang isinulat ng mga propeta ay nakasalalay sa dalawang utos na ito.”

Ang Katanungan tungkol sa Mesias

(Mar. 12:35‑37; Luc. 20:41‑44)

41Habang nagkatipon-tipon pa ang mga Pariseo, tinanong sila ni Hesus,

42“Ano ba ang pagkakakilala ninyo sa Mesias? Kaninong angkan siya nagmula?”

Sumagot sila, “Kay David.”

43Sinabi ni Hesus sa kanila, “Kung gayon, bakit tinawag siya ni David na ‘Panginoon’, sa patnubay ng Espiritu? Ito ang sinabi niya,

44‘Wika ng Panginoon sa aking Panginoon:

“Umupo ka rito sa aking kanan

hanggang sa gawin kong iyong apakan ang iyong mga kalaban.” ’

45Kung tinawag siya ni David na ‘Panginoon’, paano siya naging lahi lang ni David?”

46Wala ni isa mang nakasagot sa tanong ni Hesus. Mula noon, wala nang nangahas na magtanong sa kanya.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.