The chat will start when you send the first message.
1Nang bumaba na si Hesus mula sa bundok, sinundan siya ng napakaraming tao.
2Lumapit sa kanya ang isang lalaking may malubhang sakit sa balat at lumuhod sa harap niya, at sinabi, “Panginoon, kung gugustuhin po ninyo, mapapagaling nʼyo ako upang maituring akong malinis.”[#8:2 : Sa ibang salin ng Bibliya, ketong. Ang Griyegong salita nito ay ginamit sa ibaʼt ibang uri ng sakit sa balat na itinuturing na marumi ayon sa Lev. 13.]
3Hinawakan siya ni Hesus at sinabi, “Gusto ko. Gumaling ka!” At agad na nawala ang kanyang sakit sa balat.
4At sinabi sa kanya ni Hesus, “Huwag mo itong ipagsasabi kahit kanino. Sa halip, pumunta ka sa pari at magpasuri. Dalhin mo ang handog na hinihiling ng Kautusan ni Moises bilang patunay sa mga tao na magaling ka na.”
5Pagdating ni Hesus sa bayan ng Capernaum, lumapit sa kanya ang isang kapitan ng hukbong Romano at nakiusap,
6“Panginoon, may sakit po ang aking katiwala. Nakaratay siya sa aking bahay, paralisado at matindi ang paghihirap niya.”
7Sinabi ni Hesus, “Pupuntahan ko siya at pagagalingin.”
8Ngunit sumagot ang kapitan, “Panginoon, hindi po ako karapat-dapat na puntahan nʼyo sa aking tahanan. Iutos nʼyo lamang na gumaling ang aking katiwala at siyaʼy gagaling.
9Alam ko po ito dahil nasa ilalim ako ng nakatataas na opisyal, at may mga sundalo ring nasa ilalim ko. Kapag sinabi ko sa isa, ‘Pumunta ka roon,’ pumupunta siya. Kapag sinabi ko naman sa isa pa, ‘Halika,’ lumalapit siya. At kapag sinabi ko sa aking alipin, ‘Gawin mo ito,’ ginagawa niya.”
10Namangha si Hesus nang marinig niya ito. Sinabi niya sa mga taong sumusunod sa kanya, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, hindi pa ako nakakakita ng kahit isang tao sa Israel na may ganito kalalim na pananampalataya.
11Sinasabi ko rin sa inyo, marami ang darating mula sa lahat ng dako ng mundo na kakain sa handaan kasama nina Abraham, Isaac, at Jacob sa kaharian ng Langit.
12Ngunit maraming Hudyong dapat sanaʼy kasama sa kaharian ang itatapon sa labas, doon sa kadiliman kung saan silaʼy tatangis at magngangalit ang kanilang ngipin.”
13At sinabi ni Hesus sa kapitan, “Umuwi ka na. Mangyayari ang iyong hinihiling ayon sa iyong pananampalataya.” At nang oras ding iyon ay gumaling ang kanyang katiwala.
14Pumunta si Hesus sa bahay ni Pedro. Pagdating doon, nakita niya ang biyenang babae ni Pedro na nakahiga at nilalagnat.
15Hinawakan siya ni Hesus sa kamay at nawala ang lagnat nito. Bumangon siya at pinagsilbihan si Hesus.
16Nang magtakip-silim na, maraming mga sinasapian ng mga demonyo ang dinala kay Hesus. At sa isang salita lamang ay pinalayas niya ang masasamang espiritu at pinagaling ang lahat ng maysakit.
17Ginawa niya ang mga ito para matupad ang sinabi ni Propeta Isaias:
“Kinuha niya ang ating mga kahinaan
at pinasan ang ating mga karamdaman.”
18Nang makita ni Hesus ang napakaraming taong nakapaligid sa kanya, sinabihan niya ang kanyang mga alagad na pupunta sila sa kabilang ibayo ng lawa.
19May lumapit sa kanyang tagapagturo ng Kautusan at sinabi, “Guro, susunod po ako sa inyo kahit saan kayo magpunta.”
20Sumagot si Hesus, “Ang mga asong-gubat ay may mga lungga, at ang mga ibon ay may mga pugad, subalit ang Anak ng Tao ay walang tahanang mapagpapahingahan.”[#8:20 Titulong madalas gamitin ni Hesus para sa kanyang sarili.]
21Isa pa sa mga alagad niya ang nagsabi, “Panginoon, hayaan nʼyo muna akong umuwi para ilibing ang aking ama.”
22Ngunit sinabi ni Hesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin at ipaubaya mo sa mga patay ang paglilibing ng kanilang patay.”
23Pagkatapos, sumakay sa bangka si Hesus, at sumáma ang mga alagad niya.
24At habang naglalayag sila, biglang dumating ang malakas na bagyo at halos matabunan na ng malalaking alon ang kanilang bangka. Samantala, si Hesus naman ay natutulog.
25Kaya nilapitan siya ng mga alagad niya at ginising. Sumigaw sila, “Panginoon, iligtas nʼyo kami! Malulunod na tayo!”
26Sumagot si Hesus, “Bakit kayo natatakot? Kay liit ng inyong pananampalataya.” Bumangon si Hesus, pinatigil ang hangin at ang mga alon, at naging payapa ang lahat.
27Namangha ang mga alagad niya at sinabi, “Anong klaseng tao ito? Kahit ang hangin at mga alon ay napapasunod niya!”
28Pagdating ni Hesus sa kabila ng lawa, sa lupain ng mga Gadareno, sinalubong siya ng dalawang lalaking sinasapian ng demonyo na galing sa mga kuwebang libingan. Napakabangis nila, kaya walang makadaan doon.[#8:28 : Sa ilang manuskritong Griyego, Geraseno o Gergeseno.]
29Sumigaw sila, “Ano ang pakay mo sa amin, ikaw na Anak ng Diyos? Pumunta ka ba rito para pahirapan kami kahit hindi pa takdang panahon?”
30Sa di-kalayuan ay may malaking kawan ng baboy na kumakain.
31Nagmakaawa ang mga demonyo sa kanya, “Kung palalayasin mo kami, papuntahin mo na lang kami sa mga baboy na iyon.”
32Sinabi niya, “Sige, lumayas na kayo!” Kaya lumabas sila sa dalawang lalaki at pumasok sa mga baboy. Nagtakbuhan ang buong kawan ng baboy pababa ng burol, nahulog sa lawa at nalunod.
33Tumakbo ang mga tagapag-alaga ng mga baboy papunta sa bayan at ipinamalita roon ang buong pangyayari, pati na ang nangyari sa dalawang lalaking sinapian ng demonyo.
34Kaya lumabas ang mga tao sa bayang iyon para puntahan si Hesus, at nang makita nila siya, nakiusap sila na lisanin niya ang lupain nila.